Sinabi kahapon, Huwebes, ika-20 ng Pebrero 2020, sa Geneva, Switzerland, ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, Direktor Heneral ng World Health Organization (WHO), na sinusuri ngayon sa Tsina ng grupo ng mga ekspertong pandaigdig na ini-organisa ng WHO ang kalagayan ng epidemiya ng novel coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Dr. Tedros, ang grupong ito ay binubuo ng mga ekspertong galing sa Rusya, Amerika, Hapon, Timog Korea, Singapore, Alemanya at Nigeria. Inaalam nila, kasama ng mga ekspertong Tsino, ang kakayahang manghawa ng virus at bisa ng mga hakbanging isinasagawa ng panig Tsino, dagdag ni Tedros.
Isinalaysay din niyang, sa kasalukuyan, itinakda ng WHO ang dalawang pangunahing paraan ng pagbibigay-lunas sa mga may-sakit ng COVID-19. Isa aniya ay paggamit ng mga gamot laban sa AIDS na kinabibilangan ng Lopinavir at Ritonavir, at isa naman ay paggamit ng Remdesivir, gamot laban sa virus. Sinabi niyang isinasagawa ngayon ang clinical test ng nasabing dalawang paraan sa Wuhan, at hinihintay ng WHO ang magiging resulta sa loob ng darating na 3 linggo.
Salin: Liu Kai