Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga ahensya ng pamahalaan, tumutulong na sa mga nasalanta ni "Gener"

(GMT+08:00) 2012-08-01 19:06:36       CRI

MAGKAKASAMA na ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development at mga pamahalaang lokal upang tulungan ang mga nasalanta ng bagyong "Gener" sa Ilocos, Cagayan, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Central Mindanao, Cordillera Autonomous Region at National Capital Region.

Ayon kay Kalihim Corazon Juliano Soliman, tuloy na ang pagbibigay ng relief assistance sa mga pamilyang nasalanta at mga pansamantalang naninirahan sa mga evacuation center at maging sa kanilang mga kamag-anak.

Sinabi naman ni (Defense) Undersecretary Benito Ramos ng Office of Civil Defense, 12 katao na ang nasasawi, isa ang nawawala, lima ang nasugatan samantalang 129 ang nailigtas sa kapahamakan.

Kaninang ika-anim ng umaga, umabot na sa 61,335 pamilya na binubuo ng 295,388 katao mula sa 449 na barangay sa 15 lungsod, 82 bayan at dalawampu't isang mga lalawigan ang apektado ng pinakahuling panahon.

May 27 evacuation centers para sa 907 pamilya o 3,798 katao. May tatlo sa Metro Manila, dalawa sa Benguet, isa sa Pangasinan, apat sa Bulacan, tatlo sa Cavite, tatlo sa Batangas, dalawa sa Rizal, isa sa Laguna, dalawa sa Occidental Mindoro at anim sa Negros Occidental.

May 30,828 pamilya o 148,452 katao ang tinutulungan samantalang naninirahan sa mga kamag-anak.

Tatlong daa't pitumpu't limang tahanan ang tuluyang nawasak ni "Gener" samantalang 2,004 ang itinuturing na partially destroyed.

Higit na sa dalawang milyo't kalahati ang nagastos ng DSWD, local government units at non-government organizations.

May nakahandang P 43.82 milyon na binubuo ng P 4.77 milyon bilang standby funds, P 39 na milyon para sa relief goods na ipamamahagi sa mga pamahalaang lokal na apektado ng bagyong "Gener."

ILO, UNICEF AT WHO, PINURI ANG PILIPINAS SA PAGSUSULONG NG BREASTFEEDING

ITINAON ng International Labour Organization, UNICEF at World Health Organization sa Global Breastfeeding Week ang pagbati sa Pilipinas sa pagtaas ng bilang ng mga nagpapasuspo sa bansa. Ayon sa Food and Nutrition Research Institute, isang ahensya ng Department of Science and Technology, tumaas ang exclusive breastfeeding rates mula sa 36% noong 2008 at narating ang 47% noong 2011. Tumaas din ang bilang ng mga inang nagpasuso ng kanilang sanggol isang oras matapos makapanganak mula 32% noong 2008 at umabot sa 52% noong 2011.

Ito ay sa kabila ng taliwas na datos na natanggap tulad ng nagmula sa Family Health Survey noong 2011 na nagsabing ang exclusive breastfeeding rates ay nakapako sa mababang 27%.

Sinabi naman ni Dr. Soe Nyunt-U ng UNICEF na ang pagpapasuso ay makapagliligtas ng buhay ng mga ina't kanilang sanggol. Ito umano ang isa sa pinakamahalagang programa sa pagbabawas ng child mortality at magpahusay ng buhay ng ina. Sa pagtaas ng bilang ng nagpapasuso sa kanilang mga sanggol, mas madaling matamo angh Millennium Development Goals hinggil sa kalusugan ng mga bata. Idinagdag pa niya na mas makabubuting ituloy at palakasin ang pangangampanya upang maipagtanggol, ang kahalagahan ng breastfeeding sa karamihan ng mga ina.

Isa sa mga hamon sa mga ina ay kung paano mapapasuso ang mga sanggol sa oras na bumalik sila sa kanilang hanapbuhay. Maraming kababaihan ang maaaring mawalan ng trabaho sa kanilang panganganak. Ito ang napuna ni Director Lawrence Jeff Johnson ng ILO sa Pilipinas.

Pinakikiusapan na ng ILO ang mga employer na suportahan na rin ang karapatang makapagpasuso ng kanilang sanggol ang kawaning kapapagsilang pa lamang.

PAGPANAW NI PANGULONG CORAZON AQUINO, GINUGUNITA NGAYON

MAGKAKAROON ng Misang iaalay para sa gunita at kaluluwa ni Pangulong Corazon Cojuangco Aquino na namayapa sa karamdamang colon cancer noong unang araw ng Agosto, 2009.

Si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at ang kanyang mga kapatid ay nakatakdang dumalo sa Misa sa EdSA Shrine sa ganap na ika-lima't kalahati ng hapon. Si Antipolo Bishop Gabriel Reyes ang mamumuno sa pagdiriwang.

Sa Lungsod ng Maynila, pinamunuan ni Mayor Alfredo Lim ang pagpaparangal sa namayapang dating pangulo ng bansa. Nag-alay sila ng mga bulaklak sa paanan ng mga bantayog nina Pangulong Aquino at kanyang esposo, dating Senador Benigno S. Aquino sa panulukan ng Bonifacio Drive at Padre Burgos sa may Liwasan ni Rizal.

Ang isang tapat, malinis at magandang pamamalakad ng pamahalaan ang naiwang ala-ala ng yumaong dating pangulo ng bansa. Ang magagandang halimbawang ito ang nararapat pamarisan ng mga namumuno ngayon.

Kabilang sa mga dumalo sina dating Senador Agapito "Butz" Aquino at Defense Secretary Voltaire Gazmin.

MISYONERONG BIKOLANO, NALUNOD SA SOLOMON ISLANDS

PUMANAW dahilan sa pagkalunod ang tatlumpung taong gulang na si Ryan Turallo, isang laykong misyonerong naglilingkod bilang Student Affairs Coordinator sa St. John Bosco Senior Technical School sa Nila, bahagi ng Diyosesis ng Gizo.

Kahapon ng umaga, tinangay ng alon ang mga labi ni Ryan sa baybay-dagat ng Aleang, sa Shortland Group ng Solomon Islands.

Ayon kay Fr. Louie Occiano ng Arkediyosesis ng Caceres, may kalungkutang lumiham si Bishop Luciano Capelli, isang SDB missionary, sa mga kamag-anak ni Ryan sa Lungsod ng Iriga sa Camarines Sur upang ibalita ang pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay.

Sampung magkakasama sa isang bangkang pag-aari ng Diyosesis ng Gizo sina Ryan at Fr. Edmund Siguenza, na nagmula rin sa Caceres. Dalawang iba pa ang nasawi at isa ang nawawala. Nailigtas si Fr. Siguenza matapos ang dalawang araw at ngayo'y nagpapagaling sa isang pagamutan.

Dalawang kalalakihan ang nagtangkang lumangoy patungo sa baybay-dagat subalit iisa lamang ang nagtagumpay. Naglunsad ng search and rescue operations and Solomon Islands emergency unit at tumulong din ang Australian Maritime Safety na nagpadala ng isang eroplanong gumalugad sa karagatan.

Naghintay ang grupo nina Ryan ng isang linggo upang bumuti ang panahon at naglayag noong nakalipas na Sabado, ika-29 ng Hulyo.

Lumiham na rin si Bishop Capelli sa mga kaibigan at mahal sa buhay ni Ryan sa Camarines Sur, sa Papua New Guinea at maging sa Solomon Islands. Anang obispo, malaking kawalan sa kanila ang pagpanaw ni Ryan na nag-alay ng buhay bilang isang volunteer missionary.

Nanawagan si Bishop Capelli sa mga kabataan ng Solomon Islands na gawing magandang halimbawa ang ginawa ni Ryan sa pagmimisyon.

Wala pang ibang detalyes ang nababatid hanggang sa sinusulat ang balitang ito.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>