Ang National Endowment for Democracy (NED) ng Amerika ay itinatag noong 1983. Bagama't tinatawag ng organisasyong ito ang sarili na non-governmental organization o NGO, sa katotohanan, itinatag ito batay sa batas ng Kongreso ng Amerika at pinoponduhan taun-taon ng pamahalaang Amerikano. Sa pangangatwiran ng pagbibigay-tulong sa demokrasya ng ibang bansa, ang tunay na ginagawa ng NED ay pagbabagsak sa pamahalaan ng ibang bansa sa pamamagitan ng "color revolution." Nitong mga taong nakalipas, pinaniniwalang ang NED ay nasa likod ng kaguluhan sa maraming bansang gaya ng Venezuela, Ukraine, Myanmar, Tunisia, Libya, Egypt, Syria, at iba pa.
Simula pa noong 1995, nagbibigay-pondo ang NED, sa pamamagitan ng sangay nitong National Democratic Institute for International Affairs, sa paksyon oposisyon ng Hong Kong, at hanggang noong unang dako ng 2015, ang kabuuang halaga ng mga pondong ito ay umabot sa halos 4 na milyong Dolyares. Maraming katibayan ang nagpapakitang nagbigay-pondo ang NED sa ilegal na kilusang "Occupy Central" sa Hong Kong noong 2014, at lumitaw rin ito sa kasalukuyang kaguluhan sa Hong Kong. Noong Mayo ng taong ito, bumisita at nagtalumpati sa NED ang ilang pangunahing oposisyonista ng Hong Kong na kabilang sa puwersang naninindigan sa "pagsasarili ng Hong Kong." Nakipagsabwatan din ang NED sa naturang puwersa sa pagsasagawa ng mga karahasan sa Hong Kong, para ilunsad ang color revolution, paralisahin ang pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR), at sirain ang "Isang Bansa, Dalawang Sistema."
Pero, hindi posibleng magtagumpay ang color revolution sa Hong Kong. May malakas at matibay na determinasyon ang sentral na pamahalaan at mga mamamayan ng Tsina, na ipagtanggol ang soberanya, katiwasayan, at pagkakaisa ng bansa, at pangalagaan ang kasaganaan at katatagan sa Hong Kong. Kung hindi kokontrulin ng pamahalaan ng HKSAR ang kalagayan, hindi maghahalukipkip ang sentral na pamahalaan, at mayroon itong sapat at malakas na mga hakbangin, para payapain ang kaguluhan at biguin ang tangkang isagawa ang color revolution sa Hong Kong.