Ipinatawag kahapon, Biyernes, ika-27 ng Marso 2020, sa Beijing, ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangulo ng bansa, ang pulong ng Pulitburo ng Komite Sentral ng CPC, kung saan pinag-aralan ang paglaban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at pagpapaunlad ng kabuhayan at lipunan.
Ayon sa pahayag na inilabas ng pulong, ang kasalukuyang priyoridad ng Tsina sa paglaban sa COVID-19 ay pagharap sa pagkalat ng sakit na mula sa labas ng bansa at pag-iwas sa muling pagbabalik ng epidemiya sa loob ng bansa.
Ayon pa rin sa pulong, dapat pabilisin ang pagpapanumbalik ng normal na takbo ng pamumuhay at produksyon, at isagawa ang mga hakbanging nagpapasigla ng kabuhayan.
Binigyang-diin sa pulong, na palalakasin ang pandaigdig na kooperasyon sa paglaban sa COVID-19, at ipagpapatuloy ang pagkakaloob ng tulong sa mga bansa. Samantala, palalakasin ang pandaigdig na kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, at igagarantiya ang maayos na daloy ng pandaigdig na kargamento.
Salin: Liu Kai