Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pagbabalik ng mga kawal na Amerikano, tinutulan; pag-uusap ng pamahalaang Pinoy at MILF, nagsimula na

(GMT+08:00) 2011-04-28 18:04:10       CRI

TINULIGSA ng ilang progresibong mambabatas ang posibleng pagbabalik ng mga base militar ng Estados Unidos matapos dumalaw sina Senador Daniel Inouye at Thad Cochran sa Subic Freeport na iniwan ng mga Americano bago tuluyang sumabog ang Mt. Pinatubo may dalawampung taon na ang nakalilipas.

Ayon kay Party List Congressman Teodoro Casino, ang pagdalaw ng dalawang senador sa Subic at ang paglalabas ng balitang baka bumalik ang mga Americano sa bansa dahilan sa kalamidad na tumama sa Japan kaya't maaantala ang paglilipat ng base sa Guam, ay pawang masamang sinyales sapagkat ito'y tinalikdan na ng Pilipinas noon pa mang 1991.

Ayon sa balitang ipinalabas ng Mababang Kapulungan, hindi papayag ang mga progresibong mambabatas na makabalik pa ang mga base militar sapagkat ito'y pagyurak sa kalayaan at soberensya ng bansa.

Sinabi ni Kabataan Party List Congressman Raymund Palatino na kakaiba ang magiging pagdiriwang ng bansa sa oras na bumalik pa ang mga banyagang kawal. Balak sanang ipagdiwang ng mga mambabatas ang ikadalawampung taon ng pagtatapos ng kasunduan sa pagitan ng mga Pilipino at Americano na makapaglalagay sila ng mga base militar sa Pilipinas. Pinamunuan ni Senate President Jovito Salonga ang karamihan ng mga Senador noon na kumontra sa pagpapatagal ng mga banyagang base sa Pilipinas noong 1991.

BUMALIK na sa "negotiating table" ang Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front sa pagsisimula kahapon ng ika-21 Government of the Philippines – MILF Exploratory Talks sa Kuala Lumpur, Malaysia. Nakatakdang pag-usapan ang panukala ng MILF upang malutas na ang isyu ng Moro Homeland at ang matagal ng "armed conflict" sa Mindanao.

Pinamunuan ni dating University of the Philippines College of Law Dean Marvic Leonen at dating Agriculture Secretary Senen Bacani ang panig ng pamahalaan samantalang si Peace Panel Chairman Mohagher Iqbal naman ang namuno sa panig ng MILF. Si Ginoong Iqbal ay nakapanayam na ng China Radio International Filipino Section noong a-treinta ng Marso sa Lungsod ng Davao.

Pag-uusapan din ang mga "political detainees, security at immunity guarantees," usapin ni Ameril Ombra Kato at kanyang armadong grupo at ang Ad Hoc Joint Action Group.

Nasa kamay pa rin ng Malaysia ang pinagsanib na talaan ng mga paksang pag-uusapan sapagkat ang Malaysian Secretariat ang siyang pinaglalagakan ng mga dokumento ng magkabilang panig sa negosasyon.

Inanyayahan din ang mga kasapi sa International Contact Group sa pagbubukas at pagtatapos ng mga pag-uusap. Ang mga bansang ito'y kinabibilangan ng United Kungdom, Japan, Turkey and Saudi Arabia at ang mga non-states ay Center for Humanitarian Dialogue, The Asia Foundation, Muhammadiyyah at Conciliation Resources.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>