|
||||||||
|
||
Nang lumapag ang eroplanong aking sinasakyan sa Beijing International Airport noong ika-20 ng Disyembre 2010, napuno ng kasabikan at optimismo ang aking damdamin, sapagkat, sa kabila ng mahabang paghihintay, sa wakas ay naririto na ako sa Beijing upang simulan ang bagong yugto ng aking buhay bilang isang mamamahayag ng Serbisyo Pilipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina (CRI).
Paglabas ko pa lamang sa bulwagan ng nasabing paliparan ay sinalubong na ako ng isang higanteng Christmas tree na para bang bumabati ng isang maligayang Pasko.
Sa sandaling iyon ay hindi maiwasang sumagi sa aking isipan ang Paskong aking iniwan sa Pilipinas. Naaalala ko ang aking mga kaibigan, kamag-anak at magulang na magdiriwang ng Pasko sa kauna-unahang pagkakataon na wala ako sa kanilang piling.
Sa kabila ng lahat ng ito, sinikap kong maging masaya habang naglalakbay patungo sa aking bagong tahanan, ang CRI. Nang sandal ring iyon, nangamba akong magiging malamig ang aking Pasko at lubhang kakaiba sa aking kinagisnan sa lupang aking tinubuan.
labas ng CRI
Ngunit, ganito man ang naramdaman ko, nakahanap ako ng kaunting ginhawa na dulot ng malamig na hangin ng Beijing, at kasabikan sa pagsisimula ng bagong kabanata sa aklat ng aking buhay.
Nang sumunod na mga araw, dahil na rin sa mainit na pagtanggap ng aking mga bagong kasamahan sa Serbisyo Pilipino sa pangunguna ni Ate Jade, Kuya Ramon, at Andrea, unti-unting napawi ang aking lungkot.
serbisyong Pilipino ng CRI, nagtatrabaho dito ako
Ipinaramdam nila sa akin ang mainit na pagtanggap na maihahalintulad din sa saya at kalinga na kaloob ng mga kaibigan at magulang ko sa Pilipinas. Hindi ko naramdaman sa kanila na ako ay isang banyagang baguhan sa larangan ng kanilang industriya, at kaagad ay itinuring nila akong bahagi ng kanilang pamilya.
Lumipas pa ang ilang araw at sumapit ang bisperas ng Pasko, lalo ko pang nakilala ang aking mga kasamahan, at lalo pa nilang ipinaramdam sa akin ang pagmamalasakit na tulad din ng lingap at pag-aaruga ng isang tunay na kapatid. Dahil dito, napawi ang lahat ng aking agam-agam at napalitan ng kasiyahan.
Nang isinama ako ni Kuya Ramon sa Xuanwumen Catholic Church noong umaga ng Kapaskuhan, sa kauna-unahang pagkakataon ay nasilayan ko dito sa Beijing ang isang pamilyar na tanawin - ang kalembang ng kampana, ang amoy ng insenso sa simbahan, ang mga parol na nakasabit, ang masiglang awiting Pamasko, at higit sa lahat, ang mga Pilipinong nagsisimba. Nang saglit na iyon, para bang ako ay naipadala pabalik sa Pilipinas.
Sa piling ni Kuya Ramon at iba pang mga Pilipinong deboto, dininig ko ang misa at muli ay naramdaman ko ang Pasko sa Pilipinas kahit na ako ay nasa Beijing.
Naging maligaya at mainit ang aking unang Pasko Tsina sa pamamagitan ng aking bagong pamilya, ang Serbisyo Pilipino ng CRI.
Mula sa kaibuturan ng aking puso, maraming salamat sa inyong lahat. Naiparamdam ninyo sa akin na kahit malayo ako sa aking pamilya sa Pilipinas, mayroon din naman akong pamilya dito sa Tsina.
Mga giliw na mga tagapagtangkilik, sana kayo rin ay nagkaroon ng masayang Pasko na gaya ng sa akin, at sana ay naramdaman ninyo ang tunay na diwa ng kapanganakan ng ating Mesiya.
Lagi nating tatandaan na hindi lamang tuwing panahon ng Disyembre ipinagdiriwang ang Pasko, ang diwa ng araw na ito ay dapat manatili sa ating mga puso sa pang araw-araw nating pamumuhay.
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat! Hanggang sa muli nating pagkikita.
/end/rmz//
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |