Nakipagtagpo ngayong araw, Huwebes, ika-4 ng Hulyo 2019, sa Beijing, si Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina kay Tijjani Muhammad-Bande, bagong halal na Pangulo ng Ika-74 na General Assembly ng United Nations (UNGA).
Ipinahayag ni Wang ang pagbati sa pagkahalal ni Bande bilang Pangulo ng UNGA. Nakahanda aniya ang Tsina na kumatig at makipagtulungan sa UNGA para matamo ang bagong progreso sa mga pangunahing usaping gaya ng sustenableng pag-unlad, pagbabago ng klima, kapakanan ng kababaihan at kabataan, at pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan. Ipinahayag din niya ang pag-asang sa Pangkalahatang Debatehan ng UNGA sa darating na Setyembre, ilalabas ang magkakaisang tinig hinggil sa pagkatig sa multilateralismo at pagpapalakas ng papel ng UN.
Ipinahayag naman ni Bande, na mas mahalaga kaysa dati ang multilateralismo para sa komunidad ng daigdig. Ipinahayag niya ang pasasalamat sa Tsina sa palagiang pagkatig nito sa mga gawain ng UNGA. Nakahanda aniya ang UNGA na palakasin ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa mga pangunahing usapin.
Salin: Liu Kai