Ipinahayag Marso 8, 2019 sa Beijing ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, na sa masalimuot na kalagayang pandaigdig, nananatiling matatag ang relasyong Sino-Ruso, alinsunod sa tumpak na direksyon. Sinabi ni Wang na bilang huwaran sa kooperasyon ng mga malaking bansa sa daigdig, ang Tsina at Rusya ay mayroong pagtitiwalaan sa pulitika, pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan sa kabuhayan, at nagbibigay-suporta sa isa't isa sa mga suliraning pandaigdig. Ito aniya'y hindi lamang nagdudulot ng ginhawa sa mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi rin nagbibigay-ambag sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon at daigdig.
Sinabi ni Wang na sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko sa taong 2019, ibayong pasusulungin ng Tsina at Rusya ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa. Aniya, sa paanyaya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, dadalo si Pangulong Vladimir Putin ng Rusya sa ikalawang Belt and Road Forum for International Cooperation na nakatakdang idaos sa Tsina sa katapusan ng darating na Abril, at sa paanyaya naman ni Pangulong Putin, dadalaw si Pangulong Xi sa Rusya. Aniya, sa pamumuno ng dalawang lider, ibayong susulong ang relasyong Sino-Ruso sa hinaharap.
Sinabi ni Wang na noong 2018, lumampas sa 100 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalan ng dalawang panig. Dagdag ni Wang, nananatiling mahigpit ang pagpapalitan ng Tsina at Rusya sa mga suliraning pandaigdig. Aniya, sa taong 2019, magkasamang magsisikap ang Tsina at Rusya para ibayong pahigpitin ang estratehikong pagtutulungan, pangalagaan ang diwa ng Karta ng UN, at pangalagaan ang seguridad ng estratehiyang pandaigdig.