Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Kuya Ramon, isang huwarang manggagawang Pilipino

(GMT+08:00) 2011-02-25 15:32:20       CRI
Oktubre ng taong 2008 nang ipinadala ako ng pamahalaan ng Pilipinas sa Beijing upang dumalo sa isang seminar sa pamamahayag. Isa sa mga natakdang gawain noong panahong iyon ay ang pagdalaw sa Serbisyo Pilipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina (CRI) upang makilala ang mga mamamahayag sa wikang Pilipino sa nasabing serbisyo.

Bagamat, hindi ko personal na nakita si Kuya Ramon noong panahong iyon, nagkaroon ako ng pagkakataon upang malaman ang kanyang ginagawa dito sa Tsina.

Sina Kuya Ramon at Jade, isang mamamahayag na Tsino sa CRI

Sa hindi inaasahang pangyayari, ako ngayon ay narito na sa Tsina at kasama na ni Kuya Ramon sa Serbisyo Pilipino bilang isa sa mga mamamahayag nito.

Sa aking maikling pakikisalamuha sa kanya, marami-rami na rin akong nadiskubre tungkol sa kanyang buhay. Maliban sa pagiging bihasang manunulat at beteranong mamamahayag sa radyo, siya rin pala ay isang musikero at mang-aawit. Tulad ng marami sa ating mga Pilipino, ang musika at sining ay isa sa pinakamahalagang bahagi ng ating buhay, at hindi naiiba si Kuya Ramon sa aspektong iyan.

Sa pamamagitan ng musika, nailalabas niya ang kanyang mga saloobin at damdaming, hindi naipapahayag sa karaniwang pakikipagtalastasan sa ibang mga tao.

Si Kuya Ramon, nag-aawit

 

Sa nakalipas na pambagong taong selebrasyon na inihanda ng CRI para sa mga dayuhang manggagawa o foreign experts na katulad namin ni Kuya Ramon, noong ika-14 ng Enero 2011, nagkaroon ako ng pagkakataong makita at marinig sa entablado ang pagpapamalas niya ng kanyang pambihirang talento sa musika at pag-awit. Malakas na palakpakan at pagbati mula sa lahat ng mga delegado ang sumalubong kay Kuya Ramon matapos niyang kantahin ang awiting "Perhaps Love" sa saliw ng gitara.

Si Kuya Ramon at isang dalubhasang dayuhan sa CRI

Habang ako ay abalang kumukuha ng mga larawan para sa artikulong ito, maraming mga foreign experts ang lumalapit kay Kuya Ramon upang batiin siya sa kanyang magandang performance. Nakapagtataka na halos lahat ng mga beteranong foreign experts mula sa ibat-ibang serbisyo ay kilala siya, pati na rin ang ilang matataas na opisyal ng CRI.

Nang tanungin ko siya kung bakit ganoon, ikinuwento niya na naging kasamahan pala niya ang mga ito noong nagsisimula pa lang siya sa CRI, sampung taon na ang nakalipas.

Ako ay namangha dahil ganoon na pala siya katagal na namamasukan sa CRI, kaya lalo akong nag-usisa. Pinakiusap ko sa kanya ang isang interbyu at pinaunlakan naman niya ito. Narito ang ilang bahagi ng nasabing interbyu:

(Interbyu)

Rhio: Kuya, saan ka ipinanganak sa Pilipinas?

Ramon: Sa Sta. Ana, Maynila.

Rhio: Ilang taon kanang nagtatrabaho sa CRI?

Ramon: Nagsimula akong nagtrabaho sa CRI noong taong 1991. Kaya, mayroon na akong 20 taon ngayon dito. Nang panahong iyon, ang CRI ay matatagpuan pa sa Chang-an Boulevard. Isang istilong Ruso na lumang gusali pa ang aming opisina noon at mula sa Friendship Hotel, kung saan ako tumira, nagbibisikleta lang ako sa tuwing umaga patungo sa CRI. Maganda pa ang kalagayan ng mga kalsada at trapiko noon, kaya bukod sa ehersisyong dulot nito napakagandang mag-sight-seeing araw-araw.

Rhio: Kuya, talaga naman pa lang isa ka nang maituturing na haligi ng Serbisyo Pilipino. Hanga talaga ako sa iyo. Dahil diyan, maitanong ko ko nga, kung ano ang iyong pinakamagandang eksperiyensiya sa CRI?

Ramon: Nang magsimulang dumating ang mga buntun-buntong sulat mula sa ating mga tagapakinig sa ibat-ibang dako ng mundo para magbigay suporta at humingi ng payo sa atin, iyan ang pinakamagandang karanasan ko dito sa CRI.

Magpahanggang sa ngayon, ang mga reaksiyon at komento mula sa ating mga tagasubaybay ang nagbibigay ng inspirasyon at karagdagang lakas sa akin para muli ay maglingkod pa ako at magbigay-impormasyon sa ating mga kababayan saan mang dako ng daigdig.

Alam mo, sa larangan ng industriya ito, ang pinakamalaking achievement ay iyong malaman mo na mahal ka at mahalaga ka sa iyong mga tagapakinig. Minsan, mapapatawa ka nila sa kanilang mga karanasan, minsan naman, ikaw ay malulungkot, at dahil dito, ikaw ay matututo at mahahasa sa pagbibigay payo sa kanilang mga suliranin.

***

Ngunit, sa lahat ng ito, ang pinakakahanga-hanga kay Kuya Ramon ay iyong pagmamahal niya sa kanyang bansa at kanyang mga kababayan sa Pilipinas. Napag-alaman ko na, sa pamamagitan ng suporta ng ilang piling kasamahan at kaibigan, si Kuya Ramon pala ay nagpapaaral ng mga batang kalye at mahihirap na kabataan, partikular na ang mga batang kalye sa ilalim ng Quezon Bridge sa Quiapo, Maynila. Nang tanungin ko siya tungkol dito, heto ang kanyang sinabi:

(Interbyu)

Rhio: Maari mo bang i-kuwento ang tungkol sa mga batang kalye na inyong pinag-aral at pinag-aaral pa?

Ramon: Noong ako ay nag-aaral sa seminaryo sa Pilipinas, naisip namin ng aking mga kaibigan na mag-set-up ng pondo para mapag-aral ang mga batang walang mga magulang at tirahan sa ilalim ng Quezon Bridge sa Quiapo, nang sa ganoon, lumaki silang may dangal at maging mabuting mamamayan ng Pilipinas. Sa tulong na rin ng iba pang mga magagandang loob na kababayan, nagkaroon kami ng panimulang pondo na inilagak namin sa bangko. Ito ang naging seed money at ang interes nito ay ang ginawa naming panimula para sa nasabing proyekto.

Sa kasalukuyan, nakapagpatapos na kami ng 8 estudyante sa bokasyonal na propesyon at may magandang buhay na ang mga ito. Pito naman ang kasalukuyang nag-aaral pa, pero ang isa sa mga ito ay magtatapos na rin sa Marso ngayong taon.

***

Tunay kang kahanga-hanga Kuya Ramon. Sana ay magsilbing ehemplo ang iyong magandang halimbawa.

Mabuhay ka!

/end/rmz//

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>