Kaugnay ng sunog na tumupok sa Notre Dame Cathedral ng Pransya, nagpadala Martes, Abril 16, 2019 ng mensahe si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang French counterpart na si Emmanuel Macron, bilang taos-pusong pakikidalamhati sa lahat ng mga mamamayang Pranses.
Tinukoy ni Xi na ang Notre Dame Cathedral ay hindi lamang mahalagang simbolo ng sibilisasyong Pranses, kundi namumukod na kayamanan ng sibilisasyon ng sangkatauhan. Aniya, tulad ng mga mamamayang Pranses, ikinalulungkot ng mga mamamayang Tsino ang pagkaganap ng nasabing sunog. Nananalig aniya siyang sa ilalim ng pagsisikap ng mga mamamayang Pranses at pagkatig ng komunidad ng daigdig, tiyak na maalwang maibabalik sa dati ang Notre Dame Cathedral.
Salin: Vera