Kaugnay ng pagpapadala ng FedEx Corp. ng mga pakete na hindi alinsunod sa pangalan o direksyon, ipinahayag Linggo, Hunyo 2, 2019 ni Ma Junsheng, Direktor ng Pambansang Kawanihan ng Koreo ng Tsina, na dapat sumunod ang anumang express company sa mga batas at alituntunin ng Tsina, at hindi dapat makapinsala sa lehitimong karapatan at kapakanan ng mga bahay-kalakal at user na Tsino.
Diin ni Ma, ang imbestigasyon sa FedEx Corp. ay makakabuti sa pangangalaga sa kaayusan ng pamilihan ng express ng Tsina, pangangalaga sa lehitimong karapatan at kapakanan ng mga bahay-kalakal at user na Tsino, at paggarantiya sa kaligtasan ng koreo, telekomunikasyon, at kabuhayan ng Tsina.
Dagdag ni Ma, napakalaki ng nakatagong lakas ng pamilihan ng express ng Tsina. Winewelkam aniya ng Tsina ang pamumuhunan ng iba't ibang bansa sa pamilihan ng express ng Tsina, pero ang paunang kondisyon ay dapat sundin nila ang mga batas at alituntunin ng bansa, at huwag pinsalain ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga bahay-kalakal at user na Tsino.
Salin: Vera