Bilang reaksyon sa pag-aproba ng Kagawaran ng Estado ng Amerika na bentahan ng mga sandatang nagkakahalaga ng 2.22 bilyong dolyares ang Taiwan, ipinahayag ng Tsina ang matinding pagtutol.
Ayon sa Tsina, ang aksyon ng Amerika ay hindi lamang labag sa patakarang "Isang Tsina" at prinsipyong nakapaloob sa tatlong magkasanib na komunike, kundi labag din sa komong palagay na narating kamakailan ng mga lider ng dalawang bansa sa sidelines ng G20, Osaka. Ito rin ay pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina.
Ayon sa tatlong magkasanib na komunike sa patigan ng Tsina at Amerika, kinikilala ng Amerika na ang pamahalaan ng People's Republic of China ang tanging legal na pamahalaan ng Tsina at ang Taiwan ay isang bahagi ng Tsina. Bukod dito, nangako rin ang Amerika, na unti-unting bawasan ang pagbebenta ng sandata sa Taiwan.
Sa kabila nito, laging nagkakaloob ng pang-militar na tulong ang Amerika sa Taiwan batay sa Taiwan Relations Act na ini-adopt noong 1979. Ang pagbebenta ng mga sandata ay nagiging isang negtibong elementong nakakasira sa relasyon ng Tsina at Amerika. Nitong dalawang taon sapul nang magsimula ang panunungkulan ng kasalukuyang pamahalaang Amerikano, 4 na batch ng sandatan ang binili ng Taiwan. At ang layuning ito ay hindi lamang para kumite ang mga bahay-kalakal na nagbebenta ng sandata, kundi para patawan ng presyur ang Tsina.
Sa pag-uusap noong ika-29 ng Hunyo, 2019 sa Osaka, Hapon ng mga pangulo ng dalawang bansa, sumang-ayon silang patuloy na pasusulungin ang relasyong may koordinasyon, kooperasyon at katatagan, at muling sisimulan ang pagsasangguniang pangkabuhayan at pangkalakalan batay sa pagkakapantay-pantay at paggalang sa isa't isa. Sa panahong ito, ang pagbebenta ng mga sandata ay hindi makakabuti sa paghupa ng alitan sa pagitan ng Tsina at Amerika, at hindi rin magdudulot ng seguridad at katatagan sa Taiwan Strait.
Salin:Lele