Inilabas ngayong araw, Biyernes, ika-17 ng Abril 2020, ng panig opisyal ng Wuhan, lunsod sa gitnang Tsina na malubhang epektado ng COVID-19, ang rebisadong estadistika tungkol sa epidemiya sa lugar. Ayon sa datos na nakalap hanggang hatinggabi ng Abril 16, natuklasan sa lunsod ang 325 di-naitalang kumpirmadong kaso, at 1,290 di-naitalang namatay. Sa gayon, umabot sa 50,333 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso sa Wuhan, at 3,869 naman ang mga pumanaw.
Batay sa Batas sa Pagpigil at Pagkontrol sa mga Nakahahawang Sakit, Regulations on Preparedness for and Response to Emergent Public Health Hazards, Batas sa Estadistika, Regulasyon sa Pagtatala ng Namatay na Populasyon, at iba pa, binuo ng pamunuan ng paglaban sa COVID-19 ng Wuhan ang grupong tagapagsiyasat, para muling mangalap ng impormasyon mula sa mga ospital, administrasyon ng purok panirahan, istasyon ng pulisya, kamag-anakan ng may-sakit, at iba pa, at magsagawa ng muling pagsusuri sa mga naitalang datos. Pagkaraan nito, nakuha ang nabanggit na rebisadong estadistika.
Ayon sa naturang pamunuan, may ilang dahilan kung bakit hindi agad nakuha ang tamang datos. Halimbawa, noong nagsisimula ang epidemiya, hindi tinanggap sa ospital ang ilang may-sakit at namatay sila sa sariling bahay. May di-kumpletong estadistika dahil sa labis na abalang takbo ng ilang ospital. At maling naitala ang datos sa ilang makeshift hospital.
Dagdag ng pamunuang ito, ang pagpapalabas ng rebisadong numero ay nagpapakita ng pagpapahalaga sa buhay. Muli nitong ipinahayag ang pakikidalamhati sa mga nasawi ng COVID-19 at pakikiramay sa kani-kanilang mga naiwang kapamilya.
Salin: Liu Kai