|
||||||||
|
||
TULOY na ang pagdalaw ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Beijing. Ito ang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Albert F. Del Rosario sa isang media briefing ngayong hapon sa kanyang tanggapan.
Maaaring maganap ang pagdalaw ng Pangulo ng Pilipinas sa huling linggo ng Agosto o sa unang linggo ng Setyembre.
Ayon kay Ginoong Del Rosario, naging maganda ang pagtanggap sa kanya ng mga pinuno ng Tsina sa Beijing at naging maayos at bukas ang pag-uusap tungkol sa mahahalagang isyu sa Timog Silangang Asia.
Bagama't wala siyang narinig mula sa kanyang mga nakausap kung mababawasan na ang sinasabing intrusions at mga pagpasok sa bahagi ng karagatang nasasakop ng Pilipinas, umaasa si Ginoong Del Rosario na mababawan ito dahilan sa matagumpay niyang naipaliwanag ang posisyon ng Pilipinas.
Nananatili umanong maganda ang relasyon ng dalawang bansa tulad noong nakalipas na 36 na taon. Nakausap at nakadaupang palad niya ang kanyang Chinese counterpart na si Yang Jiechi at ang Pangalawang Pangulo ng Tsina na si Xi Jinping.
Naging paksa ng usapan ang mga napagkasunduan noong mga nakalipas na panahon sa larangan ng defense and security, agriculture and food, agham at teknolohiya at kalakalan sa pag-itan ng dalawang bansa.
Napag-usapan din ang mga isyung bumabalot sa karagatan sa kanlurang bahagi ng Pilipinas.
Sa pag-uusap, nagkaunawaan ang magkabilang panig na huwag hayaang maging hadlang ang 'di pagkakaunawaan sa karagatan sa mga kasunduang matagal nang nalagdaan, ilayo ang isyung ito sa mas mararaming mapapagkasunduan, nagkasundong magkakaroon ng malayang talakayan at pananatiliing bukas ang linya ng komunikasyon sa pag-itan ng dalawang bansa.
Ayon kay Ginoong Del Rosario, maliwanag sa mga Tsino ang paninindigan ng Pilipinas. Kahit pa nagkaroon ng magandang mga pag-uusap sa Beijing noong isang linggo, hindi magbabago ang paninindigan ng Pilipinas na ang kanyang nasasakupan ay kanyang paninindigan at ang mga kapuluang hinahabol ng ibang bansa ay magpapag-usapan sa pamamagitan ng multi-lateral negotiations.
Idinagdag pa ni Kalihim Del Rosario na handa ang Pilipinas na dalhin ang usapin sa International Tribunal on the Law Of the Sea bagama't naniniwala at naninindigan ang Tsina na mas maghalaga ang bilateral negotiations sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
PAALIS bukas patungong Amsterdam, The Netherlands ang limang high school students mula sa Pilipinas upang lumahok sa ika-52 International Mathematical Olympiad.
Ang mga mag-aaral ay sina Kenneth T. Co mula sa Philippine Science High School, Main Campus, Vance Eldric Go ng St. Jude Catholic School, Russell Guadalupe ng Valenzuel City Science High School, Carmela Antonette S. Lao ng St. Jude Catholic School at Henry Jefferson C. Morco ng Chiang Kai Shek College.
Umaasa ang koponan na makapag-uuwi ng medalya mula sa patimpalak. Sina Dr. Julius Basilla at Glenn Ong mula sa Mathematical Society of the Philippines ang mamumuno sa koponan.
Noong nakalipas na taon, idinaos ang 51st IMO sa Astana, Kazakhstan at nagtamo ng silver medal si Carmela Antonette Lao at dalawang honorable mention mula kay Morco at Zheng Rong Wu ng Zambopanga Chong Hua High School.
Karaniwang mga mag-aaral na may dugong Tsino ang nakalalahok sa mga patimpalak na ganito sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |