|
||||||||
|
||
Ang Chinese New Year o Spring Festival, na ipinagdiriwang natin sa Pilipinas tuwing sasapit ang buwan ng Pebrero ay isang kapistahang puno ng kulay, masasayang musika, malalakas at makukulay na paputok, at siyempre ang dragon dance.
Sa mata ng mga Pilipino, isa itong masayang araw na sumisimbolo ng libong taong pagsasama ng kulturang Pilipino at Tsino.
Kung pupunta ka naman sa Binondo, para ka na ring nagpunta sa bansang Tsina.
Sa panahong natin ito nakikita ang mga Tsinoy o Filipino-Chinese na abalang-abala sa paghahanda at paggawa ng mga pulang parol na isinasabit sa mga kabahayan, mga ipinagbibiling bilog na prutas at siyempre, hindi mawawala diyan ang mga ibinebentang tikoy na talaga namang napakasarap.
Sa taong 2011--- taon ng kuneho, ipagdiriwang ang Spring Festival sa ikalawa ng Pebrero, at dito sa Tsina; sa bansang pinagmulan nito, halos ganito rin ang iyong makikita. Ang mga mamamayan ay abala sa pagbili ng mga regalo sa mga mall at pamilihan, makikita mo rin ang mga pulang parol na nakasabit kung saan-saan, at ang mga biyahero sa mga istasyon ng bus, tren, at paliparan na nagmamdali sa pag-uwi sa kani-kanilang mga probinsiya upang makasalo ang kanilang mga pamilya sa okasyong ito.
Ang kuneho na sagisag sa kaelndaryong Tsino ng taong 2011
Ako at ang pulang kuneho
Sa kabila ng lahat ng masayang atmospera at paghahandang ito, ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng Spring Festival, saan ito nagsimula, at ano ang kahalagahan nito sa kultura at mga mamamayang Tsino?
Halina, samahan ninyo ako, at muli nating tuklasin ang kuwento at halaga ng Spring Festival sa kulturang Tsino.
Walang tiyak na datos tungkol sa eksaktong pinagmulan ng okasyong ito, pero ayon sa matandang alamat ng Tsina, may isang napakabangis na hayop sa isang malayong pamayanan ng bansa na lumilitaw mula sa dagat tuwing sasapit ang lunar new year.
Sinasalanta nito ang mga mamamayan sa lugar na iyon at maraming tao ang namamatay o nasasaktan, sinisira rin nito ang mga kabahayan at ikinabubuhay ng mga taga-roon.
Ang mga mamamayan ng nasabing lugar ay lubhang nalungkot dahil sa mga pangyayari.
Naisip nilang sa halip na matakot, dapat silang gumawa ng paraan upang hindi na maulit ang mga pangyayari, kaya naisip nilang hindi na sila matatakot at dapat nilang labanan ang mabanigis na hayop at salot ng kanilang pamayanan.
Nang sumunod na lunar new year, gumamit sila ng malalakas na paputok at pulang mga parol na kanilang isinabit sa mga bintana at pintuan para matakot ang mabangis na hayop. At nagtagumpay ang mga taga-roon. Naitaboy nila ang mabangis na hayop at hindi na ito muli nanalanta kailanman.
Dito nagsimula ang pagsasabit ng pulang parol at pagpapaputok tuwing Spring Festival, sinisimbolo nito ang pagtataboy sa lahat ng masasamang Gawain at pagsisimula ng panibagong buhay, tanda rin ito ng pagharap ng may ngiti at saya sa pagpasok ng panibagong taon.
Pero, bilang isang mamamahayag, hindi pa rin ako kuntento sa impormasyong ito na galing sa internet. Gusto kong makita at maramdaman kung paano ipagdiwang ng mga mamamayang Tsino ang Spring Festival, na ayon sa kanila ay katumbas ng ating pagdiriwang ng Pasko.
Gusto kong makita kung kahalintulad nga ito ng ating Pasko na siya namang pinakamahalagang pagdiriwang sa buhay ng isang Kristiyano.
Kaya, nagpunta ako sa Beijing Train Station, kung saan napakaraming mga pasahero ang nagpupunta upang umuwi sa kani-kanilang mga probinsiya.
Isang tingin mula sa di-kalayuan sa Beijing Railway Station
Doon ay nakapanayam ko si Wang Jing, isang opisyal ng pulisya na namamahala sa kaayusan ng nasabing istasyon. Ipinaliwanag niya na libu-libong tao ang sumsakay ngayon sa high-speed train o bullet train upang umuwi sa kanilang mga probinsiya.
Ako at ang pulis na si Wang Jing
Sinabi niyang ang panahong ito ay napakahalaga para sa buhay ng mga Tsino, kaya naman kahit mahirap magbiyahe at kahit malayo ay pinipilit ng mga taong makauwi sa kanilang probinsiya para makasalo ang kanilang mga magulang at mahal sa buhay.
Hindi lang iyan ang nakita ko, marami rin akong nakitang mga pasahero na may bitbit na regalong iuuwi sa kanilang mga pamilya. Narito ang mga larawan:
Mga biyahero sa loob ng Beijing Railway Station
Isa sa mga maraming uuwi sa kanilang probinsiya
Pagkatapos kong mag-ikot sa sa istasyon ng tren, nagpunta naman ako sa Xidan, isa sa pinaka-abalang distrito ng Beijing. Dito ko naman nakita ang mga Tsinong abalang-abala sa kanilang pamimili ng mga pagkain, damit at kung anu-ano pang mga bagay para sa Spring Festival.
Mababakas sa kanilang mga ang mukha ngiti at saya na dulot ng pagdating ng naturang piyesta opisyal. Nariyan din ang mga kumukuha ng larawan sa harapan ng magagandang tanawin at mga namamasyal.
Sa kabila ng lahat ng aking nasaksihan, parang may kulang pa rin. Nahuhulaan ba ninyo kung ano ito? Siyempre, kailangan kong matikman ang mga pagkaing karaniwang inihahanda sa Spring Festival.
Kaya, sa tulong ng aking mga kaibigang Tsino, ipinagluto nila ako ng isang tradisyonal na hapunan na karaniwang inihahanda sa tuwing sasapit ang ganitong okasyon. Narito ang mga larawan:
Sa aking pag-iikot at pagsusuri, napatunayan kong napakasaya talaga ang pagdiriwang ng Spring Festival. Tunay ngang ang pagdiriwang na ito ay maihahalintulad sa Pasko ng Pilipinas.
Sana ay nasiyahan kayo sa kuwento at mga larawan na inyong nakita sa artikulong ito. Hanggang sa muli nating pagkikita, samahan ninyo ulit akong galugarin at suriin ang mga magagandang lugar at mayamang kultura ng bansang Tsina.
/end//
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |