Ipinadala ngayong araw, Huwebes, ika-26 ng Setyembre 2019, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang mensahe bilang pagbati sa ika-60 anibersaryo ng pagkatuklas ng Daqing Oilfield, mina ng langis na matatagpuan sa hilagang silangan ng Tsina at may pinakamalaking produksyon sa bansa. Ipinahayag din niya ang pangungumusta sa kasalukuyang mga manggagawa at mga retiradong manggagawa ng minang ito, at kani-kanilang mga kamag-anakan.
Sinabi ni Xi, na nitong 60 taong nakalipas, sa harap ng malaking kahirapan, natuklasan ng mga manggagawa at heolohista ang Daqing Oilfield. Ito aniya ay nagbukas ng bagong kabanata sa kasaysayan ng paggagalugad at pagpapaunlad ng langis ng Tsina, at mahalaga ring ambag sa bansa.
Sinabi rin niyang, ang diwa ng mga manggagawa ng Daqing Oilfield ng pagmamahal sa inangbayan, pagpupunyagi sa trabaho, paghahanap ng katotohanan, at kawalang-pag-iimbot ay mahalagang bahagi ng dakilang diwa ng nasyong Tsino. Dapat aniya ipagpatuloy ang diwang ito, para isakatuparan ang Chinese Dream ng dakilang pagbangon ng nasyong Tsino.
Salin: Liu Kai