Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

PNoy, dumalaw sa mga lugar na nasalanta ng ulan   01-14-2011

(GMT+08:00) 2011-01-14 18:57:04       CRI

Mula sa Maynila, dumalaw si Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III sa Lungsod ng Legazpi sa Albay at nakinig sa briefing na ibinigay ng mga local officials sa pamumuno ni Gobernador Jose Sarte Salceda. Magugunitang halos dalawang linggo nang walang humpay ang ulan sa Bicol, sa Kabisayaan at maging sa silangang bahagi ng Mindanao dala ng panahong Amihan na higit pang pinalakas ng La Nina weather phenomenon.

Kasama niya ang ilang opisyal ng pamahalaan tulad nina Kalihim Corazon Juliano Soliman, Jesse Robredo at Rogelio Singson. Tumagal ang pangulo sa Legazpi City airport ng halos isang oras at lumipad na rin patungong Ormoc City sa Kabisayaan at nagpalit ng helicopter upang makarating sa Butuan City sa Mindanao.

Kabilang sa mga pinag-aaralan ng administrasyon ang pagpapagawa ng pagawaing bayan (public works) sa mga mamamayang nasalanta ng patuloy na pagbuhos ng ulan sa ilalim ng "cash for work."

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na mayroong sapat na pagkain para sa mga nasalanta ng masamang panahon.

"Bago pa man dumating ang masamang panahon, nadala na ang mga pagkaing ito sa iba't ibang pook na posibleng daanan ng bagyo o tuloy-tuloy na pag-ulan," sabi ni Kalihim Gazmin.

Organisado na rin ang mga mamamayan kaya't madaling nakalilikas bago pa man dumating ang anumang peligro, tulad ng ginagawa sa lalawigan ng Albay.

Bagama't mayroong mga helicopter ang pamahalaan, partikular ang militar, hindi rin magamit ang mga ito kung talagang malakas ang buhos na ulan sapagkat apektado naman ang visibility. Ayon pa sa kalihim ng tanggulang pambansa, makatutulong din ang limang helicopters na ipinagkaloob ng Estados Unidos kamakailan. Magkakaroon pa ng karagdagang limang helicopters bago matapos ang taong 2011.

Idinagdag pa ni Kalihim Gazmin na mayroon pang mga bansang handang tumulong sa Pilipinas maliban sa Estados Unidos. Kahit umano ang kinatawan sa bansa ng United Nations ay nagsabing interesado silang tumulong sa Pilipinas.

Nanawagan din si Kalihim Gazmin sa Simbahan na tumulong sa pagpaparating ng mahahalagang balita sa mga mamamayan lalo pa't tungkol sa kalagayan ng panahon at kung ano'ng gagawin kung sakaling kailangang lumikas at kung saan magtutungo sa oras ng kagipitan.

Ayon kay Ginoong Gazmin, mayroong mga pagkakataon ang Simbahan na natitipon ang mga naninirahan sa iba't ibang komunidad kaya't malaking tulong ang magagawa upang mailigtas ang mga mamamayan.

Ang mga gusali ng iba't ibang simbahan kung mayroong sapat na tibay ay maaari ding magamit na pansalamantalang evacuation centers, dagdag pa ni Ginoong Gazmin.

Idinagdag din ng kalihim na kakailanganin ng sinuman ang panalangin upang makaiwas sa anumang panganib.

Samantala, sinabi ni Lt. General Ralph Villanueva, commanding general ng AFP Central Command, na ipinagpapatuloy nila ang disaster assistance operations at nagbigay na rin ng kaukulang briefing kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na dumalaw naman sa St. Bernard, Southern Leyte pagkatapos ng kanyang inspeksyon sa Albay. Inalam niya sa mga local officials doon kung ano ang tunay na larawan ng pook na nagkaroon na ng serye ng pagguho ng lupa noong 2006. Sa tuloy-tuloy na pag-ulan at paglambot ng lupa, inaasahan na naman ang pagguho ng bahagi ng matatarik na bundok sa lalawigan ng Southern Leyte.

Hindi lamang sa Silangang Kabisayaan tulad ng Samar at Leyte nagaganap ang mga pag-ulan at pagbaha kungdi sa ilang bahagi ng Negros at may kautusan na sa mga kawal na tumulong sa mga nasalanta.

Mula sa Mindanao, dumalaw din si Pangulong Aquino sa Butuan City mga mag-aala-una ng hapon at nagtagal ng hanggang alas dos y media ng hapon. Nagkaroon ng briefing sa naging pinsalan ng mga pagbaha, mga isinagawang pagtulong sa mg biktima at kung ano pa ang nalalabing programa para maiwasan higit na pinsala sa mga susunod na pagkakataon.

Ayon kay Police Chief Supt. Reynaldo Rafal, Police Director ng Region XIII, binanggit ni Pangulong Aquino na maaaring dala ng climate change ang mga pagbaha. Bagaman, nanawagan si Ginoong Aquino sa mga mamamayan na sugpuin ang illegal logging na dahilan ng pagkapanot ng mga kabundukan. Umabot na umano sa dalawang libo't pitong daang troso ang nasamsam ng mga bumubuo ng Task Force Pagbabago ng Department of Environment and Natural Resources. Sa naturang briefing, dumalo rin ang mga gobernador ng iba't ibang lalawigan.

Mula sa CBCP Media Office, ito si Melo Acuna, nag-uulat para sa China Radio International – Filipino Section.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>