Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

EDSA People Power Revolt: Ano nga ba ito?     

(GMT+08:00) 2011-03-03 15:11:36       CRI

EDSA People Power Revolt: Ano nga ba ito?     

 

Laksan-laksang Pilipinong nakibaka sa Edsa noong 1986

 

Balik-tanaw sa Rebolusyong EDSA ng 1986

Ayon sa kasaysayan, ang Himagsikan ng Lakas ng Bayan, ang kauna-unahang mapayapang rebolusyon sa daigdig, na tinatawag ding EDSA Rebolusyon ng 1986 ay isang mapayapang demonstrasyon na nagtagal ng apat na araw sa Pilipinas, mula Pebrero 22 hanggang Pebrero 25 ng taong iyon.

Nag-ugat ang nasabing rebolusyon nang paslangin si dating Senador at Bayaning si Ninoy Aquino noong 1983 na nagresulta sa pagkagising sa pagnanais ng mga Pilipino upang maging malaya.

Pahayagang nagbalita sa pagkakapatay kay Ninoy Aquinio  

Dahil sa pangyayaring ito, nang mga sumunod na taon, nagkaroon ng mga serye ng mga kilos-protesta ang mga tao laban sa diktaturyang pinamumunuan ni Ferdinand Marcos. Tinatayang nasa mahigit 2 milyong katao ang nagmartsa at nakilahok, kabilang na ang mga sibilyan, mahirap man o mayaman; pulis; militar; at mga alagad ng simbahan tulad ni Jaime Cardinal Sin na Arsobispong Maynila nang mga panahong iyon. 

Ferdinand Marcos

Dahil dito, bumagsak ang pamahalaang diktatoryal ni Marcos, naibalik ang demokrasya at kalayaan sa taumbayan, at humalili si dating Pangulong Corazon Aquino sa posisyong nabakante. Naganap ang mga demonstrasyon sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), isang mahalagang daan sa Kalakhang Maynila.

 

Sa kasalukuyan

Noong Biyernes, Ika- 25 ng Pebrero 2011, nagpunta ako sa embahada ng Pilipinas dito sa Beijing upang dumalo at i-cover ang paggunita ng Filipino Community (FilCom) sa ika-25 anibersaryo ng People Power Revolution.

Nang dumating ako sa embahada, naroroon na sa bulwagan, kung saan idinaraos ang isang maikling programa, ang mga opisyal ng ating embahada, mga kilalang miyembro ng media, at siyempre, ang ating mga kababayan.

Dali-dali akong kumuha ng ilang mga larawan para sa aking ulat, habang ipinalalabas ang mga video presentation hinggil sa saloobin ng bawat isa sa People Power: tinawag din sa harapan, upang magbigay ng mga pananalita tungkol sa naturang pagdiriwang ang ilang mga kababayan, kabilang na ang inyong lingkod.

Napakagandang mga karanasan ang mga binanggit ng ating mga kababayan tungkol sa EDSA Revolt, lalo na iyong mga nasa wastong gulang na nang maganap ang makasaysayang pangyayaring iyon.

Ngunit, nang iabot sa akin ang mikropono at sinabi kong "halos ay kakatapos ko pa lamang sa kindergarten nang mangyari ang EDSA Revolution," nagtawanan ang lahat.  

Natuwa naman ako dahil nakita kong ngumiti ang mga kababayang animo'y naghihintay ng isang napakaseryong talumpati mula sa akin.

Bago ko sinimulan ang pagpapatuloy ng aking pagsasalita, hindi maalis sa aking isip kung ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng naturang pangyayari.

Iyon ba ay isang makasaysayang pangyayari, katulad ng mga nasusulat sa mga aklat na pagpapatalsik sa isang diktador lamang? O iyon ba ay isang pangyayari na lalong nagpahirap sa ating mga kababayan dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa rin lubos na maunlad ang Pilipinas, pagkatapos ng 25 taong pagkakaganap ng EDSA People Power Revolution?

Sa huli, ito ang aking napagtanto at sinabi --- "sa mata at damdamin ng isang batang halos ay nasa unang baitang pa lamang ng elementary ng panahong iyon at mula sa likod ng kamera ng isang mamamahayag, ang Himagsikan ng Lakas ng Bayan noong 1986 ay handog ng Pilipinas sa mundo. Ito ang kontribusyon ng aking bansa sa pagsisikap ng daigdig upang makapagtayo ng isang pantay-pantay, mapayapa at maunlad na sangkatauhan. Totoo na magpahanggang sa ngayon, pagkatapos ng maraming taon ng pagkakaganap ng People Power ay napakarami pa rin ang kinakaharap na suliranin ng Pilipinas, nariyan na insureksiyon, kawalan ng trabaho, mga natural na kalamidad, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at maraming pang iba. Ang mga ito ay nagsisilbing mga palatandaan na ang pakikibaka ng Pilipino sa EDSA ay hindi pa natatapos. Ang pagkakaganap ng EDSA Revolution noong 1986 ay unang hakbang pa lamang tungo sa pagkakamit ng isang progresibo, mapayapa, at maunlad na kinabukasan para sa mga Pilipino. Dapat ay lagi nating isaisip ang diwa ng EDSA upang lalo pa tayong magkaisa at magbigkis para makamtan ang hinahangad nating kaunlaran. At sa pakikipagtulungan at kooperasyon ng mga karatig-bansang mapagmahal sa kapayapaan at kaunlaran na gaya ng Tsina, sama-sama nating harapin ang hamon ng bagong panahon. Muli nating ipakita sa mundo na magwawagi ang Pilipino, sa pagkakataong ito, laban naman sa kahirapan. Mabuhay ang Pilipinas!"

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6392061806XX: Pagdalaw ni Dalai sa Taiwan hindi makakatulong sa pagkakaisa ng Taiwan at mainland. Dapat lumayo siya rito.
More>>