|
||||||||
|
||
SA diplomatikong paraan nais ng Pilipinas malutas ang insidenteng naganap sa Scarborough Shoal noong nakalipas na Linggo sa pagitan ng barko ng Hukbong Dagat ng Pilipinas at dalawang barkong mula sa Tsina. Ito ang sinabi ni Kalihim Albert F. del Rosario sa isang press briefing kanina kasama sina Vice Admiral Alexander P. Pama ng Hukbong Dagat ng Pilipinas at Admiral Edmund Tan ng Philippine Coast Guard.
Sinabi ni Kalihim del Rosario na nagpulong sila ni Chinese Ambassador to Manila Ma Keqing mga ika-11:30 ng umaga sa Kagawaran ng Ugyanang Panglabas. Ayon kay Ginoong del Rosario na inanyayahan niya si Ambassador Ma at naging maganda naman ang kanilang pag-uusap.
KALIHIM DEL ROSARIO HUMARAP SA MEDIA. Binanggit ni Kalihim Albert F. Del Rosario (pangalawa mula sa kaliwa) sa mga mamamahayag ang pakikipag-usap niya kay Chinese Ambassador to Manila Ma Keqing tungkol sa naganap sa Scarborough Shoal (Huangyan Island) mula noong Linggo ng umaga. Bagama't taliwas ang paninidigan ng magkabilang panig, umaasa ang Pilipinas at Tsina na malulutas ang 'di pagkakaunawaan sa diplomatikong paraan
Binanggit niya kay Ambassador Ma na ang Scarborough Shoal ay bahagi ng Pilipinas sapagkat ito'y 124 nautical miles mula sa Zambales at nasa loob ng 200-milyang Exclusive Economic Zone at kinakitaan ang mga mangingisdang Tsino ng paglabag sa batas sa pangingisda sa pangunguha ng endangered species. Ipinaliwanag din umano niya kay Ambassador Ma na naroon ang barko ng Hukbong Dagat ng Pilipinas upang ipatupad ang batas at sumunod naman sa rules of engagement, na kinabibilangan ng pagkilala at paggalang sa Karapatang Pangtao. Sa ilalim umano ng International Law, ipinaliwanag niyang sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea, mayroong karapatan ang Pilipinas sa Scarborough Shoal.
Idinagdag pa ni Kalihim del Rosario na kung hahamunin ang Pilipinas, handa umano ang bansang ipagtanggol ang seguridad at soberenya nito. Naglabas ng isang diplomatic protest ang Pilipinas sa pangyayari.
Sinabi naman ni Ambassador Ma na ang Tsina ang mayroong buong soberenya sa Scarborough Shoal. Nagkaroon umano ng impasse dahilan sa magkataliwas na posisyon ng dalawang bansa.
Sa panig ni Admiral Pama, sinabi niyang mga ika-anim at kalahati noong Linggo, isang eroplano ng Hukbong Dagat ng Pilipinas na nasa regular na pagpapatrolya, nakita umano ng mga piloting Pilipino ang walong banyagang mga sasakyang dagat sa may Panatag o Scarborough Shoal. Nagkataong ang Barko ng Republika ng Pilipinas Gregorio del Pilar ay patungo sa hilagang bahagi ng Luzon para sa contingency measures dala ng North Korean rocket launch, inatasan ang mga tauhan nitong alamin ang katotohanan ng impormasyon.
Kahapon ng madaling araw, nakarating ang barkong Gregorio del Pilar sa Panatag Shoal at nakita ang walong Chinese fishing vessels. Isang boarding team ang ipinadala upang sumakay sa mga barkong Tsino. Nakita ng mga tauhan ng Philippine Nacy sa kanilang Visit Board Search and Seizure sa unang barko ng Tsina at natagpuan ang iba;t ibang mga endangered species na maydalang mga batong dagat, malalaking kabibe at mga buhay na pating. Natapos ang inspeksyon ng mga barko ganap na ikalawa ng hapon.
IPINALILIWANAG NI PHILIPPINE NAVY FLAG-OFFICER-IN-COMMAND ALEXANDER PAMA ANG GINAWA NG MGA MAGDARAGAT NA PILIPINO. Sa kanyang pagharap sa media, sinabi niya na sumunod sila sa alituntunin at iginalang ang karapatang pangtao ng mga Tsinong magdaragat na kinakitaan ng mag pawikan, pating, malalaking kabibe at mga batuhang mula sa dagat.
Sinabi ni Admiral Pama na mga alas dos ng hapon, samantalang inihahanda ang usapin, nakita ang dalawang barkong Tsino na papalapit sa kanila. Sumakay din ang mga tauhan ng mga barkong Tsino sa mga bangkang pangisda at pinayuhan ang mga magdaragat na Pilipino na lumisan na sapagkat sakop ng teritoryo ng Tsina ang batuhang nabanggit. Sinabihan naman ng mga Pilipino ang mga Tsinong umalis na mula nasasakupan ng Pilipinas. Sa pangyayaring ito, walang umaalis na mga sasakyang-dagat sa Scarborough Shoal.
SA panig ng Embahada ng Tsina, kahapon nila natanggap ang balita tungkol sa 12 bangkang pangisdang mula sa Tsina na nasa Huangyan Island at nagkanlong dahil sa masamang panahon. Isang gunboat mula sa Philippine Navy ang humarang sa bukana ng lagoon at nagpadala ng labingdalawang kawal, anim ang may armas at nang-harass ng mga mangingisdang Tsino. Dalawang Chinese Marine Surveillance ships ang nasa lugar upang bantayan ang national maritime rights and interests ng Tsina.
Sa pagkakatanggap ng balita, kaagad nagkaroon ng pakikipag-usap sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas at binigyang-diin ang karapatan ng Tsina sa Huangyan Island. Nanawagan din ang mga Tsino sa Pilipinas na itigil ang illegal na gawain at lumisan kaagad.
Traditional fishing area umano ng mga Tsino na mayroong sapat na historical at jurisprudence backing ang kanilang mga pahayag. Ayon sa Embahada ng Tsina sa Maynila, nasa Kasaysayan ng Tsina ang pag-aari nito sa Huangyan Island at ito'y iginagalang ng international community.
Ang pagtatangka ng Pilipinas na magsagawa ng law enforcement activities sa karagatan sa paligid ng Huangyan Island ay panghihimasok sa soberenya ng Tsina at taliwas sa napagkasunduan ng magkabilang panig upang mapanatili ang kaayusan sa South China Sea at nang huwag ng lumala pa ang situasyon. Ligtas naman ang mga mangingisda tulad rin ng kanilang mga sasakyang-dagat.
Ayon sa pahayag ng Embahada, nakikipag-usap pa sila sa mga opisyal ng Pilipinas sa paghahanap na paraan upang malutas ang issue at ng magpatuloy ang magandang relasyon ng dalawang bansa at manatiling payapa ang South China Sea upang mapanatili ang interes ng magkabilang panig.
Sinabi ni Kalihim del Rosario na ipinatawag din si Alex Chua ng Philippine Embassy sa Beijing ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas tungkol sa insidente.
Ngayong gabing ito, ayon sa kalihim, ilulunsad ang pagdiriwang ng China – Philippines Years of Friendship sa Beijing na dadaluhan ng mga mambabatas mula sa Pilipinas at mga kaibigang mula sa Filipino-Chinese community.
$ 11 BILYON, KINITA SA INFORMATION TECHNOLOGY AT BUSINESS PROCESS INDUSTRY
HIGIT na lumago ang information technology at business process industry noong 2011 at kumita ng may $ 11 bilyon, mas mataaas ng may 24% kaysa noong 2010 at nagbigay ng hanapbuhay sa 638,000 mga manggagawa na mas mataas ng 22% sa taong 2010.
Ito ang ibinalita ng Business Processing Association of the Philippines.
Ayon kay Benedict Hernandez, pangulo ng BPAP, natamo ang target na binabanggit para sa 2016. Maganda umano ito para sa simula ng limang-taong target growth na 20% sa bawat taon na mas mataaas sa pandaigdigang taunang growth rates na 10 hanggang 15%.
Idinagdag pa ni Hernandez na ang contact center sector ay nagkaroon ng 416,000 kawani na nagbigay ng $ 7.4 bilyong halaga ng services sa daigdig.
May 24,700 manggagawa naman ang matatagpuan sa healthcare information management outsourcing. Umabot sa $ 277 milyong halaga ng HIMO services ang naibigay sa daigdig ng mga manggagawang mula sa Pilipinas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |