|
||||||||
|
||
PANGULONG AQUINO, BUMALIK NA SA PILIPINAS
NAKIKITANG solusyon ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa kawalan ng katiyakang hinaharap ng daigdig ang pagkikipag-ugnayan sa mga kalapit bansa.
Ito ang bahagi ng kanyang pahayag sa kanyang pagdating sa Maynila mula sa ika-19 na APEC Economic Leaders Meeting sa Honolulu.
Ani Pangulong Aquino, ang dalawampu't isang pinuno ng bansa sa paligid ng dagat-Pasipiko ay nagkapit-bisig upang pigilan ang paglala ng pinsalang dulot ng suliranin sa pananalapi. Inihambing niya ang dalawampu't isang pinuno ng mga bansang sabay-sabay na sumasagwan tungo sa pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran.
Pinag-usapan ang paggamit ng enerhiya, paglikha ng mas maraming hanapbuhay at ang pagpapanatili ng matatag na ekonomiya sa rehiyon.
Iniulat ni Pangulong Aquino na nakausap niya si Australian Prime Minister Julia Gillard at pinasalamatan sa ikinaloob na isang milyong dolyar para sa iba't ibang samahan, kabilang na ang Philippine National Red Cross, para sa mga naging biktima ng pagbaha sa mga lalawigan ng Pilipinas.
Nakausap din umano niya ang kinatawan ng Chinese Taipei at napag-usapan ang ekonomiya at ang posibilidad na mamuhunan sa Pilipinas at mga paraan upang higit na makinabang ang mga manggagawang Pilipino sa kanilang pinagpaguran sa Taiwan sa pamamagitan ng pagbabawas ng malaking placement fees.
Masayang ibinalita ni Pangulong Aquino ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Pilipinong naninirahan na sa Honolulu. Ipinagmalaki niyang higit na maunlad na ang Pilipinas ngayon.
Ngayong gabi'y paalis na naman si Pangulong Aquino patungo sa Bali, Indonesia para sa ASEAN Summit. Tungkulin umano ng isa sa mga nagtatag ng samahang mapanatili ang aktibong ugnayan sa pagitan ng mga bansang kabilang na sa ASEAN Plus Three at iba pang dialogue partners.
MGA ARROYO, MAGLALAKBAY NA; KAGAWARAN NG KATARUNGAN NAGSABING HUWAG MAGMADALI
SAMANTALA, kung hindi magkaka-aberya, maglakbay patungong Singapore sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ang kanyang esposo, si Ginoong Jose Miguel Arroyo ngayong gabi matapos pansamantalang pigilan ng Korte Suprema ang pamahalaang Aquino na pagbawalan silang maglakbay samantalang may pagsisiyasat sa usaping plunder at election sabotage. May balitang sasakay sa Philippine Air Lines PR 505 ngayong gabi ang mag-asawa.
Naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order sa watchlist ng Kagawaran ng Katarungan na nagbigay ng poder sa Kalihim ng Katarungan na magdesisyon kung papayagan o hindi ang mga Arroyong makalabas ng bansa. Naunang hiniling ni Ginang Arroyo na payagan siyang maglakbay upang magpagamot sa kanyang sakit sa buto.
Ang Kagawaran ng Katarungan ay naniiwalang isang "flight risk" ang dating pangulo. Hindi pa natatapos ang preliminary investigation sa usaping plunder at election sabotage laban sa dating pangulo.
Sa desisyon ng Korte Suprema na 8 pumabor at 5 kumontra sa petisyon ni Ginang Arroyo, sinabi naman ng Kagawaran ng Katarungan na huwag magmadali ang mga Arroyo sapagkat kanilang iaapela ang desisyon sa mga susunod na araw.
Ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas, ang sinuman na hindi pa naakusahan sa hukuman ay 'di mapipigilan sa paglalakbay kung hindi rin lang naman peligro sa national security, public safety at public health.
Sa panig ni Kalihim Leila de Lima, sinabi niyang hindi papayagan ng pamahalaang makalabas ng bansa ang mag-asawang Arroyo sapagkat hindi pa nila natatanggap ang desisyon ng Korte Suprema tungkol sa watchlist laban sa mag-asawa.
Ito ang kanyang pahayag sa isang press conference matapos lumas ang balitang naglabas ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema upang makalabas ang mag-asawang Arroyo upang magpagamot ang dating pangulo.
Pinag-utusan ni Kalihim de Lima ang mga ahensya ng pamahalaan na pigilin ang mag-asawang umalis ng bansa. Mayroon na umanong urgent motion for reconsideration sa Korte Suprema ang Kagawaran ng Katarungan. Hihilingin umano ng pamahalaan sa Korte Suprema na alisin ang TRO sa watch-list na ipinalabas ng Kagawaran ng Katarungan, ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Edwin Lacierda.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |