Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Magiging patas ang Senado sa Impeachment Trial

(GMT+08:00) 2012-03-07 18:12:25       CRI

Ito ang tiniyak ni Senador Edgardo J. Angara sa panayam ng CRI-Filipino Service tungkol sa isinasagawang Impeachment Trial kay Chief Justice Renato C. Corona.  Magugunitang sinimulan ang paglilitis noong Lunes, ika-16 ng Enero.  Magpapatuloy ang paglilitis sa darating na Lunes, Ika-12 ng Marso.

TINIYAK ni Senador Edgardo J. Angara na magiging patas ang pagtingin ng mga Senador na nakaluklok bilang mga hukom sa paglilitis kay Chief Justice Renato C. Corona.

Sa panayam ng China Radio International-Filipino Service, sinabi ni Senador Angara na sa mga susunod na araw, sa pagtatapos ng paglilitis na kanilang paghahandog ng mga ebidensya laban sa akusadong punong mahistrado, ang panig ng pagtatanggol naman ang maghahandog ng kanilang mga ebidensya.

Naghahanda na umano ang pagtatanggol ng kanilang mga saksi at mga ebidensya.

Ayon sa beteranong senador, sa loob ng dalawang linggo, maaaring matapos ang pagdinig bago magbakasyon ang mga mambabatas para sa Semana Santa. Magsisimula ang kanilang bakasyon sa ika-23 ng Marso, kung matutuloy ang buong araw na paglilitis.

Marapat umanong bantayan ng mga mamamayang nasa iba't ibang bahagi ng daigdig ang magaganap sa paglilitis. Makaaasa umano ang mga Filipinong nasa loob at labas ng bansa na sila'y patas sa pagtingin sa magkabilang panig.

Inamin ng mambabatas na halos wala na silang magawang mga batas sapagkat nakatutok sila sa paglilitis ng punong mahistrado ng Korte Suprema. Minamadali umano nila ang paglilitis sapagkat mahalaga ito sa interes ng taongbayan.

Kung magtatagal pa umano ang pagdinig, mas masasaktan pa ang lahat ng panig na sangkot, kasama na rin ang buong bansa sapagkat naaantala ang mga nararapat gawin ng pamahalaan.

Pinapurihan din ni Senador Angara si Senate President Juan Ponce-Enrile bilang isa sa pinaka-magaling na abogadong nakaaalam ng pamamaraan upang lumabas ang katotohanan sa mga isyung ipinarating sa impeachment court.

Magiging pantay ang Senado ng Republika ng Pilipinas sa paglilitis kay Chief Justice Corona. Tiniyak din ng Senador Angara na walang anumang "legal shortcut" na magaganap sa paglilitis.

Nakatakdang ipagpatuloy ang pagdinig sa usapin sa darating na Lunes, ika-12 sa buwan ng Marso.

ARSOBISPO PALMA: "ANONG 'TEST VOTE' ITO PARA SA REPRODUCTIVE HEALTH BILL?"

Sinabi ni Cebu Archbishop at Catholic Bishops Conference of the Philippines President Jose S. Palma na nararapat gawin ng Mababang Kapulungan ang tamang proseso sa pagpapasa ng mga panukalang batas. Ito ang reaksyon ng arsobispo sa balitang magkakaroon ng "test vote" sa kontrobersiyal na Reproductive Health Bill na maigting na tinututulan ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas.

NAGTATAKA si Arsobispo Jose S. Palma, Arsobispo ng Cebu at Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa panukalang magkaroon ng "test vote" sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kontrobersyal na Reproductive Health bill.

Bagama't hindi napag-usapan ng CBCP Permanent Council ang paksang ito kahapon dahilan sa mas mahahalagang paksa, naniniwala si Arsobispo Palma na dapat sundin ng mga mambabatas ang tamang proseso bago pag botohan ang nasabing panukala.

Kung naniniwala umano ang mga nagsusulong ng Reproductive Health bill na sa pagbabago ng liderato ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ay magbabago ang kanilang pananaw sa kontrobersyal na paksa, nagkakamali ang mga mambabatas, mga nasa ehekutibo at mga pumapanig sa Reproductive Health bill.

Hindi umano magbabago ang pananaw ng Simbahan tungkol sa kontrobersyal na panukala.

Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si Arsobispo Palma sa mga tumutugon sa surveys na nagsasabing pumapabor sila sa posisyon ng Simbahan.

ASIAN DEVELOPMENT BANK, TINATAYANG 4.7% ANG GROWTH RATE NG PILIPINAS NGAYONG 2012

Ito ang pahayag ni Asian Development Bank Vice President Stephen Groff sa kanyang pagsasalita sa Philippine Economic Briefing kahapon.  Bagama't tagumpay ang Business Process Outsourcing sa Pilipinas, nararapat lamang tingnan ang kalagayan ng mahihirap at mga walang hanapbuhay.  Nakakabawi na rin umano ang mga bansa sa Asya-Pasipiko kahit may mga bansa sa Europa na problemado pa rin ngayon.

SAMANTALANG maraming bansa ang apektado pa ng matinding pandaigdigang financial crisis, ang mga bansa sa Asiya-Pasipiko ay nakakabawi na.

Ito ang pagtataya ni Stephen Groff, Vice President ng Asian Development Bank sa kanyang talumpati sa Philippine Economic Briefing na idinaos sa Philippine International Convention Center kahapon ng umaga.

Marami pa ring mga suliraning hinaharap ang daigdig, tulad ng patuloy na debt crisis sa Europa, ang growth projection ng Asian Development Bank para sa Asya at maituturing na "cautiously optimistic."

Tinataya ng Asian Development Bank na matatamo ang growth rate sa Asya ay 7.2% sa taong 2012 bagama't ang kanilang projection para sa Pilipinas ay 4.7% lamang.

Idinagdag pa ni Ginoong Groff na nahaharap pa rin ang rehiyon sa patuloy na kahirapan, lumalaking economic problems at pagbabago sa klima na dahilan ng pagkapinsala ng mga pagawaing bayan at mga pribadong ari-arian.

Nakasalalay umano sa balikat ng mga pinuno ng bansa kung paano nila tutugunan ang mga hamong ito ng panahon.

Ayon kay Ginoong Groff, ang kawalan ng hanapbuhay at kakulangan ng trabaho ay matitinding mga isyu. Kahit pa may maibabalitang tagumpay sa Business Process Outsourcing, nananatili pa ring mataas ang bilang ng mga walang hanapbuhay. Ang kahirapan ng mga mamamayan ay 'di pa rin naiibsan.

Sa BPOs, lumago ang industriyang ito ng may 35.4% mula noong 2004 hanggang 2009. Lumago rin umano ang kita ng may 27% taun-taon.

Ani Vice President Groff, upang makatugon sa pangangailangan ng lumalaking bilang ng mga manggagawa, nararapat lamang na pangunahan ng pamahalaan ang pagpapatayo ng mga manufacturing plants.

Binanggit din ni Ginoong Groff ang kahalagahan ng mga pagawaing bayan sapagkat magkakatrabaho na ang mga mamamayan. Ang sistema ng pagpapalakad ng pamahalaang ay may koneksyon sa mga uri ng kalakal na papasok sa alinmang bayan.

Ang public works ay nakatutulong sa nation-building sapagkat napauunlad na ang uri ng mga infrastructure. Ang mga pagawaing-bayang ito ang mangangailangan ng mga obrero.

Tumataas na rin umano ang kumpiyansa ng mga banyagang mangangalakal sa mga nagaganap sa bansa.

Handa ang Asian Development Bank na tumulong sa iba't ibang bansa sa paligid na Asia-Pacific region, lalo't may kinalaman sa mga programa ng iba't ibang pinuno ng bansa.

Sa pagdaraos ng ika-45 taunang pulong ng Asian Development Bank sa buwan ng Mayo sa Maynila, magkakausap ang mga kabilang sa management ng bangko at iba pang industry leaders at mga kinatawan ng iba't ibang samahan at relihiyon.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>