Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Danxia landform ng Tsina

(GMT+08:00) 2016-07-07 11:05:45       CRI

Ang Danxia landform ay tumutukoy sa matarik na dalisdis na binubuo ng malalaking pulang bato. Noong 2010, pormal na inilakip ang Danxia landform sa listahan ng mga pamanang pandaigdig, sa ika-34 na sesyon ng World Heritage Committee ng United Nations Educational Scientific and Cultural Organization. (UNESCO).

Ang Danxia Landform na inilakip sa listahan ng mga pamanang pandaigdig ay kinabibilangan ng 6 na lugar: Taining ng Lalawigang Fujian, Bundok Liang o Liangshan ng Lalawigang Hunan, Bundok Danxia o Danxiashan ng Lalawigang Guangdong, Bundok Longhu o Longhushan ng Lalawigang Jiangxi, Bundok Jianglang o Jianglangshan ng Lalawigang Zhejiang at Bundok Chishui ng Lalawigang Guizhou.

Una kong ibibida sa inyo ay ang Bundok ng Danxia sa Taining ng Lalawigang Fujian. Ang pangunahing atraksyon ng "Danxia landform" ay galing sa Bundok ng Danxia. Ang Bundok Danxia ay 56 na kilometro mula sa Lunsod ng Shaoguan ng Lalawigang Guangdong. Ang purok na ito ng red sandstone forest ay katatagpuan ng maraming matarik na dalisdis at ang bundok mismo'y may isang patag na taluktok, matatarik na libis at banayad na pagdalisdis ng kalupaan. Ang guhit-balangkas ng nakalantad na batong pula na makikita rito ay binigyan ng terminong heolohikal na "Danxia Landform". Tinatawag din itong China Red Stone Park.


Ang Ilog Jinjiang ay marahang dumadaloy sa may pasukan ng bundok. Makikita rito ang kay gandang repleksyon ng mga taluktok sa malakristal na tubig ng ilog.

Ang bundok ay may malalagong punong-kahoy at may mga palumpong na tumutubo sa mga siwang ng matatarik na dalisdis at sa kahabaan ng mga baitang na bato tungo sa pinakataluktok na nagdagdag ng luntiang sigla sa tanawin.

Ayon sa isang alamat, ang ngalan ng bundok ay nagmula sa isang kuwento ng pag-ibig. Noong araw, mayroon daw isang tapat at masipag na binata na nagngangalang Dan Zai. Itong si Dan Zai ay nagustuhan ng isang fairy na nagngangalang A-Xia na bumaba sa daigdig ng mga mortal para magpakasal sa kanya. Masaya na sana ang buhay ng mag-asawa hanggang sa isang araw ay inutusan ng isang bathala si A-Xia na bumalik sa kanyang palasyo. Tumanggi si A-Xia, at sa matinding galit, ginawa ng bathala na isang nakasandig na estatwang bato sa tabi ng Ilog Jinjiang si A-Xia, di-lang iyan, ginawang Monk-hook Peak sa kabilang pampang ng ilog si Dan Zai. Kaya nakuha ng bundok ang pangalang Danxia, mula sa unang pantig ng pangalan ng lalaki at sa huling pantig ng pangalan ng fairy.

Sa ngayon, ang kuwento ng pag-ibig na ito'y bumibighani pa rin sa napakaraming turista sa matulaing pook ng Bundok Danxia na binubuo ng tatlong bahagi: ang taluktok, ang dalisdis at ang paaanan. Ang mga pangunahing taluktok ay Zhanglao (abbot), Hailuo (conch) at Baozhu (precious pearl).

Nasa taluktok ang Watching Sunrise Pavilion. Sa kanluran, makikitang nakatayo ang napabukod na Sister Peak, kung saan ang mapupulang sandstone rock ay nagniningning sa ulap, tuwing lulubog ang araw.

Nasa dakong kanan naman ng Sister Peaks ang bagong tanawin ng Yunvlanjiang o jade fairy blocking the river sa matulaing pook ng Bundok Yangyuan. Nakalatag ang katawan ng jade fairy sa kahabaan ng Ilog Jinjiang na para bang pinipigilan ang ilog. Ang kanyang balingkinitang katawan, ang nakalugay na mahabang buhok at ang larawan ng mga tagaytay ng bundok sa banayad na daloy ng ilog ay lumilikha ng kahanga-hangang estetikong pagkakahirera ng lakas at kahinahunan.

Ang Bundok Yangyuan na tanyag sa kakatwang hugis ng mga bato nito ay inihihiwalay ng Ilog Jinjiang sa matulaing pook ng Bundok Danxia. Ang nagtatayugang malaking bato ng Yangyuan ay binansagang nunong bato ng bundok. Nasa hilaga naman ng malaking bato ang Zhanglao Peak, kasama roon ang bantog na tanawin ng jade fairy blocking the river.

Sa gawing kalahati ng daan pababa ng bundok ay makikita ang 300 taong Biezhuan temple. May dalawang matandang punong-kahoy na nakatayo sa harapan ng templo. Sinasabing malulutas daw rito ng di-magkasundong mag-asawa ang kanilang mga problema at magiging matapat sa isa't isa hanggang kamatayan pagkatapos na magkahawak-kamay na pumaligid sa naturang dalawang punong-kahoy.

Ang Zhanglao Peak ay isang bagay na bagay na lugar para pagmasdan ang pagsikat at pagubog ng araw at ang pinakamagandang panahon ay mula Agosto hanggang Setyembre. Ang mga bisita sa naturang purok ay masisiyahan hindi lamang sa kahanga-hangang mga tanawin ng pagsikat at paglubog ng araw kundi maging sa mga tanawin na dulot ng iba pang matulaing pook.

Bukod sa Bundok ng Danxia sa Taining ng Lalawigang Fujian, mayroon ding iba pang mga lugar na may magandang tanawin sa Danxia landform. Isang lugar ay hindi pa inilakip sa listahan ng mga pamanang pandaigdig, pero, ang tanawin doon ay talagang katangi-tangi. Ito ay Zhangye Danxia Landform Geological Park sa Lalawigang Gansu sa dakong kanluran ng Tsina.

Dito may mga bulubunduking may iba't ibang kulay parang nasa buwan.

 

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6392061806XX: Pagdalaw ni Dalai sa Taiwan hindi makakatulong sa pagkakaisa ng Taiwan at mainland. Dapat lumayo siya rito.
More>>