Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Ugnayan ng Kaharian ng Luzon at Dinastiyang Ming ng Tsina, maningning na simbolo ng matatag na ugnayang Pilipino-Sino

(GMT+08:00) 2020-07-22 18:10:08       CRI

Ipinagdiriwang ng Pilipinas at Tsina ngayong taon ang ika-45 anibersaryo ng pormal na pagkakatatag ng kanilang relasyong diplomatiko.

Pero, dahil sa karagatang nagsilbing linya ng komunikasyong nagdurugtong sa dalawang bansa, nagsimula ang sinaunang ugnayang Pilipino-Sino sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga produkto, at pagbahaginan ng ideya at kulturang nagresulta sa pagkabuo ng matibay na pagkakaibigan at pag-uunawaan ng mga mamamayang Pilipino at Tsino.

Ayon sa tala ng Tsina, nagkaroon ito ng ugnayan sa tatlong kahariang umusbong sa teritoryo ng bansang ngayon ay kilala bilang Pilipinas, at ang mga ito ay kinabibilangan ng: Kaharian ng Butuan/蒲端 (1001AD), Kaharian ng Sulu/蘇禄 (1368AD), at Kaharian ng Luzon/呂宋国(1373AD).

Sa kanyang aklat na pinamagatang "Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society" (Ateneo De Manila University Press, 1994), sinabi ni William Henry Scott, na itinuring ng Tsina ang tatlong ito bilang mga soberanong kahariang pinamumunuan ng mga hari o guo wang (國王).

Dahil sa heograpikal na posisyon ng Kaharian ng Luzon, nagkaroon ito ng mas magandang akses sa mga produktong Tsino at mas mahigpit na pakikipagpalitan at relasyon sa Dinastiyang Ming ng Tsina.

Ayon sa "Annals of the Ming Dynasty," sa ikalimang taon ng Emperador Hongwu (1372AD), ipinadala ng Kaharian ng Luzon ang una sa marami pang sunud-sunod na misyong diplomatiko sa Imperyo ng Ming [1368AD-1644AD] (Scott, 1994).

Samantala, malinaw namang nakasaad sa "Veritable Records of the Ming Empire," na nagpadala ito ng sugo sa Kaharian ng Luzon upang imbitahan ang naturang kaharian na magpadala ng emisaryo sa Tsina (Wade, 2005).

Sa opisyal na tala, inilagay ng Dinastiyang Ming ang karakter Tsinong 国 (guo o bansa) pagkatapos ng mga karakter na 吕宋 (lu song o Luzon), na nangangahulugang itinuring nila itong isang indipendiyente at soberanong kahariang pinamunuan ng isang hari at hindi isang datu (Scott, 1994).

Dagdag pa riyan, mas naging paborable rin ang relasyon ng Dinastiyang Ming sa Kaharian ng Luzon kaysa sa iba pang kahariang tulad ng Hapon, dahil ito ay nagkaroon ng pagkakataong makipagkalakalan sa Tsina, minsan sa 2 taon, samantalang ang Hapon ay nagkaroon lamang ng pagkakataong makipagkalakalan sa Tsina minsan sa loob ng 11 taon (Zhang Tingyu/张廷玉, 1739)

Ang Kaharian ng Luzon ay nakalista rin bilang isa sa mga istasyon ng plotilya ng dakilang mandaragat na si Admiral Zheng He ng Tsina noong 1405AD-1433AD (Wade, 2005).

Si Zheng ay isang Tsinong Muslim (lahing Hui) at siya ay kilala sa kanyang pambihirang abilidad sa eksplorasyon sa dagat, diplomasiyang panlabas, at usaping militar.

Sa panahon ng pagdalaw ni Zheng He sa Kaharian ng Luzon, ito ay isang Muslim na kaharian.

Ang Kaharian ng Luzon ay namayagpag sa panahon ng huling hati ng Dinastiyang Ming.

Sa panahong ito, isinara ng Dinastiyang Ming ang panlabas na kalakalan - lahat ng dayuhan ay hindi na maaaring makipagkalakalan sa Tsina at ganoon din naman ang mga mangangalakal na Tsino.

Pero, sa kabila nito, regular pa ring nakakapagdala ng kalakal sa Kaharian ng Luzon ang mga negosyanteng Tsino mula sa lalawigang Guangdong, at lunsod Quanzhou ng lalawigang Fujian ng Tsina.

Sa kabilang banda, ikinalakal naman ng mga negosyante ng Luzon ang mga produktong Tsino sa ibat-ibang lugar ng Timogsilang Asya, at sila ay ikinonsidera bilang "Tsino" ng mga taong kanilang naging kakalakalan (San Agustin, 1699).

Dahil dito, lumakas ang Kaharian ng Luzon at nagkaroon ito ng monopolyo sa mga produktong Tsino sa Timogsilangang Asya.

Malawak ang teritoryo ng Kaharian ng Luzon - mula sa silangang baybayin ng Peninsula ng Batangas, sa gawing timogkanluran; hanggang sa Look ng Casiguran, Aurora, sa hilagangsilangan (Murillo Velarde, 1744; San Antonio, 1744; Beyer, 1918; Henson, 1965; Larkin, 1972 and Tayag, 1985).

Ang mga mamamayan ng Kaharian ng Luzon ay binubuo ng Nasyong Kapampangan o Indung Kapampangan, at ito ay umusbong sa rehiyong nakapaligid sa Look ng Maynila, samantalang ang kabisera nito ay Tondo, kung saan namumuno ang mga Lakandula (Tolentino, 1914).

Ang wikang gamit ng mga mamamayan ng Tondo ay kapareho ng wikang gamit ng Nasyong Kapampangan, na ibang-iba sa wikang gamit ng mga mamamayan ng Kaharian ng Maynila (Loarca, 1583; B&R, 1905 and Tayag, 1985).

Ang mga Kapampangan ay may modernong materyal na kultura at metalurhiya, dahil may kakayahan silang gumawa ng sarili nilang armas, tulad ng sinaunang mga baril (arquebus) at kanyon (lantaka), at ekstensibo nilang ginamit ang mga porselanang mula sa Tsina sa kanilang pamumuhay at bilang simbolo ng karangyaan (Morga, 1609; Mas, 1843; B&R, 1905; Beyer, 1947; Larkin, 1972; Santiago, 1990 and Dizon, 1999).

Katulad ng nabanggit sa unahan ng artikulong ito, ang Kaharian ng Luzon ay isa lamang sa mga kahariang nagkaroon ng matibay na pakikipag-ugnayan at pakikipagpalitan sa Tsina.

Maliban sa mga kahariang ito, marami pang lugar sa Pilipinas ang nagkaroon ng relasyon sa Tsina, at kabilang na ang Ma'I [posibleng Laguna o Mindoro] na siyang unang lugar sa Pilipinas na binanggit sa isang dayuhang rekord (Volume 186 ng Song Dynasty Annals – Edict sa Ika-4 na Taon ng Panahon ng Kai Bo [971AD]).

Ayon sa pananaliksik na isinulat ni Wang Zhenping na pinamagatang "Reading Song-Ming Records on the Pre-colonial History of the Philippines," sinabi niyang nakipagkalakalan din sa Tsina ang mga lugar na gaya ng Sanmalan (kasalukuyang Zamboanga, hanggang timogkanlurang Mindanao); Baipuer (kasalukuyang Babuyan Islands); Sandao o Sanyu na tumutukoy sa tatlong islang Jamayan (kasalukuyang Calamian), Balaoyou (kasalukuyang Palawan), at Pulihuan (kasalukuyang bahagi ng Manila).

Sa pamamagitan ng karagatan, ang mga sinaunang Pilipino at Tsino ay nagkaroon ng matibay na ugnayan, kung saan, hindi lamang sila nagpalitan ng mga produkto, kundi nagbahaginan din ng kultura, pagkakaibigan at pag-uunawaan.

Nagkaroon sila ng matibay na bigkis na naging instrumento upang magsama ang paraan ng kanilang pamumuhay at paniniwala.

Lahat ng ito ay di-mapabubulaanang katunayan na ang mga Pilipino at Tsino ay may libu-libong taon nang pagpapalitan, relasyon at pagkakaibigan.

Isang ugnayan na dapat pahalagahan, pagyamanin at payabungin ng kapuwa bagong henerasyon ng mga Pilipino at Tsino.

Sulat: Rhio Zablan

Sources:

1.Emma Helen Blair & James Alexander Robertson, The Philippine Islands, 1493-1803 — Volume 01 of 55 1493-1529, http://www.gutenberg.org/ebooks/13255

2.Henry Otley Bayer, Ethnography of the Pampangan People: A Comprehensive Collection of Original Sources, Volume 1 &2, Manila, 1918

3.Henson Mariano, The Province of Pampanga and Its Towns: 1300-1965 [4th Edition, Revised, Angeles City, Philippines, 1965

4.Michael R. M. Pangilinan, An Introduction to Kulitan, The Indigenous Kapampangan Script, Center for Kapampangan Studies, Angeles City, 2012

5.Michael R. M. Pangilinan, Pamag-aral king Kultura at Literaturang Kapampangan, Online article, March 8, 2013

6.San Agustin Gaspar, Conquistas delas Islas Felipinas 1565-1615 [1998 Bilingual Ed.: Spanish and English] Translated by Antonio Maneru, published by Pedro Galende OSA, Intramuros, Manila, 1699

7.Siuala ding Meangubie, http://www.siuala.com/

8.William Henry Scott, Philippines - Barangay. Sixteenth-Century Philippine Culture and Society, Ateneo de Manila University Press, Quezon City, 1994

9.Wade Geoff, Southeast Asia in the Ming Shi-lu: an open access source. Singapore: Asia Research Institute and the Singapore E-Press, National University of Singapore. www.epress.nus.edu.sg/msl/place/1062

10.Wang Zhenping, Reading Song-Ming Records on the Pre-colonial History of the Philippines, online document

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>