Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Gabi ng Musika ika-30 2012

(GMT+08:00) 2012-08-08 18:11:04       CRI

August 5, 2012 (Sunday)

Magandang-magandang gabi. Ito ang inyong loving DJ para sa Gabi ng Musika atbp.

Kumusta na? Okey lang ba kayo riyan? Kung okey kayo riyan, okey din kami rito. At kung wala kayo riyan, wala rin kami rito. Kayo ang lifeblood ng CRI at Serbisyo Filipino. Iyon yun, eh.

Sa Alam ba Ninyo portion ng ating programa ngayong gabi, ipapakilala ko sa inyo ang isa sa mga paborito kong parke dito sa Beijing. Ito ay ang Beijing Bamboo Park, na di-kalayuan sa dating tinutuluyan kong Friendship Hotel.

Pero, bago iyan, gusto ko munang pasalamatan lahat ng mga sumali sa espesyal na aktibidad ng CRI na tinawag na "Ang Pinakamalikhaing Lunsod ng Tsina." Natapos na ang naturang aktibidad at ang Shenzhen ang itinanghal na pinakamalikhaing lunsod. Ang paggagawad ng gantimpala ng aktibidad na ito ay gaganapin sa hling dako ng darating na Oktubre. Maraming salamat sa inyo.

Karamihan sa mga park dito sa Beijing ay makikita sa pali-paligid ng mga hotel na tinutuluyan ng mga turistang dayuhan. Kaya, kung magtu-tour kayo dito sa Beijing at gusto ninyong mabisita ang mga ipinagmamalaking park ng lunsod, magtanong lang kayo sa information desk ng inyong hotel.

May mga turista kasi dito na naghahanap pa ng ibang lugar na mabibisita bukod sa mga talagang nasa itinerary nila. Kung may idea sila kung saan naroon ang park na pinakamalapit sa kanilang hotel, hindi na sila mag-aaksaya ng oras sa paghahanap.

Gate papasok sa Purple Bamboo Park

Ang isa sa mga sinasabi kong park ay ang Purple Bamboo Park na walking distance lang mula sa Olympic Hotel, New Century Hotel at ANA Hotel.

Maaring isipin ninyo na kaya tinawag itong Purple Bamboo Park ay dahil marami ritong purple na kawayan. Tama, talagang marami ritong kawayan pero hindi ito ang dahilan. Sabi sa amin, ang pangalan daw nito ay isinunod sa pangalan ng isang templong itinayo noong panahon ng Ming Dynasty—ang Fu Yin Purple Bamboo Courtyard.

Gaya ng nasabi ko, talagang marami ritong kawayan. Naliligid ito ng kawayan at halos bawat sulok nito ay natatamnan ng kawayan. Bamboo ang motif nito at ito marahil ang isa sa mga ipinagkaiba nito sa ibang parks.

Sabi ni Mr. Jiang, isang retiree na madalas magpunta rito, ang Purple Bamboo Park daw ay ginawa noong 1953 mula sa lupaing dating ginagamit na taniman ng palay, at maraming tao ang nabibigyan nito ngayon ng kaligayahan.

Marami aniyang nagpupunta rito para magsayaw, mamangka at pagmasdan ang magagandang tanawin at damhin ang aliwalas na dulot ng likas na kapaligiran.

Bamboo ang motif ng park

Ang Purple Bamboo Park ay may kabuuang lawak na mahigit 47 hektarya at isang-katlo ng kabuuang laki nito ay tubig, kabilang na ang dalawang ilog na tumatawid dito at dalawang man-made lakes.

Ngayon, alam ko na kung bakit nawiwili ritong magpunta ang mga lolo't lola. Kasi, mayroon itong malalaking sementadong square para sa kanilang butterfly dance na nangangailangan ng malaking espasyo, kanilang ballroom dancing at group exercise na kinabibilangan ng Tai Ji Rou Li Qiu, at iba pa. Magagawa naman ang mga ito ng mga lolo't lola habang ang kanilang mga apo ay naglalaro sa playground. Malaki't maganda rin ang playground ng park.

Ang isang bagay na napuna ko rito sa park ay ang pagiging luntian nito. Ang ibig kong sabihin ay mas maramimg halaman kaysa mga istruktura. Kaya, tama ang sabi ni Mrs. Huang, isa ring retiree. Sabi niya, dito raw sa Purple Bamboo Park naging pinakamatagumpay ang proyekto ng pagluluntian ng Beijing. Narito na raw siya sapul pa noong 1957. Noon daw, ang park ay hindi kasing-ayos at kasingganda nito ngayon. Siya at ang mga kaibigan daw niya ay nagpupunta rito lagi maliban na lang kung may gagawing mahalaga. Kahit saan mo raw ibaling ang tingin mo puro luntian ang makikita mo—damo, punungkahoy at halaman. Mayroon din aniyang lake at munting burol. Binigyang-diin niya na, sa tingin niya, ang ikinaiba nito sa ibang parks ay mas successful dito ang greening project ng Beijing.

Nabanggit ko kanina ang dalawang ilog na tumatawid sa park at ang dalawang man-made lakes. Maari kayong mamingwit sa mga ilog na ito at mamangka sa mga lawa. May pinaaarkilang bangkang de-sagwan at de-pedal para doon sa mga gustong mamangka. Mayroon din namang ferry na nag-iikot sa lake kaya makikita nang malapitan ang isla sa gitna ng lake.

Sa totoo lang, hindi ko pa nasusubok na mamangka rito. Nagpupunta lang ako rito para ikondisyon ang isip. Nauupo ako sa mga upuan sa gilid ng lawa at pinanonood ko ang mga namamangka.

Mayroon ding burol dito sa park at sa itaas ng burol ay may pagoda. Sabi nila, kung papanhik ka raw sa itaas ng burol at mamamalagi ng ilang oras sa pagoda, pag baba mo, kondisyon na ang isip mo.

Marami rin ang nagsasabi na, dito raw sa Purple Bamboo Park, ang spring ay nagpapabukadkad sa bulaklak; ang summer ay nagpapalutang sa mga lotus; ang autumn ay nagpapapula sa mga maple; at ang winter ay nagpapakinang sa mga pine tree.

Mga lolo't lola na nag-e-ehersisyo sa park

Ang Purple Bamboo Park ay meeting place din ng mga lolo't lola na nakatira sa paligid. Tuwing umaga, nagtatagpu-tagpo sila rito para sa iba't ibang aktibidad. Sabi nga ng isang lola na nagngangalang Gao, malapit daw ang bahay niya rito sa park. Madalas siyang sumali sa mga aktibidad dito. Kung minsan, narito siya dalawang beses isang araw. Naglalakad-lakad siya sa tabi ng lawa, at kung minsan, simpleng kinasisiyahan niya ang season na tulad ng winter.

Bangkang de-pedal sa man-made lake ng park

Bukod sa pamimingwit sa ilog, pamamangka sa lawa, paglalaro sa playground, paglalakad at pag-e-ehersisyo sa squares, at pagpanhik sa burol, kasisiyahan din ng mga bumibisita sa Purple Bamboo Park ang pamamasyal sa mga lugar na tulad ng Eight Pleasure Studio, Embrace the Green Pavilion, Waterside Pavilion, Fortune-Blessed Black Bamboo Garden at Black Bamboo Garden. Kung nakakaramdam naman sila ng uhaw at gutom sa kanilang pamamasyal, ang Bamboo Charm Restaurant ay bukas at nakahandang maglingkod sa kanila.

Kaya kung kayo ay naririto sa Beijing, malayo man o malapit ang inyong hotel sa Purple Bamboo Park, walang mawawala kung kayo ay bibisita rito. Kayo na rin ang magsasabing karapat-dapat itong makita.

Kayo ay nakikinig sa himpilang China Radio International at sa programang Gabi ng Musika atbp. ng Serbisyo Filipino. Ito si Ramon Jr., ang inyong loving, ever loving DJ.

TOUCH THE NIGHT
(NAN QUAN MAMA)

Narinig ninyo ang Nan Quan Mama sa kanilang awiting "Touch the Night," na lifted sa album na pangalan ng grupo ang ginamit na pamagat.

Ngayon, sa entertainment portion ng ating programa, bigyang-daan natin ang Balitang Artista. Super DJ Happy, pasok!

Salamat Super DJ!

PERS LAB
(SARAH GERONIMO)

Mula sa collective album na pinamagatang "Hotsilog," iyan ang awiting "Pers Lab" na inihatid sa ating masayang pakikinig ni Sarah Geronimo.

Dumako naman tayo sa mga SMS.

Sabi ng 917 466 2270: "Kumusta, Kuya RJ? Hindi ko napanood opening ceremony ng Olympics. Nakita ko lang colorful pictures sa magazine. Impressed na rin ako sa mga nabasa kong article."

Sabi naman ng 910 435 0941: "Mahusay talaga team USA sa basketball.

Kahit hindi sila magkakasama sa isang team sa US, parang very cohesive sila sa kanilang game sa Olympics."

Sabi naman ng 928 651 9883: "Tapos na pala ang inyong city ranking. Natutuwa ako dahil pumasok sa top ten ang napili kong city, ang Shanghai. Salamat sa muling pag-e-air ninyo ng Cooking Show. Isa ako sa matagal nang naghihintay dito."

Maraming-maraming salamat sa inyong mga mensaheng SMS.

At diyan nagtatapos ang edition sa araw na ito ng Gabi ng Musika atbp.

Para sa inyong mga reaction na may kinalaman sa programang ito o sa alinman sa mga programa ng Serbisyo Filipino, ang aming website ay filipino.cri.cn; ang e-mail, filipino_section@yahoo.com; ang facebook, crifilipinoservice@gmail.com; at ang telephone number (Buddy Smart), 0921 257 2397.

Itong muli si Ramon Jr. Maraming-maraming salamat sa inyong walang-sawang pakikinig. God bless.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6392061806XX: Pagdalaw ni Dalai sa Taiwan hindi makakatulong sa pagkakaisa ng Taiwan at mainland. Dapat lumayo siya rito.
More>>