Sa pamamagitan ng video call, magkasamang sumaksi Lunes ng hapon, Disyembre 2, 2019 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya sa seremonya ng pagsasaoperasyon ng natural gas pipeline ng dalawang bansa sa silangang ruta.
Tinukoy ni Xi na ang proyekto ng nasabing natural gas pipeline ay palatandaan ng kooperasyon ng kapuwa panig sa enerhiya, at modelo rin ng malalimang pagkakahalu-halo ng kanilang interes at win-win cooperation. Umaasa aniya siyang patuloy na magpupunyagi ang magkabilang panig, para itayo ang mas maraming proyektong tulad ng nasabing pipeline, at ihatid ang mas maraming benepisyo sa dalawang bansa at kani-kanilang mga mamamayan.
Saad naman ni Putin, may mahalagang katuturang historikal ang pagsasaoperasyon ng naturang natural gas pipeline, at salamat dito, aabot sa bagong antas ang estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa. Aniya, nakahanda ang panig Ruso na magsikap, kasama ng panig Tsino, para maigarantiya ang maalwang pagsulong ng naturang proyekto.
Salin: Vera