Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga beterano: Handa kaming bumalik sa serbisyo kung kakailanganin ng panahon

(GMT+08:00) 2012-04-11 10:31:10       CRI

BAGAMA'T natapos na ang ika-70 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan kahapon at narinig na ang talumpati ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, dalawang beteranong nakaligtas sa pagsubok ng buhay noong dekada kwarenta ang nagsabing hindi sila mangingiming makipaglaban sa mga mananakop sa Pilipinas.

ANG DALAWANG CENTENNIAL VETERANS NG PILIPINAS.  Maliwanag pa sa kanilang ala-ala ang hirap na idinulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa kanilang naglingkod bilang mga kawal ng United States Armed Forces in the Far East (USAFFE).  Si Dr. Jose Javier, 102 taong gulang at Engr. Fernando Javier, 104 taong gulang ay nagsabing lumahok sila sa sandatahang lakas sapagkat nasa panganib ang kalayaan ng bansa.

Ang magkapatid na Engineer Fernando Javier na ngayo'y 104 na taong gulang at ang kanyang nakababatang kapatid, si Dr. Jose Javier na 102 taong gulang ay kapwa nakaligtas sa hirap ng paglalakad mula sa Bataan patungo sa Capas, Tarlac sa makasaysayang pangyayaring kilala sa pangalang "Death March."

Sinabi ni Enginer Javier na nagtapos sa Pamantasan ng Pilipinas noong 1933, na nakasama siya sa Engineering Corps ng United States Armed Forces in the Far East at nagtayo ng mga matitirhan ng mga kawal na Americano at Pilipinong nagsasanay sa pook na noo'y kilala sa pangalang Camp Murphy (ngayo'y Kampo Aguinaldo). Taong 1933 ng siya'y maging kawani ng Bureau of Public Works at nakasama sa USAFFEE. Hindi niya umano inakalang sisiklab ang digmaan sa Dagat Pasipiko.

BAGAMA'T HIGIT NA SA ISANG DAANG TAONG GULANG, MALALAKAS PA SILA AT MALIWANAG ANG MGA ALA-ALA NG NAKALIPAS NA DIGMAAN.  Maraming Pilipino at mga Tsinong nasa Pilipinas ang nahirapan noong manalakay ang mga Hapones noong dekada kuwarenta.

Kakaiba naman ang pananaw ni Dr. Jose Javier na naniniwala siyang sisiklab ang digmaan sapagkat sa kanyang pagdalaw sa Davao noong mga huling taon ng dekada treinta, pawang mga Hapon ang nagpapatakbo ng kalakal sa Davao, partikular sa mga taniman ng abaca. Noon pa mang 1936 ay inakala na ng manggagamot na sasalakay ang mga Hapones.

Nang tanungin ang magkapatid na kung sakaling magkakaroon silang muli ng pagkakataong mabuhay, nakahanda ba silang maglingkod bilang mga kawal, sumagot ang magkapatid na handa silang maging mga kawal na muli basta't kalayaan ng Pilipinas ang nakataya. Nabanggit din nilang bukod mga Pilipinong naghirap sa pananakop ng mga Hapon, nadama at nasaksihan din nila ang paghihirap ng mga Tsinong nasa Pilipinas.

Minsan lamang sa bawat taon magkita ang magkapatid sapagkat sa Baguio City naninirahan si Engineer Javier at sa Lungsod ng Quezon naman naninirahan si Dr. Javier. Sampu silang magkakapatid at tanging sina Engr. Fernando at Dr. Jose na lamang ang nabubuhay.

KINAPANAYAM DIN SILA NG GMA TV TUNGKOL SA KANILANG KARANASAN.  Na sa larawan sina Dr. Jose Javier (nasa dulong kaliwa) at Engr. Fernando Javier (pangalawa mula sa kanan) sa isang souvenir picture kasama ang News Presenter na si Kara David at Melo Acuna (dulong kanan) ng CRI at CBCP Media.

Noong ipagdiwang ang ika-100 taon ng Pamantasan ng Pilipinas, naglakad pa sa seremonyas sa Diliman campus tangan ang sulo na simbolo ng karunungan si Engr. Fernando Javier. Noong nakalipas na taon, sa pagdiriwang ng Pamantasan ng Santo Tomas ng ika-400 taon ng pagkakatatag, pinarangalan naman si Dr. Jose Javier na noo'y 101 taong gulang na.

Ang lihim umano ng kanilang mahabang buhay ay ang pagkain ng maraming gulay, partikular ang mga lahok ng pinakbet at pagkain ng saluyot na kinagigiliwang pagkain ng mga Ilocano.

Ang nakikita ng magkapatid sa mga kabataan ngayon ay ang kakulangan ng katapatan, kahit na umano sa ilang mga nanunugkulan. Ginunita ng magkapatid ang mga katagang "Honesty is the best policy" na karaniwang nakikita sa mga paaralang bayan. Hindi na umano ito nakikita ngayon. Sinabi rin ng magkapatid na may mga magulang na hindi na nakapagtuturo sa mga supling ng kahalagahan ng pagdarasal.

Admiral Pama: Naghahanda para sa gagawin ng Hilagang Korea

INATASAN na ng Hukbong Dagat ng Pilipinas ang mga barko at tauhan nito na maglakbay patungo sa silangang bahagi ng Pilipinas mula pa noong nakalipas na Sabado. Ang kautusan ay may kinalan sa gagawing pagpapalipad ng satellite ng Hilagang Korea na maaaring maganap mula sa Huwebes hanggang sa Lunes ng susunod na linggo.

Ito ang ibinahagi ni Vice Admiral Alexander P. Pama, ang Flag-Officer-In-Command ng Hukbong Dagat ng Pilipinas sa kanyang pagharap kaninang umaga sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines.

Ayon kay Admiral Pama, ang pinaka-magandang magaganap umano sa pagpapailanlang ng Hilagang Korea ng satellite ay bumagsak ang ilang bahagi nito sa karagatan upang walang sinumang mapapasapanganib. Mayroon na umanong koordinasyon sa Philippine Coast Guard at Philippine Nacy at magpapadala sila ng mga barko bilang paghahanda sa mga mangangailangan sa karagatan.

Hindi naman binanggit ni Admiral Pama kung ilang barko ang inihahanda sa anumang trahedyang pinangangambahan ng Pilipinas sa pagpapalipat ng satellite ng Hilagang Korea ngayong linggong ito. Pinag-aaralan pa rin kung maglilipat ng mga barko mula sa Kabisayaan at Mindanao upang dalhin sa Luzon.

Niliwanag ni Admiral Pama na bagama't kulang pa sa lakas at kakayahan ang hukbong dagat, ginagawa nito ang makakaya sapagkat isang kapuluan ang bansang Pilipinas na mayroong 7,107 pulo at aabot sa 80% ng nasasakupan nito'y pawang karagatan. Ipinaliwanag pa niya na umaabot ang baybay-dagat ng Pilipinas sa habang 36,289 na kilometro na sing haba ng Australia at mas malaki pa sa coastline ng Estados Unidos.

Mayroong 62% ng mga bayan at lungsod sa Pilipinas ang nasa tabingdagat at higit sa kalahati ng mga barkong naglalayag sa daigdig ang dumaraan sa karagatan ng Malacca at Singapore. Kakaiba umano ang situwasyon sa kanlurang bahagi ng Pilipinas sapagkat nabalitang mayroon itong petrolyo at natural gas.

Binanggit din ni Admiral Pama na ang average age ng mga barko ng Pilipinas ay 41 taon samantalang ang kanilang transport facilities tulad ng mga LST (Landing Ship, Tank) ay may average age na 57 taong gulang. Sa pangkalahatan, ang average age ng mga barko ng Hukbong Dagat ay 38 taong gulang. Bagama't hindi niya binanggit ang bilang ng mga sasakyang dagat ng Philippine Navy, inamin ni Admiral Pama na 65% lamang ng mga ito ang nagagamit sa anumang oras.

Kabilang sa kanilang obligasyon ang pagbabantay sa mga sangkot sa oil exploration sa kanlurang bahagi ng Pilipinas, ayon sa kautusan ng Kagawaran ng Enerhiya.

Dalawampu't dalawang kawal, nasugatan sa landmine sa Basilan

ISANG landmine ang pinasabog ng mga Abu Sayyaf habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng 13th Scout Ranger Company sa Abong-Abong Peak, Barangay Mahatalang, Sumisip, Basilan alas otso kaninang umaga.

Ayon kay Col. Ricardo R. Visaya, commanding officer ng 104th Brigade sa Basilan, dalawampu't dalawang kawal ang nasugatan sa pagsabog. Dinala kaagad sa Sumisip ang mga sugatang kawal upang magamot.

Shrapnel wounds ang tinamo ng mga kawal at lima sa mga kawal ang kinailangang dalhin sa pagamutan. Isang UH-1H o Huey Helicopter ang ginamit sa paglilikas sa mga sugatang kawal. Noong nakalipas na Marso, labing limang mga Abu Sayyaf ang nasawi sa sagupaan matapos masakop ng mga kawal ang kanilang pinagkukutaan.

Isang pursuit operation ang isinasagawa ngayon ng mga tauhan ng Special Operations Task Force sa ilalim ni Col. Ramon C. Yogyog.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>