Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Talentong Pinoy, itinampok sa Asian Culture and Tourism Exhibition; sustenableng turismo isusulong

(GMT+08:00) 2019-05-21 19:05:25       CRI
Sa pamamagitan ng pagpapakita ng likas na talento at pagkamasining ng mga Pilipino, lumahok ang Philippine Department of Tourism (PDOT) sa Asian Culture and Tourism Exhibition (ACTE) na ginanap sa National Agricultural Exhibition Center sa Beijing mula Mayo 16-18, 2019.

Sa tatlong araw na ACTE, itinampok ng PDOT ang mga pagtatanghal na nagpakita ng galing ng mga Pilipino sa pag-awit at pagsayaw. Higit dito, layon ng mga presentasyon na ilahad ang mayaman, makulay at natatanging kultura ng Pilipinas upang mas makilala at maunawaan ng mga Tsino ang Pilipinas bilang isang bansa, hindi lamang isang travel destination.

Mayo 16, itinanghal ng Grupong Kayumanggi ang maikling konsyerto ng mga sikat na awiting Pinoy. Kinagiliwan ng mga manonood na Tsino ang panonood at pagkatapos nito ay kanilang sinubukan mismo ang pag-indak sa Pambansang Sayaw ng Pilipinas na Tinikling.

Sa ikalawang araw ng ACTE noong Mayo 17, isang fashion show naman ang ibinida ng Pilipinas. Sa tulong ng mga miyembro ng grupong Filipino Community in Beijing (FilComBei), ibinahagi ang iba't ibang istilo ng Barong na isinuot ng kapwa bata at matanda. Samantalang namangha naman ang mga Tsino kung gaano ka-elegante at moderno ang kasuotang pambabae na Terno.

Sa huling araw nitong Mayo 18, isang kumpletong performance ang inihandog ng Performing Arts Group ng The Filipino Teachers. Suot ang magagarang traditional costumes, itinanghal ng TFT ang Pandango Rinconada, Mamang Sorbetero, Kastilyong Buhangin, La Jota Moncadena, Pastores a Belen at Piliin Mo ang Pilipinas.

Sa kanyang mensahe sa Ingles na ipinadala sa CRI Serbisyo Filipino, sinabi ni Tomasito Umali, Tourism Attaché ng PDOT Beijing na "Ikinagulat ko at taos-pusong akong nagpapasalamat sa kooperasyon at makabuluhang suporta ng mga kababayan sa Beijing. Sa kabila ng pagiging abala sa kani-kanilang mga trabaho at mga pinagkakaabalahan, naglaan sila ng oras sa pag-eensayo." Dagdag pa ni Umali, sa kabila ng kakulangan sa resources, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lahat ng mga Pilipino ay nakasali ang Pilipinas sa ACTE at naging bahagi ng pagdiriwang ng kapayapaan, kaligayahan at kasaganaan ng bansang Tsina.

Ang ACTE ay bahagi ng pagdiriwang ng Ika-70 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Tsina. Isa sa mahalagang kaganapan sa ACTE ay ang Asian Travel Operator Conference kung saan lumahok ang may 300 travel operators mula sa iba't ibang bahagi ng Tsina.

Isa sa mga paksang tinalakay sa kumperensiya na ginanap noong Mayo 16 ay "Let Culture Guide the Movement and Exchange of Tourism Products" na dinaluhan ni Ambassador Jose Santiago Sta. Romana.

Sa panel discussion, tinanong ang sugong Pilipino kung ano ang pinakamainam na karanasan upang isulong ang turismong nakatuon sa katutubong kultura. Ipinahayag ni Amb. Sta. Romana, importante ang sustenableng turismo na magbibigay galang sa pangangalaga sa kapaligiran, kabuhayan at kultura. Aniya pa may tatlong ethnic cultural tourism products ang Pilipinas na kinabibilangan ng pakikipamuhay sa mga katutubo, mga pestibal at pagbili ng mga katutubong likhang sining.

Ipinaliwanag din ni Ambassador Sta. Romana ang tourism tagline na "It's More Fun in the Philippines." Napapaloob sa kampanya ang pagpapakilala sa makulay na pinaghalo-halong impluwensiyang Silanganin at Kanluranin, dagdag pa rito ang halos 100 kulturang katutubo mula sa 7,641 isla ng Pilipinas.

Magiging tunay na masaya o "fun" ang ethnic cultural tourism sa Pilipinas kung ang bawat turista ay malalimang makikilala at igagalang ang kultura, maingat na pipiliin ang lokal na kasama at susunod sa mga takdang aktibidad na panturistang malugod na ibabahagi ng lokal na kultura.

Noong 2018, 7.1 milyong turistang dayuhan ang dumalaw sa Pilipinas at sa bilang na ito, 1.2 milyon ang mula sa Tsina. Para sa taong 2020, target ng PDOT na paabutin sa 2 milyon ang bilang mga turistang Tsino.

Ulat: Mac Ramos

Larawan / Videos : PDOT

Si Tito Umali (gitna) kasama ang mga miyembro ng FilComBei matapos ang fashion show ng Barong at Terno

Ang Grupong Kayumanggi

Ang Performing Arts Group ng The Filipino Teachers

 Si  Ambassador Jose Santiago Sta. Romana

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>