|
||||||||
|
||
NATAMO ng pandaigdigang kampanya laban sa terorismo ang isa sa pinakamakasaysayang pagkakataon – ang paggagawad ng katarungan kay Osama bin Laden na pinuno ng Al Qaeda.
Ito ang karaniwang reaksyon ng mga Pilipinong nasa likod ng mga balita ng padalhan sila ng katanungan kung anong masasabi sa pagkakapaslang kay bin Laden sa Pakistan.
Ayon kay Senate Foreign Relations Committee Chair Senator Loren Legarda, isang magandang pagkakataon ito upang papurihan ang mga nagpunyaging madakip o mapaslang ang sinasabing pinuno ng isang malaking grupo ng mga terorista.
Libu-libo umanong buhay ang nawala sa kamay ng grupo ni bin Laden at ito na ang pagkakataon upang lumuwag ang kalooban ng mga naiwan ng mga nabiktima ng walang-pakundangang pagpaslang.
May kontribusyon din umano ang Pilipinas sa Paglaban sa terorismo. Ang mahalaga, ani Senadora Legarda ay mapanatili ang pagtutulungan ng iba't ibang bansa upang mapanatili ang kapayapaan.
AYON naman kay Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Eduardo S. L. Oban, isang pagwawagi ito ng Demokrasya at pagkakatotoo ng mga pangarap ng mga mamamayang nagnanais ng kapayapaan. Isang malaking pagwawagi ito laban sa terorismo, sabi pa ni General Oban.
Ayon sa heneral, umaasa siyang ang mga mumunting grupo ng mga terorista na kaalyado ni bin Laden ay patutuloy nang manghihina at mawawala. Tiniyak ni General Oban na naka-alerto pa rin ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa pamamagitan ng programang "Bayanihan" upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ng bansa upang makapamuno ang mga halal ng bayan tungo sa kabutihan ng madla.
SINABI naman ni Arsobispo Oscar V. Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na naigawad na rin ang Katarungan subalit ang mga nasawi ay mananatiling patay sapagkat limitado lamang ang katarungang mula sa tao.
Idinagdag pa ng arsobispo na ang kakulangan ng katarungan ng tao ay pinupunuan ng Maykapal sa kabilang buhay.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |