Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pangulong Aquino: maganda ang takbo ng ekonomiya

(GMT+08:00) 2012-07-23 19:17:33       CRI

Pangulong Aquino: maganda ang takbo ng ekonomiya

IPINAGMALAKI ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na naging maganda ang takbo ng ekonomiya sa Pilipinas mula ng manungkulan siya sa Malacanang. Binanggit niya ang 6.4% growth ng Gross Domestic Product na pumangalawa lamang sa Tsina. Magandang balita rin ang naganap na upgrade ng iba't ibang rating agencies.

Subalit binanggit niyang hindi siya papayag na angkinin ng ibang bansa ang bahagi ng Pilipinas tulad ng Bajo de Masinloc o Huangyan Island. Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address, sinabi ni Pangulong Aquino na may inilaan nang salapi para sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas at may mga darating ng eroplano, helicopters at barko.

Binanggit din ni Pangulong Aquino na patuloy ang konsultasyon ng Pilipinas sa mga kaalyado upang makatagpo ng paraan upang matapos ang sigalot o 'di pagkakaunawaan.

Sa talumpating tumagal ng isang oras at 28 minuto at umani ng higit sa isang daang palakpak, binanggit din niya ang pagpapasigla sa industriya ng turismo sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga paliparan. Malaki umano ang posibilidad na mahigitan ang target apat na milyong turista ang darating sa bansa bago matapos ang taon. Magkakaroon ng mga bagong paliparan sa Panglao Island sa Bohol, Legazpi Airport sa Daraga, Albay at sa Laguindingan, Misamis Oriental. Kasabay ito ng pagsasaayos ng Mactan International Airport, Puerto Princesa Airport kasabay na rin ng pagsasaayos ng Tacloban Domestic Airport.

Target ng pamahalaan na magkaroon ng 10 milyong mga turistang dadalaw sa Pilipinas sa taong 2016.

Ipinagmalaki niya ang naging performance ng pamahalaan sa paghahabla kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona noong nakalipas na buwan ng Mayo.

Nagpahiwatig din si Pangulong Aquino na isusulong na ang pagpapasa ng Reproductive Health bill sa pagsisimula ng sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Mayroon umanong liwanag na nakikita sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front at pamahalaan. Wala namang binanggit kung umuusad na ang pakikipag-usap sa National Democratic Front of the Philippines/News People's Army at Communist Party of the Philippines.

Idinagdag ni Pangulong Aquino na nagkaroon na ng trabaho ang may 3.1 milyong mga Pilipino sa ilalim ng kanyang administrasyon. Binanggit niya ang pagkakaroon ng $ 11 bilyon mula sa 638,000 mga kawani sa Business Process Outsourcing.

Sa larangan ng Pagsasaka, sinabi ni Pangulong Aquino na kung hindi magkakaroon ng anumang trahedya, posibleng makapagbili ang Pilipinas ng bigas sa ibang bansa sa susunod na taon.

Niliwanag niya na kailangan ang pagsusog sa mga batas tungkol sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, Anti-Money Laundering Act. Tuloy ang paghahanap ng kapalit ng pinatalsik na Chief Justice Renato Corona. Pag-iibayuhin din ang mga pamamaraan sa disaster risk reduction and management.

Pinasalamatan niya ang narses at midwives na tumutulong sa paghahatid ng health services sa mga kanayunan at iba pang nag-aalay ng panahon at talino sa paglilingkod-bayan.

Binanggit din niya ang kontribusyon ng kanyang mga kasama sa gabinete na umalis sa pribadong sektor at naglingkod sa pamahalaan.

Agenda ng Senado, ipinaliwanag

SINABI ni Senate President Juan Ponce Enrile na gagawin ng Senado ang kailangan upang makatawag-pansin ng mga mangangalakal na magnegosyo sa Pilipinas. Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Ikatlong Regular Session ng Ika-15 Kongreso ng Pilipinas, niliwanag niya na hindi sila magpapasa ng batas na ipaghihirap ng ekonomiya ng bansa. Baka umano lubhang lumago ang mga kumpanya at maging mga conglomerates na higit na makapipinsala sa Pilipinas, dagdag pa ng Pangulo ng Senado.

Marapat na gabayan ang kalakal sapagkat hindi uunlad ang manggagawa kung tanging nasa mga kapitalista lamang ang salapi at patuloy na magdarahop ang mga kawani. Sa pagkakataong ito, gagawing prayoridad ang Senate Bill 3098 na magbabawal sa pagbuo ng anti-competitive mergers at anti-competitive conduct. Ang presyo ay nararapat idikta ng pamilihan at hindi ng anumang kontrol ng mga korporasyon sa produksyon ng mga paninda.

Nararapat ding bigyan ng pabuya ang mga dalubhasa sa larangan ng kalakal at matiyak na matatamo niya ang bunga ng kanyang pagpupunyagi. Ipapasa na rin ang Senate Bill 3071 na magpapalakas sa mga disenyo ng mga Pilipino sa pamamagitan ng Product Development and Design Center of the Philippines.

Mag mga panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga nagpapa-abot ng walang basehang reklamo sa sinumang kawani ng pamahalaan sa paglilitis sa usaping perjury. Magkakaroon din ng papel ang civil society organizations sa pagbuo ng pambansang budget. Pag-uutusan din ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na lumagda sa isang pahintulot na buksan ang kanilang deposito sa bangko ng Ombudsman. Higit na palalakasin ang political party system at sususugan ang Anti-Money Laundering Act.

Prayoridad ng Kongreso ang investments at job generation

NANAWAGAN si Speaker Feliciano Q. Belmonte, Jr. sa kanyang mga kasama na makipagtulungan upang maipasa ang mga prayoridad ng Kongreso tulad ng investments a tjob generation, good governance, mas makabuluhang kapayapaan at seguridad at pagtugon sa mga suliranin ng kanayunan at mga lungsod.

Dapat pagsikapan ng mga mambabatas sa ikatlo ay huling sesyon ng Kongreso sapagkat marami pang nararapat gawin upang paglingkuran ang mga mamamayan, dagdag pa ni Speaker Belmonte.

Pinasalamatan niya ang mga mambabatas noong ikalawang regular na sesyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nakatulong sa pagpapasa ng mahahalagang batas.

Upang pumasok ang mga banyagang mangangalakal at magkaroon ng hanapbuhay ang mas maraming Pilipino, dapat pagtulungan ng mga mambabatas na makarating ang sapat na pondo para sa infrastructure.

Ipapasa ang panukalang budget para sa 2013 upang matustusan ang mga pagawaing-bayan at magkakaroon ng amendment sa Built-Operate-Transfer Law upang higit na makapasok ang mga mula sa pribadong sektor.

Layunin din magkaroon ng National Land use and Management Act at ang pagkakaroon ng Land Administration Reform Act upang matiyak ang maayos at angkop na paggamit ng lupain.

Magpapasa rin sila ng batas upang mapalakas ang K + 12 program, dagdag pa ni Speaker Belmonte. Pagbobotohan na rin ang Reproductive Health bill, sabi pa ng Speaker ng Mababang Kapulungan.

Paghahanda para sa pagdalaw ng imahen ni Beato Pedro Calungsod, isinasaayos na

NAGHAHANDA na ang Arkediyosesis ng Palo sa napipintong pagdalaw ng imahen ni Beato Pedro Calungsod sa Lalawigan ng Leyte sa huling linggo ng Nobyembre. Sa panayam ng CBCPOnline Radio, sinabi ni Arsobispo John Du na marapat lamang parangalan at kilalanin ang pananampalataya ni Beato Pedro Calungsod na hindi man lamang nagbago kahit pa nasa panganib.

Sinabi ng arsobispo na isang modelo ng mga Katoliko si Beato Pedro Calungsod sapagkat bukod sa katapatan, nakita ang kanyang kahandaang mag-alay ng sarili sa pagtatanggol sa kanyang kasamang si Padre Diego Sanvitores noong 1672 sa Guam.

Samantala, sinabi naman ni Arsobispo Paciano B. Aniceto na handa ang Arkediyosesis ng San Fernando, Pampanga sa pagsasagawa ng welcome at send-off Masses sa mga San Fernando, Pampanga at maging sa Angeles City.

Idinagdag ng arsobispo na isang magandang pagkakataon ito upang higit na sumigla ang pananampalataya ng mga taga-Pampaga sa pagdalaw ng imahen ni Beato Pedro Calungsod sa huling linggo ng Oktubre.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>