Bilang pagdiriwang sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng People's Liberation Army (PLA) Navy ng Tsina, idaraos sa darating na Martes, ika-23 ng Abril 2019, sa karagatan at himpapawid malapit sa Qingdao, lunsod sa silangang Tsina, ang parada ng hukbong pandagat.
Ito ay ipinatalastas sa isang news briefing na ginanap ngayong araw sa Qingdao ng hukbong pandagat ng Tsina.
Ayon pa rin sa news briefing, lalahok sa parada ang 32 bapor ng PLA Navy na kinabibilangan ng mga submarine, destroyer, frigate, landing warship, supporting vessel at carrier group; at ang 39 na eroplano na kinabibilangan ng mga reconnaissance plane, fighter, carrier fighter at helicopter.
Sa paanyaya ng panig Tsino, lalahok naman sa parada ang 18 bapor mula sa mga hukbong pandagat ng 13 bansa, na kinabibilangan ng strategic sealift vessel Tarlac ng Pilipinas.
Sinabi rin ng mataas na opisyal ng PLA Navy, na sa pamamagitan ng naturang parada, gustong ipakita ng panig Tsino, kasama ng iba't ibang may kinalamang bansa, sa buong daigdig, ang determinasyon sa pangangalaga sa kapayapaan at pagpapasulong ng komong kaunlaran.
Salin: Liu Kai