Idinaos kahapon, Sabado, ika-6 ng Hulyo 2019, sa Tianjin, lunsod sa hilagang Tsina, ang aktibidad bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng pagpapaunlad ng Tsina ng supercomputer.
Sa aktibidad, ipinahayag ni Mei Jianping, mataas na opisyal ng Ministri ng Siyensiya at Teknolohiya ng Tsina, na sa susunod na yugto, ibayo pang itatayo at pabubutihin ng kanyang bansa ang mga imprastruktura ng supercomputer sa antas ng estado. Ani Mei, itatayo ng Tsina ang mas maraming national supercomputer center, at pag-uugnayin ang mga sentrong ito at mga umiiral na sentro, para buuin ang pambansang supercomputer network, at palakasin ang pagbabahagi ng yaman ng supercomputer sa buong bansa.
Mula noong Mayo ng 2009, magkakasunod na itinayo ng Tsina ang 6 na national supercomputer center sa Tianjin, Shenzhen, Ji'nan, Changsha, Guangzhou, at Wuxi. Itinalaga sa mga sentrong ito ang mga supercomputer na gaya ng Tianhe-1, Sunway BlueLight, Tianhe-2, at Sunway TaihuLight, at idinedebelop din ang mga bagong supercomputer. Ang mga sentrong ito ay nagbibigay ng bagong lakas sa pag-unlad ng Tsina na itinataguyod ng inobasyon.
Salin: Liu Kai