|
||||||||
|
||
IGINIIT ng Philippine Permanent Mission to the United Nations sa New York na dapat sundin ang "rule of law" sa West Philippine Sea o South China Sea at tumangging palawakin pa ang mga 'di pagkakaunawaan sa rehiyon sa 21st Meeting of the States Parties to the 1982 UN Convention on the Law of the Sea na isinagawa mula noong a-trese hanggang a-dies-y-siete ng Hunyo sa United Nations.
Binigyang-diin ng Pilipinas na ang kalakaran ng batas ang siyang sandigan ng kapayapaan, kaayusan at pagiging patas sa mga makabagong lipunan. Ang pagsulong ng "rules-based international system" ang siyang nakatulong sa mga pandaigdigang usapin sapagkat ang paggalang at pagsunod sa international law ang nagpanatili ng kapayapaan at nakalutas ng mga 'di pagkakaunawaan. Ang international law ang nagbigaw ng pantay na tinig sa mga bansang mayaman o mahirap at may kakayahan sa larangan ng ekonomiya o militar at nag-aalis ng paggamit ng dahas.
Sa isang pahayag ni Secretary General Henry Bensurto ng Commission on Maritime and Ocean Affairs Secretariat, ang mga nagaganap sa Recto Bank ay nagpalawak sa mga pinagtatalunang mga pulo sa West Philippine Sea na kinabibilangan na ng mga tubigan at continental shelves na sakop ng Pilipinas at ang mga pagkilos na may dahas ay taliwas sa UN Convention on the Law of the Sea.
NANINIWALA naman si Bise Presidente Jejomar C. Binay na ang mga isyung may kinalaman sa Spratlys na hindi makasisira sa relasyon ng Pilipinas at Tsina subalit dapat pa ring ipagsanggalang ng Pilipinas ang kanyang sariling interes.
Hindi marapat na maging dahilan ng 'di pagkakaunawaan ang Spratlys subalit hindi naman nangangahulugang pababayaan na lamang ang Tsina sa kanyang mga ginagawa. Ito ang buod ng kanyang pahayag sa panayam sa kanyang pagdating mula sa dalawang linggong educational program sa housing finance.
Magugunitang ipinadala ng Philippine Navy ang tanging malaking barko upang magpatrolya sa paligid ng Scarborough Shoal sa Western Philippine Sea. Naroon na ang Barko ng Republika ng Pilipinas Rajah Humabon matapos ipadala ng Tsina ang pinakamalaking patrol ship sa Paracel at Spratly island groups.
Idinagdag pa ng pangalawang pangulo na ang desisyong ipadala ang Humabon sa pook ay upang ipagsanggalang ang interes ng bansa bagama't kailangang malutas ang isyu ng Spratlys sa mapayapang paraan.
KAHIT pa maulan sa Luzon ngayon ay itinuloy ang pagdiriwang ng ika-isang daa't limampung taon ng kapanganakan ni Dr. Jose Protacio Rizal – ang pambansang bayaning may dugong Tsino.
Pinapurihan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang kabayanihan ni Dr. Rizal na piniling maglingkod sa mga mahihirap sa halip na manirahan na lamang sa ibang bansa matapos ang kanyang pagkadalubhasa.
Marami umanong kinaharap na sangangdaan si Dr. Rizal noong kabataan niya tulad ng mga angkop na gagawin matapos pahirapan ng mga Kastila ang kanyang pamilya. Subalit minabuti umano ng pambansang bayaning gisingin ang diwa ng mga Pilipino upang suriin ang kanilang tunay na kalagayan.
Kahit umano ang mga karaniwang Pilipino ngayon ay maraming sangangdaang kinahaharap tulad ng pamimili kung susunod ba o lalabag sa batas at kung magwawalang kibo o gagawa ng paraan upang ituwid ang mali.
Umaasa rin si Pangulong Aquino na tulad ni Gat Jose Rizal, ngayon nakikilala ng madla ang kanyang mga nagawa tulad rin naman ng mga susunod na saling-lahi na ipagpapasalamat ang mga ginagawa ng pamahalaan ngayon.
Kabilang sa mga pinagkaka-abalahan ng kanyang pamahalaan ngayon ay ang pagbabantay sa mga monopolya, pagbuhos ng pondo sa edukasyon, pagpapasigla ng ekonomiya sa pamamagitan ng kanyang conditional cash transfer program at iba pa.
Nanawagan din si Pangulong Aquino na huwag kalilimutan ang mga nai-ambag ng mga bayani ng bansa sa pangunguna ni Dr. Jose Rizal kaya't tinatamasa ng bansa ang kalayaa't kaunlaran.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |