|
||||||||
|
||
ANG kawalan at kakulangan ng hanapbuhay sa Pilipinas ay nananatiling problema ng bansa. Ito ang paniniwala ni Senador Edgardo J. Angara, dating Senate President, dating Pangulo ng Pamantasan ng Pilipinas at Integrated Bar of the Philippines.
Sa isang panayam, sinabi ni Ginoong Angara na ang masakit nito'y hindi lamang ang mga bagong nagsipagtapos ng pag-aaral sa mga kolehiyo ang hindi makatagpo ng angkop na hanapbuhay. Kahit ang matagal nang nakapagtapos ng sa kolehiyo ay wala pa ring trabaho.
Ayon sa mambabatas, may 200,000 nurses ang walang trabaho at ngayo'y lalong tumindi at bumigat ang problema dahilan sa pag-uwi ng mga manggagawang Pilipino mula sa Libya, sa mga bansang nasa Gitnang Silangan at Japan dahilan sa mga kaguluhan at mga kalamidad na tumama doon. Nagkasabay-sanay umano ang mga sakuna kasabay ng pagtaas ng presyo ng pagkain, gasolina at nawalan ng trabaho ang libu-libong OFWs.
Tinatayang 400,000 ang magtatapos sa taong ito mula sa mga pamantasan at dalubhasaan kaya't matindi ang problemang kinakaharap ng bansa.
Ani Ginoong Angara, sa kanilang lalawigan sa Aurora, sa pagkatanggal sa trabaho ng may isang daan narses, binibigyan na lamang nila ng "emergency employment" sa tulong ng kanilang mga kaibigan sa Maynila at kailangang ang bawat lider ng lalawigan at rehiyon ay maghanap ng pagkakakitaan ng mga nawalan ng trabaho, kung walang palatuntunan ang pamahalaan para sa "emergency employment."
Napakalaki umano ng problema sa sektor ng Edukasyon sapagkat karamihan ng mga paaralan ay "diploma mills" at karamiha'y pawang kalakal lamang kaya't hindi pinaghihirap ang mga magulang sa taas ng matrikula at mahal ng mga aklat. Kulang pa rin, ani Ginoong Angara ang mga guro at mga silid aralan sa mga pamantasan at dalubhasaang pag-aari ng pamahalaan.
Maituturing ang kursong "Bachelor of Science in Nursing" bilang isang "sunset course" sapagkat nagbabawas ang "health systems" sa buong daigdig ng mga tauhan. Walang "health professionals" na tinatanggap sa Gitnang Silangan dahil sa kaguluhan doon, sa Australia, sa America, sa Inglatera at Ireland ay sarado na rin samantalang kakaunti pa ang tinatanggap sa Japan.
Hindi basta malulutas ng batas ang mga problemang kinakaharap ng bansa ngayon. Ani Ginoong Angara, liderato ang kailangan sa pagkakataong ito, liderato na may imahinasyon at inisyatiba. Maganda umanong pagkakataon ito kay Pangulong Aquino sa angkop na pagtulong ng kanyang gabinete.
Malaking problema pa rin ang bigas at pagkain ngayon. Wala umanong rice at food policy kaya't nahaharap ang bansa sa mataas na presyo, sapagkat halos lahat ng kinakain sa Pilipinas ay mula na sa ibang bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |