Ginawa kamakalawa, Sabado, ika-13 ng Abril 2019, ang kauna-unahang subok-operasyong may mga bisita sa parke ng Beijing International Horticultural Exhibition, na matatagpuan sa hilagang bahagi ng lunsod.
Sa subok-operasyong ito, pumasok sa parke ang mahigit 30 libong tao, at katumbas ito ng kalahati ng pinakamalaking bilang ng mga bisitang maaaring tanggapin ng parke.
Ayon naman sa tagapag-organisa ng Beijing International Horticultural Exhibition, sa kasalukuyan, maalwang ginagawa ang mga paghahanda para sa eksibisyon. Anito, nasa puwesto na ang halos 4 na libong managing staff, at nagkakaroon naman ng pagsasanay ang halos 2 libong boluntaryo.
Bubuksan sa ika-29 ng buwang ito ang Beijing International Horticultural Exhibition, at tatagal ito ng 162 araw. Kumpirmadong lalahok sa eksibisyon ang mahigit 110 bansa at organisasyong pandaigdig, at 120 di-opisyal na eksibitor.
Salin: Liu Kai