Great Hall of the People, Beijing—Nakipagtagpo Biyernes, Disyembre 7, 2018 si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Ri Yong Ho, Ministrong Panlabas ng Hilagang Korea (DPRK).
Tinukoy ni Xi na pagpasok ng kasalukuyang taon, positibong pagbabago ang naganap sa kalagayan ng Korean Peninsula, at bumalik sa tumpak na landas ng pulitikal na solusyon ang isyu ng peninsula. Umaasa aniya siyang magsisikap ang panig Hilagang Koreano at Amerikano tungo sa magkaparehong direksyon, at magsasa-alang-alang sa makatwirang pagkabahala ng isa't isa, para walang humpay na matamo ng proseso ng talastasang pangkapayapaan ng Korean Peninsula ang positibong progreso.
Saad din ni Xi, kakatigan ng panig Tsino, tulad ng dati, ang pagpapabuti ng Timog Korea at DPRK ng kanilang relasyon, at pasusulungin ang rekonsilyasyon at kooperasyon. Dapat aniyang patuloy na palakasin ng mga departamento ng ugnayang panlabas ng dalawang bansa ang pag-uugnayan, at magkasamang gawin ang pagsisikap para sa pagpapaunlad ng relasyong Sino-Hilagang Koreano, at pagpapasulong sa proseso ng pulitikal na solusyon sa isyu ng Korean Peninsula.
Ipinahayag naman ni Ri na nakahanda ang kanyang bansa, kasama ng panig Tsino, na mainam na itaguyod ang mga aktibidad bilang pagdiriwang sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa sa susunod na taon, patibayin ang tradisyonal na pagkakaibigan, at palakasin ang bilateral na kooperasyon. Patuloy na magpupunyagi ang DPRK para sa denuklearisasyon ng Korean Peninsula, at nakahandang panatilihin ang pakikipag-ugnayan at pakikipagkoordina sa panig Tsino tungkol sa kapayapaan at katatagan ng peninsula, maging ng rehiyong ito, dagdag pa niya.
Salin: Vera