Ayon sa pahayag na inilabas nitong Huwebes, Abril 18, ng Ministring Panlabas ng Rusya, nag-usap nang araw ring iyon sina Igor Morgulov, Pangalawang Ministrong Panlabas ng bansa at Stephen Biegun, dumadalaw na Espesyal na Kinatawan ng Amerika sa Patakaran sa Hilagang Korea. Nagkaisa ang dalawang bansa na patuloy na makikipagtulungan sa iba pang mga may kinalamang panig para malutas ang isyu ng Korean Peninsula sa paraang pulitikal at diplomatiko, sa lalong madaling panahon.
Ipinahayag naman nang araw ring iyon ng Kremlin na nakatakdang dumalaw sa Rusya si Kim Jong Un, Kataas-taasang Lider ng Hilagang Korea (DPRK) sa huling dako ng buwang ito, at magtatagpo sila ni Pangulong Vladimir Putin.
Salin: Jade
Pulido: Mac