|
||||||||
|
||
SA LIKOD ng mga balitang patuloy na bumababa ang "acceptability ratings" ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III mula sa +64 patungong + 46 noong Marso, patuloy namang gumaganda ang takbo ng ekonomiya sa patuloy na pagdami ng mga kalakal na inilalagak sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa Ika-32 Pambansang Pagpupulong ng Employers Confederation of the Philippines sa Marriott Hotel sa Lungsod ng Pasay ngayong araw na ito, sinabi ni Pangulong Aquino na patuloy na pinagsisikapan ng kanyang administrasyong makagawa ng kapaligirang katatagpuan ng maayos na kalakal. Patuloy umanong gumanda ang imahen ng Pilipinas sa nakalipas na ilang buwan tulad ng "upgrade" na natagpuan sa Japan Credit Ratings Agency mula sa "stable" patungong "positive". Ipinaliwanag ng pangulo na sa bawat pagganda ng ratings ay bababa ang halaga ng mga interes sa utang ng bansa at higit na magkakaroon ng access sa mga mercado sa labas ng bansa.
Maganda rin umano ang takbo ng Philippine Stock Exchange. Binanggit din niya ang balak ng Atlantic, Gulf and Pacific na maglaan ng sampung bilyong dolyar na kontrata sa susunod na pitong taon sa mga kilalang kumpanya at mangangailangan ng may apat na libong manggagawa at mayroon pang 20,000 "temporary work visas" sapagkat wala silang makuhang mga mangagaawa sa bansang kanilang pinuntahan.
Sinabi ni Pangulong Aquino na kahit na maganda ang patutunguhan ng bansa, maraming mga negosyante ang may agam-agam sa napipintong pagtataas ng sahod matapos niyang utusan ang mga opisyal ng iba't ibang "wage boards" na madaliin ang desisyon sa mga kahilingan ng mga kasapi ng labor unions.
Ipinaliwanag ni Pangulong Aquino na obligasyon ng pamahalaang balansehin ang magkakataliwas ng kahilingan ng mga manggagawa at ng mga mangangalakal. Niliwanag pa niyang ang kanyang inialok sa mga manggagawa ay 'di makasasakit sa mga negosyante.
Sa pagdami ng mga mamamayan na may kakayahang makapamili, tiyak na gaganda ang kalakal at higit na manggagawa ang kakailanganin ng mga kumpanya.
Binanggit din ni Pangulong Aquino na bagama't gumaganda ang takbo sa Business Process Outsourcing, problema na ang uri ng mga nagtatapos sa kolehiyo sapagkat nakikita na ang pagbaba ng kalidad ng mga nagtatapos.
PINAPURIHAN naman ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang Kagawaran ng Katarungan at Philippine Drug Enforcement Agency dahilan sa kanilang kontribusyon sa pagsugpo ng "drug mules" sa bansa.
Ipinalabas ng Kagawaran ng Katarungan ang alituntunin para sa mga maglalakbay na Pilipino tulad ng pananagutan ng sinumang maydala ang kanyang dala-dalahan. Hindi mahalaga kung alam o hindi na droga ang kanyang dala upang siya'y papanagutin. Kailangan ding alerto ang mga Pilipino sa mga paraan at gawi-gawi ng mga kabilang sa sindikato ng droga. Kung sakaling madakip o madetini dahilan sa droga, huwag manlaban sa mga alagad ng batas. Panindigan ang mga karapatang legal, magtanong kung ano ang mga paraang legal at humingi ng tulong sa pinakamalapit na konsulado ng bansa. Sa lahat ng bansa, kinikilala ang "presumption of innocence." Ang mga batas sa lugar na inyong pinuntahan ang laging kinikilala at iginagalang at ipinatutupad. Sa oras na mahatulan, limitado na ang maitutulong ng Pamahalaang Pilipino. Hindi magagawang magbayad ng "blood money" sa mga usaping may kinalaman sa "illegal drugs." Higit sa lahat, ipinauunawa ng Kagawaran ng Katarungan na kailangang panagutan ng mga Pilipino ang kanilang mga ginagawa.
Pinapurihan rin ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang PDEA dahilan sa pagkakadakip sa isang Nigerian at isng South Korean national na diumano'y kabilang sa isang international drug syndicate.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |