Sinabi kahapon, Martes, ika-26 ng Mayo 2020, ni Bai Yansong, beteranong komentarista at tagapag-analisa ng China Media Group (CMG), na ang panukalang Civil Code na sinusuri ngayon sa sesyon ng National People's Congress ay mahalaga para sa bawat mamamayang Tsino.
Aniya, sa nakalipas na 5 taong pagbalangkas sa nasabing panukala, 10 beses na isinagawa ang bukas na konsultasyon, at 420 libong tao ang nagharap ng mahigit 1 milyong kuru-kuro at mungkahi para rito.
Dagdag ni Bai, ang Civil Code ay koleksyon ng mga batas at regulasyon tungkol sa pangangalaga sa iba't ibang karapatan at kapakanan ng mga mamamayan.
Dahil sa lehislasyong ito, magkakaroon aniya ang bawat Tsino ng mas malakas na damdamin ng kaligtasan, kaligayahan at mas matatag na pag-asa para sa kinabukasan.
Salin: Liu Kai