
Dumating nitong Linggo ng gabi, Marso 24, local time, sa Nice, Pransya, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina para pasimulan ang kanyang pagdalaw sa nasabing bansang Europeo. Ang dalaw, na isinasagawa sa okasyon ng ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina't Pransya, ay ang ikalawang dalaw na pang-estado ni Pangulong Xi sa Pransya.

Sa kanyang 24 na oras na pananatili sa Pransya, aabot sa 8 oras ang pagtatagpo nina Pangulong Xi at Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya.

Nagkasundo ang dalawang pangulo na itatatag ang mas matibay at mas masiglang komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina't Pransya. Nagpasiya rin silang ibayo pang palakasin ang pagtitiwalaang pulitikal, pragmatikong pagtutulungan, at pagpapalitang pangkultura.

Tumayong saksi ang dalawang pangulo sa paglagda ng 14 na dokumentong pangkooperasyon ng Tsina't Pransya. Aabot sa 10 bilyong euro ang kasunduang pangkalakalan na nilagdaan ng dalawang bansa. Nakahanda rin ang dalawang bansa na magkasamang pasulungin ang pagtutulungan hinggil sa Belt and Road Initiative (BRI) at pamilihan ng ikatlong panig.



Salin: Jade
Pulido: Mac