Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Tsina at Vietnam, ginawang prayoridad ang pagsasaka

(GMT+08:00) 2012-03-19 18:53:20       CRI

TSINA AT VIETNAM, GINAWANG PRAYORIDAD ANG PAGSASAKA

KAILANGAN NG IBAYONG REPORMA SA PILIPINAS. Ipinaliliwanag ni Karl Kendrick Chua, Country Economist ng World Bank ang mahahalagang hakbang na nararapat sanang gawin upang matamo ang mithing kaunlaran at pag-angat ng mahihirap sa kanilang kinatatayuan. Makikita sa dulong kanan si Rogier Van den Brink, lead economist ng World Bank na dumadalaw sa Pilipinas.

KAILANGAN ng ibayong reporma sa mga palatuntunan ng Pilipinas upang matamo ang kaunlaran at gumanda ang buhay ng mahihirap sa bansa. Ito ang mungkahi ng World Bank sa kanilang press briefing sa Philippines Quarterly Update na pinamagatang From Stability to Prosperity for All sa kanilang tanggapan sa Mandaluyong City kaninang umaga.

Ayon kay Rogier Van den Brink, Lead Economist ng World Bank na dumadalaw sa Pilipinas, nakaka-angat na ang Tsina at malalampasan na ng Vietnam ang Pilipinas sapagkat ginawang prayoridad ng mga bansang ito ang pagpapasigla ng sektor ng agrikultura na naging dahilan upang gumanda ang local demand at sumigla ang manufacturing sector.

Ayon kay Ginoong Van den Brink, kung mahina ang sektor ng pagsasaka, walang hanapbuhay ang mga nasa kanayunan at magtutungo sa mga lungsod at tatanggap ng kahit anong uri ng hanapbuhay at mawawalan ng pagkakataong lumago ang manufacturing sector. Mahihirapan umanong umangat ang buhay ng mga mahihirap.

Kung wala umanong lupaing mabubungkal, walang hanapbuhay ang mga magsasaka at mapapadagdag sa bilang ng mga walang hanapbuhay at walang sapat na pinagkakakitaan.

Ayon sa pahayag ng World Bank, ang malakas na macroeconomic fundamentals na kakikitaan ng mababa at stable na inflation, manageable government finances, isang bangko sentral na maraming dolyar mula sa foreign remittances at foreign investments at maayos na social protection system, ang siyang nagpalakas ng tayo ng Pilipinas sa krisis na nagaganap sa daigdig.

Maraming oportunidad upang mapadali ang critical reforms. Nakikinabang umano ang bansa sa political stability at isang popular na liderato na may pangakong isasaayos ang pagpapatakbo ng pamahalaan at mabawasan ang kahirapan. Ito ang pahayag ni Motoo Konishi, Country Director ng World Bank.

Ang Philippines Quarterly Update ay nagtataya ng growth forecasts para sa Pilipinas sa 4.2% sa taong 2012 at 5% sa taong 2013. Noong nakalipas na taon ay umabot lamang sa 3.7% ang growth rate ng bansa.

Bumagal ang growth rate ng Pilipinas at natamo lamang ang 3.7% dahilan sa mahinang paggasta at mahinang external demand.

Nagkaroon din ng ilang pag-unlad sa huling bahagi ng taong 2011 subalit nanatiling mataas ang kahirapan at pagkagutom.

Kung magpapatuloy pa ang pandaigdigang krisis sa ekonomiya, ang domestic demand, partikular ang investment at government spending, lalaki ng bahagya ang growth rate ng Pilipinas.

MAKINIG MUNA BAGO HUMUSGA

MAKINIG MUNA, BAGO HUMUSGA. Ito ang panawagan ni Senate Sgt. at Arms Retired General Jose Balajadia sa panayam ng China Radio International-Filipino Section kaninang tanghali. Nasa huling linggo na ng sesyon ang Senado ng Pilipinas bago mag bakasyon para sa Semana Santa at tuloy pa rin ang paglilitis sa reklamo laban kay Chief Justice Renato Corona ng Korte Suprema.

NAPAPANAHON ang panawagang ito mula sa Sgt. At Arms ng Senado, retired General Jose Balajadia na laging nakikita ng mga mamamayang nakatutok sa telebisyon sa bawat araw ng impeachment trial mula noong ika-16 ng Enero hanggang sa kasalukuyan.

Madalas siyang makita at marinig ang kanyang tinig na nagsasabing "Please all rise" na ngayo'y ginawa ng "ring tone" sa mobile phones.

Sa panayam ng China Radio International, sinabi ni General Balajadia na magsasampung taon na siya sa Senado ng Pilipinas bilang Sgt. At Arms. Natutuwa umano siya sapagkat sa bawat araw ng impeachment ay may natututuhan siya sa pagtatangka ng Senadong mabatid ang katotohanan sa mga akusasyon laban sa Chief Justice ng Supreme Court Renato C. Corona.

Nakiusap ang Senate Sgt. At Arms na pakinggan muna ng taongbayan ang mga pahayag ng magkabilang panig at subaybayan din ang mga pananaw ng 23 mga senador. Ibabase umano ng mga senador ang kanilang desisyon sa mga impormasyong napag-usapan sa buong impeachment trial, dagdag pa ng retiradong general.

Inamin ni General Balajadia na pinaghandaan na nila ang mga scenario sa pagtatapos ng paglilitis tulad rin ng kanilang paghahanda noon sa naudlot na impeachment ni Ombudsman Merceditas Gutierrez, na nagbitiw na lamang at hindi na humarap sa impeachment trial.

Maganda umanong maging bahagi ng kasaysayan ng bansa sapagkat ngayon lamang nagkaroon ng impeachment laban sa naka-upong chief justice.

Retiradong major general ng Philippine Air Force si General Balajadia at matagal na naglingkod sa pamahalaan.

Nanawagan si General Balajadia sa madla, partikular sa mga Filipinong nasa ibang bansa na makinig, magbantay at sumubaybay sa mga nagaganap sa impeachment trial sa Senado sapagkat mahalaga ang nagaganap ngayong paglilitis sa ikabubuti ng bansa.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>