Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Ministro ng Tsina, umaasang higit na magiging malapit ang relasyon sa pilipinas; pabahay para sa mga pulis at militar, pinasinayaan; mga banyagang sangkot sa human trafficking, nadakip

(GMT+08:00) 2011-05-23 18:11:29       CRI

ANG Pilipinas at Tsina ay malapit na magkakaibigan. Ito ang binigyang-diin ni State Councilor and Minister of National Defense General Liang Guanglie sa kanyang pagdating sa Pilipinas noong Sabado.

Ayon sa ministro, nasusulat na sa Kasaysayan ang pagkakaibigan ng dalawang bansa at nakita na ng daigdig ang magandang pagsasamahang ito. Batay sa relasyong ito kaya namamayani ang kapayapaan at maayos na kalagayan ng Timog Silangang Asya.

Layunin umano ng kanyang pagdalaw sa Pilipinas na mapagbuti ang pagkakaunawaan, pagkakaroon ng ibayong pagtitiwala sa isa't isa at mapalawak ang magandang relasyon, maisulong ang pagtutulungan at mapagtibay ang state-to-sta and military-to-military relations.

Umaasa ang panauhing mula sa Tsina na magiging maganda ang talakayan sa kanyang pagdalaw sa Pilipinas.

SA panig naman ni Kalihim Voltaire Gazmin, nagpalitan sila ng pananaw ni General Guanglie kaninang umaga tungkol sa mga isyung may kinalaman sa seguridad ng rehiyon. Binigyang pansin ng magkabilang-panig ang kahalagahan ng pagtutulungan sa mga nagaganap sa buong Asia-Pacific region.

Natuon ang pag-uusap sa katapatan ng Pilipinas at Tsina na mapanatili ang mapayapang rehiyon upang higit itong umunlad. Partikular na binigyang pansin ang South China Sea sa pamamagitan ng Declaration of Conduct of Parties in the South China Sea na nilagdaan noong 2022 ng Tsina at ng Association of Southeast Asian Nations.

Umaasa ang magkabilang-panig na maisaayos na ang implementing guidelines ng deklarasyon at mapagkakasunduan ang detalyes nito tungkol sa mga isyung bumabalot sa South China Sea. Kinilala ng magkabilang-panig na ang anumang unilateral action ay maaaring ikabahala ng ibang bansa kaya't marapat lamang na ito'y maiwasan. Kailangan ding maghari ang pagtitiwala sa pag-itan ng mga Tanggulang Pambansa at kani-kanilang mga sandatahang lakas.

Ang mga pagdalaw ng mga opisyal ng tanggulang pambansa at pagpapalitan ng mga delegasyon ng sandatahang lakas ay bahagi ng mga napagkasunduan sa Memorandum of Understanding on Defense Cooperation na nilagdaan ng magkabilang-panig noong 2004. Napagkasunduan ng magkabilang-panig noon pa man na magtutulungan tungkol sa non-traditional security challenges tulad ng humanitarian assistance at disaster response ay bahagi ng kasunduang nilagdaan noong 2004.

SINABI ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na mahigit sa apat na bilyong piso ang inilaan ngayong taon para sa pagtatayo ng may 20,000 mga pabahay para sa mga pulis at militar. Sa palatuntunang nagpasinaya sa mga pabahay sa Bocaue, Bulacan ngayong araw na ito, sinabi ni Pangulong Aquino gagawin niya ang lahat matiyak lamang na angkop ang uri ng tahanan sa gastos ng mga pulis at militar na makikinabang sa programang pabahay.

Ayon sa pangulo, nag-usap na sila ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na titiyaking maayos ang paggastos sa salapi ng Tanggulang Pambansa upang matuloy na rin ang modernisasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Isasaayos din ang procurement program upang ang lahat ng gagastusin ay pakikinabangan ng mga kawal. Magkakaroon rin ng pagsasa-ayos ng pagbibigay ng combat allowance sa mga pulis.

Ipinagmalaki ni Pangulong Aquino na natanggap na ng bansa ang biniling 50 taong gulang na Hamilton Class Weather High Endurance Cutter na mula sa America at lalong lalawak ang patrolya sa oil platforms ng Pilipinas at mga oil exploration sa Palawan at Sulu Sea.

IKINATUWA naman ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay ang pagkakadakip ng tatlong banyaga at dalawang Filipino na lumabag sa Trafficking in Persons Act o Republic Act No. 9208.

Nailigtas din ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group ang 42 mga kababaihang nasa pagkakalakal ng kanilang katawan matapos salakayin ang isang pinaghihinalaang prostitution den sa Angeles City noong Huwebes ng gabi.

Ayon sa pangalawang pangulo, ang pangyayaring ito ay pagtalima sa kautusan ng administrasyong Aquino na labanan ang human trafficking, partikular ng mga Pilipino sa loob man o labas ng bansa.

Kumilos ang mga pulis matapos matanggap ang reklamo ng isang taga-Tarlac tungkol sa kanyang 17 taong gulang na pamangking mawawala at sapilitang ikinakalakal ng mga may-ari ng Sweet Girl Honey Pot club sa Angeles City.

Nadakip ang mga Australianong sina Barry Burston, 69 years old at Raymond Anderson, 57 at isang taga-New Zealand na nagngangalang Michael Watt, 59 na taong gulang. Kasabwat umano sina Judith Pajaron, 39 at isang Rossana Almeria, 22 na kapwa taga-Mabalacat, Pampanga.

Ilan umano sa mga sex workers ay mula sa lalawigan ng Biliran, sa lalawigan ng Leyte at sa Catarman, Samar.

Dinala na ang mga nadakip sa Campo Crame, ang tanggapan ng Philippine National Police samantalang inihahanda ang kaukulang usapin laban sa kanila.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>