Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga Pilipino, naghahanda na para sa "Semana Santa"

(GMT+08:00) 2011-04-20 17:50:20       CRI

MULA bukas ng tanghali hanggang sa Sabadong gabi ay makararanas ang Kalakhang Kamaynilaan ng maluwag na daloy ng mga sasakyan sapagkat tinatayang milyun-milyong naninirahan sa Metro Manila ang magtutungo sa kani-kanilang mga bayan kungdima'y sa mga bakasyunan sa pagdaraos ng Semana Santa o Mahal na Araw.

Tradisyon na sa mga Pilipino ang umuwi sa kani-kanilang bayan upang lumahok sa mga gawaing bahagi ng kanilang pamamanata at kaugalian. May mga Pilipinong lalahok sa mga prusisyon sa kani-kanilang mga simbahan, may gugugol ng ilang oras sa iba't ibang simbahan sa lalawigan o lungsod at mayroon din namang dadalo sa mga "class reunion" pagsapit ng "Black Saturday" at "Easter Sunday."

Ideneklarang pista opisyal ang mga araw na Huwebes Santo o "Maundy Thursday," Biyernes Santo o "Good Friday" at maging ang Sabado Santo na kilala sa pangalang "Black Saturday."

Nag-uugat ang mga araw na ito sa paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesucristo na kilala rin sa pangalang Paschal Triduum, ang tatlong pinakamahahalagang araw sa daigdig ng mga Katoliko.

Bukas pa lamang ng umaga, idaraos ang "Chrism Mass" sa mga katedral sa buong bansa at pamumunuan ng kani-kanilang mga Obispo. Magkakaroon din ng pagbabasbas ng Holy Oil na ginagamit sa ordinasyon ng mga deakono at pari at pagbibigay ng kaukulang sakramento sa mga maysakit.

Bukas ng hapon ay idaraos sa iba't ibang parokya ang Misa ng Huling Hapunan at katatampukan ng paglalagay ng Santissimo Sacramento sa altar. Magbibigay-galang ang karamihan ng mga Katoliko hanggang sa sumapit ang hatinggabi.

Pagsapit ng Biyernes Santo, tiyak na maraming mga pamilya ang magsasagawa ng pananalangin at paggunita sa Daan ng Krus. Tradisyon na rin ang pagkakaroon ng Pitong Huling Wika o Siete Palabras sa malalaking simbahan sa ganap na ika-labing dalawa ng tanghali.

Sa ganap na ikatlo ng hapon, idaraos naman ang Pagbibigay Galang sa Banal na Krus at pagkatapos nito'y magsasagawa ng prusisyon kasama ang imahen ng Santo Intierro o ang katawan ng Jesucristo matapos ibaba sa krus.

Sa iba't ibang bahagi ng bansa'y mayroong mga kinagawiang tradisyon tulad ng pagpapabasa ng Pasyon na tumatagal ng halos dalawampu't apat na oras mula Huwebes Santo hanggang bago sumapit ang ika-labing dalawa ng tanghali.

Sa Pampanga, mayroon ding mga kalalakihan at kababaihang nagpapapako sa krus tulad ng ginawa ni Jesucristo higit sa dalawang libong taon na ang nakalilipas.

Karaniwan kayong makakakita ng mga naghahampas ng matitigas na bagay sa kanilang katawan hanggang sa masugatan at magdugo. Ito umano ang kanilang paraan ng pagbabayad sa kanilang mga naging kasalanan.

Tiyak na magiging masikip na naman ang mga lansangan ng Metro Manila pagsapit ng Lunes sapagkat magbabalik na ang karamihan ng mga nagbakasyon sa kani-kanilang mga bayan at lalawigan.

Para sa mga Filipino sa ibang bansa, makalalahok din kayo sa tradisyong Pinoy ng Visita Iglesia at pagdalo sa mga Lenten at Holy Week recollections sa pamamagitan ng internet. Matatagpuan ito sa visitaiglesia.net na ngayo'y dinalaw na ng halos limampung libong Pilipino sa loob at labas ng bansa.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>