Sa news briefing Miyerkules, Marso 20, 2019 ng Ministring Panlabas ng Tsina, isinalaysay ni Wang Chao, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, ang mga impormasyong may kinalaman sa gagawing dalaw-pang-estado ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa tatlong bansang Europeo na kinabibilangan ng Italya, Monaco at Pransya.
Ayon kay Wang, sa paanyaya nina Pangulong Sergio Mattarella ng Italya, Prince Albert II ng Monaco, at Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya, mula ika-21 hanggang ika-26 ng Marso, isasagawa ni Pangulong Xi ang dalaw-pang-estado sa nasabing tatlong bansa. Ito aniya ang kauna-unahang biyahe ng kataas-taasang lider ng bansa at Partido Komunista ng Tsina (CPC) sa ibayong dagat sa kasalukuyang taon, at mahalagang mahalaga ang katuturang historikal nito para sa pag-unlad ng relasyong Sino-Italyano, Sino-Monacan, at Sino-Pranses.
Diin ni Wang, nananalig siyang ang gagawing biyahe ni Xi sa Europa ay makakapagpasulong sa pragmatikong kooperasyon ng Tsina sa nasabing tatlong bansa sa mas mataas na antas, at makakapagpatingkad ng bagong lakas-panulak para sa pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo sa bagong panahon.
Salin: Vera