Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mamamahayag na binaril, malubha

(GMT+08:00) 2012-03-12 18:48:51       CRI

MAMAMAHAYAG NA BINARIL, MALUBHA

TINIYAK ng Malacanang na ginagawa na ng pulisya ang pagsisiyasat sa pagkakabaril kagabi kay Fernan Angeles, isang kasapi ng Malacanang Press Corps at tagapamahayag ng Daily Tribune. Nagaagaw-buhay pa sa Rizal Medical Center ang biktima hanggang sa mga oras na isinusulat ang balitang ito.

Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda sa isang pahayag na inilabas ng kanyang tanggapan, sila'y nagulat at nababahala sa pangyayari kay Fernan Angeles at tiniyak na sinisiyasat na ng Department of Interior and Local Government ang insidente. Nag-utos na umano si Kalihim Jesse Robredo nang isang masigasig na pagsisiyasat.

Binaril si Angeles malapit sa kanyang tahanan sa Pasig City kagabi at nagtamo ng anim na tama ng bala mula sa isang kalibre .45 revolver.

Nag-alok na umano ng tulong ang Malacanang sa maybahay ng biktima at nagpaabot na rin ng panalanging gumaling kaagad ang biktima.

Naglabas ng sariling pahayag ang Malacanang Press Corps na kumundena sa pamamaril. Hinamon ng press corps ang pamahalaan na alamin ang tunay na dahilan ng pamamaril.

Sinabi ng maybahay ng mamamahayag na si Gemma na isang kilalang tao ang nasa likod ng pamamaril.

Umaasa ang Malacanang Press Corps sa pangako ng pamahalaan na walang sinumang sasantuhin basta't may katiwaliang ginawa. Nakataya umano ang press freedom sa pangyayaring ito.

CONGRESSMAN, TUMESTIGO SA PANIG NI CHIEF JUSTICE CORONA

ISANG mambabatas ang tumestigo sa panig ni Chief Justice Renato Corona at ibinunyag kung paano gumalaw ang mga kaalyado ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III upang makuha ang suporta ng mga congressman sa impeachment complaint laban sa punong mahistrado.

Sa kanyang pagluklok sa witness stand, sinabi ni Navotas Congressman Tobias Tiangco na gumamit ng pressure ang pamahalaan upang suportahan nila ang impeachment case laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Binanggit ni Ginoong Tiangco ang text message na mula umano sa pinuno ng House Committee on Appropriation na kumalat at nagsabing ang mga tataliwas sa posisyon ng administrasyon ay 'di makatatanggap ng priority development assistance fund o PDAF.

Siya umano ay hindi sumunod sa kalakaran tungo sa impeachment at hindi na pinansin ng Malacanang ang kanyang kahilingang pondo para sa kanyang distrito. Sumulat na umano siya kay Budget Secretary Florencio Abad ng dalawang ulit subalit walang natanggap na anumang kasagutan. Ibinunyag umano niya ang ginawa sa kanya ng administrasyon ay nakatanggap siya ng text mula kay Ginoong Abad na nagsabing kung sa ganang kanya lamang, hindi niya mapipigil ang anumang kahilingan ng pondo ng mga mambabatas. Iminungkahi umano ni Ginoong Abad na kausapin ni Tiangco si Pangulong Aquino at makakatulong si Speaker Feliciano Belmonte.

Nagpapatuloy pa ang paglilitis ngayong Lunes, ika-27 araw na sa Impeachment Trial ni Chief Justice Renato Corona sa Senado. Mula ngayon ay maglalahad na ng mga ebidensya at saksi ang lupon ng mga tagapagtanggol ng punong mahistrado.

CARDINAL JOSE SANCHEZ, INILIBING NA

INIHATID na sa huling hantungan ang yumaong Jose Tomas Cardinal Sanchez na pumanaw noong Biyernes, ika-siyam sa buwan ng Marso. Inilibing ang namayapang cardinal sa isang bahagi ng Cathedral-Shrine of the Good Shepherd sa Diocese of Novaliches sa Quezon City bago ng katanghalian.

LABI NI CARDINAL SANCHEZ BINASBASAN. Nakatayo si Cebu Archbishop Emeritus Ricardo J. Cardinal Vidal samantalang naghihintay na basbasan ang labi ng yumanong Jose Tomas Cardinal Sanchez matapos ang Misa sa Cathedral-Shrine of the Good Shepherd sa Diocese of Novaliches kaninang tanghali.

Tumagal ang Misa ng higit sa karaniwang isang oras. Ang Misa na pinamunuan ni Cebu Archbishop Emeritus Ricardo J. Cardinal Vidal ay dinaluhan ng may 40 mga Obispo mula sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.

Ayon kay Cardinal Vidal, isang madasaling alagad ng Diyos ang namayapang Cardinal Sanchez na malaking tulong sa kampanya ng simbahan laban sa Reproductive Health bill. Si Cardinal Sanchez ang ikalimang cardinal ng Pilipinas.

Naging concelebrants sina Archbishop Guiseppe Pinto na Dekano ng Diplomatic Corps at Manila Archbishop Luis Antonio Gokim Tagle.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>