Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Likas-kayang pagsasaka at kaunlarang pangkanayunan, tampok sa China-Southeast Asia Youth Program: 2 Pinoy, kalahok

(GMT+08:00) 2019-07-02 15:02:15       CRI

Sa ilalim ng mga layuning tulad ng pagtatayo ng mas mahusay na pang-unawa sa kultura ng isat-isa, at pagpapalitan ng mga kabataang Tsino, Pilipino at Timogsilangang Asyano; pagsusulong ng pagkakaibigan at pagpapalitang tao-sa-tao; at sustenableng kaunlarang pansibilisasyon, idinaos mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 1, 2019 sa Phoenix Commune, Beijing ang China Southeast Asia Youth Program.

Mula sa kaliwa Zhang Lanying, Carla Santos, at Marlon Palomo

Kalahok sa programang ito ang dalawang Pilipinong sina, Marlon Palomo, Ehekutibong Direktor at Carla Santos, Project Development Officer ng Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM), at iba pang eksperto mula sa ibat-ibang bansa ng Tsina at Timogsilangang Asya.

Marlon Palomo (kaliwa) at Carla Santos (kanan)

Sa panayam sa Serbisyo Filipino ng China Media Group (CMG), sinabi ni Palomo na nasimulan na ang pagpapalitan ng mga personahe sa usaping nabanggit, at mayroon nang 2 Tsinong naipadala sa Pilipinas upang maramdaman, maunawaan at pag-aralan ang buhay ng mga Pilipino sa kanayunan.

Sa kabilang banda, inimbitahan din sila ng mga katuwang na organisasyong Tsino na dumalaw sa kanayunan ng Xiamen, lalawigang Fujian, sa dakong timog-silangan ng Tsina upang sila naman ang magkaroon ng malawak na pag-unawa sa pamumuhay at kultura ng mga mamamayang Tsino sa kanayunan ng bansa.

Ani Palomo, sa kanayunang ito niya nakita kung paano naisagawa ng Tsina ang kagila-gilalas ng pag-unlad sa ekonomiya at nakilala rin niya ang tunay na pamumuhay ng mga Tsino.

Para sa mga Pilipino at Tsino, ang kultura at sistema ng pamumuhay ay bahagi ng kanayunan, saad niya.

"Isang mahalagang aspekto ng pagpapalitang ito ay ang pag-unawa sa kultura, lalo na ng mga kabataang magiging bahagi ng nasabing programa," sabi ni Palomo.

Demonstrasyon ng Kali bilang bahagi ng pagpapakilala ng kulturang Pilipino

May napakahabang kasaysayan ang relasyon ng Pilipinas at Tsina, at umaasa siyang sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, lalo pang mapapalakas ang ugnayan, mapapalalim ang pag-unawa sa kultura, mapapa-unlad ang kasanayan sa teknolohiya, at mapapagyaman ang mga komunidad ng kapuwa bansa.

Samantala, sinabi naman ni Carla Santos, na sa pagpapalitang ginaganap sa China-Southeast Asia Youth Program, ipi-presenta niya ang tungkol sa likas-kayang pagsasaka (sustainable agriculture), kung saan ang pagtatanim at pag-ani tungkol sa seguridad sa pagkain ay hindi nakakasira sa kapaligiran at hindi nakakapagbigay ng sakit sa mga tao, bagkus ay pinapayaman pa lalo ang katubigan, kalupaan, at kalusugan ng mga mamamayan.

Kasama rin aniya rito ang pagpapalitang pang-kultura, dahil ang relasyon sa pagsasaka ay naka-ugat sa kultura.

Ayon naman kay Zhang Lanying, punong-abala ng naturang kaganapan, ang agrikultura ay isa sa mga nukleong larangan ng pagtitipon.

Mga kalahok matapos ang demonstrasyon ng Kali

Aniya, nais nilang tulungan ang mga kabataang Tsino, Pilipino, at Timogsilangang Asyano na magkaroon ng mas malalim na kaalaman tungkol sa likas-kayang pagsasaka at suportahan silang mamuhay sa sustenableng paraan.

Sinabi rin ni Zhang na kasama rin sa pagtitipon ang mga usaping gaya ng pag-unawa sa pambansang polisiya ng Tsina; pagpapalakas ng kaalaman hinggil sa mga bansang nakatakdang puntahan ng mga kalahok, na tulad ng Pilipinas; at pagbuo ng mga grupo ng kabataang magbabahagi ng kanilang sariling kaalaman hinggil sa Tsina at mga bansa ng Timogsilangang Asya.

Saad niya, ang Tsina at Pilipinas ay mga bansang parehong umaasa sa agrikultura, at parehong may karanasan sa pagsasaka sa loob ng libu-libong taon.

Kaya naman ang kapuwa bansa aniya ay binubuo ng malalaking bahagi ng mga rural na pamayanan, kung saan, ang pagsasaka ay lubhang napakahalaga.

Sa pananaw na ito, ang mga kultura ng dalawang bansa ay nagmula sa pagsasaka, salaysay ni Zhang.

Habang nagpapalitan ng karanasan ang mga kalahok

Ang mga kalahok sa pagtitipon ay pinili mula sa mga aplikanteng may 5 taong karanasan sa pagpapa-unlad ng kanayunan; may pang-unawa sa wikang Ingles, upang magkipag-interaksyon sa mga mamamayan ng mga bansang kanilang pupuntahan; at higit sa lahat, handang matuto ng bagong kaalaman, at handang magbahagi ng kanilang kaalaman.

Ang China-Southeast Asia Youth Program ay nasa ilalim ng pagtataguyod ng Sources for Action Initiative, at suporta ng Partnership for Community Development, na nakabase sa Hong Kong.

Ulat: Rhio
Web Editor: Jade / Li Feng

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6392061806XX: Pagdalaw ni Dalai sa Taiwan hindi makakatulong sa pagkakaisa ng Taiwan at mainland. Dapat lumayo siya rito.
More>>