|
||||||||
|
||
MATAPOS makipag-usap sa mga taga-Mindanao, dumalaw ang mga bumubuo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Peace Panel sa Metro Manila. Una nilang hinarap ang mga kasapi ng civil society organizations, religious sector at kahapo'y ang mga mangangalakal na may malalaking negosyo sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay MILF Peace Panel Chairman Mohagher Iqbal, nauunawaan niya kung bakit takot ang mga negosyante na maglagak ng kanilang kapital sa Mindanao sapagkat hindi pa nila nababatid kung ano ang mga magaganap sa oras na maghari na ang kapayapaan at kaunlaran sa katimugang bahagi ng bansa.
Sa panayam ng China Radio International/Filipino Section, sinabi ni Ginoong Iqbal na magaganap ang kapayapaan sa oras na lumagda ang Pilipinas sa kanilang panukalang kasunduan.
Binanggit din ni Ginoong Iqbal na naging mainit ang pagtanggap sa kanila ng iba't ibang sektor na naka-usap sa Mindanao at maging sa Luzon.
Samantala, sinabi naman ni dating Tourism at Interior and Local Government Secretary Rafael M. Alunan III na isang paglilinaw ang naganap sa Asian Institute of Management kahapon. Wala umanong nakakaunaw sa mga mangangalakal ng kinahinatnan ng pag-uusap sa pag-itan ng Pilipinas at ng MILF. Idinagdag ni Ginoong Alunan na sana ay magwakas ang pag-uusap sa kasunduang pangkapayapaan.
Ayon naman kay dating Senator Vicente Paterno, maraming mga mangangalakal ang walang kaalaman sa mga nagaganap sa Mindanao. Pagkakataon umano ng magkabilang panig na magbalitaan at magpaliwanagan.
Kanina ay humarap naman ang MILF peace panel sa mg mag-aaral ng Pamantasan ng Pilipinas at ipinaliwanag ang kanilang paninindigan sa peace talks.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |