Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Bagyong "helen" humina; dalawa katao, nasawi

(GMT+08:00) 2012-08-15 18:24:11       CRI

MAKULIMLIM PA RIN ANG PAPAWIRIN SA METRO MANILA.  Ito ang larawang kuha sa Padre Jacinto Zamora Bridge sa pagitan ng Sta. Mesa at Pandacan sa Maynila kaninang magiika-sampu ng umaga.  Makapal pa rin ang ulap mula sa kanlurang bahagi ng bansa, dala ng panahong habagat na lumakas na muli sa pagdaan ng bagyong Helen sa hilagang silangan ng Maynila.

HUMINA ang bagyong "Helen" samantalang kumikilos ito patungong Aparri, Cagayan. Ito ang nabatid mula sa PAGASA.

Nakataas pa hanggang kaninang hapon ang Public Storm Signal No. 2, na nangangahulugang may hanging mula 61 hanggang 100 kilometro bawat oras ang hanging dala nito sa Cagayan, Calayan Group of Islands, Babuyan Group of Islands, Isabela, hilagang Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Benguet, Ifugao, Mt. Province, Ilocos Sur, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, Abra at maging Batanes Group of Islands.

Sa panayam kay Undersecretary Benito Ramos, administrador ng Office of Civil Defense, sinabi niya na dalawa ang nasawi, isang lalaking nalunod samantalang naglalangoy sa Ilocos Norte at isang may karamdamang nahulog sa baha at nalunod sa Pangasinan.

Ilan sa mga lansangan ang binaha at nagbabala ang pamahalaan na maaaring magbahang muli sa Metro Manila.

Nakataas ang Public Storm Signal No. 1 sa Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, La Union at ilan pang bahagi ng Aurora. Nangangahulugan ito ng hanging mula 45 hanggang 60 kilometro bawat oras at may pagbugsong aabot sa 90 kilometro bawat oras.

Makakalabas ang bagyo sa nasasakupan ng Pilipinas bukas ng umaga, ayon pa sa pagtataya ng PAGASA.

INFORMATION TECHNOLOGY/BUSINESS PROCESS OUTSOURCING MALUWAG SA MGA KAWANI NOONG NAKALIPAS NA LINGGO

HINILING ng Business Processing Association of the Philippines sa mga kasaping kumpanya ng call centers na tiyakin ang kaligtasan ng mga kawani at huwag nang payagang magtangkang maglakbay sa kataasan ng baha at kalakasan ng ulan.

Ayon kay Benedict Hernandez, pangulo ng BPAP at Chief Executive Officer, prayoridad nila ang kaligtasan ng mga kawani, kanilang mga pamilya at mga komunidad na kanilang kinalalagyan.

Mayroon umanong mga palatuntunang titiyak ng paglilingkod sa mga kawani tulad ng pagkakaroon ng ligtas na shuttle transportation sa kanilang mga manggagawa. Nasabihan din ang kawani tungkol sa kanilang mga sasakyan at naging dahilan na matiyak ang kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng SMS, email, online portals na sumusuporta sa mga hotlines at social networks ng mga sasakyan.

Inalerto rin nila ang nasa pribadong sektor at rescue organizations ng pamahalaan upang tugunan ang anumang emergency na magmumula sa mga kawani sa oras na mangailangan ang mga manggagawa.

PITONG MANGGAGAWANG PINOY, NAPAUWI NA SA BANSA

NAKAUWI na rin ang pitong manggagawang Pilipino sa Pilipinas sa pamamagitan ni Ambassador Leah Basinang-Ruiz.

Ayon kay Labor Attache Irma Valiente at Assistance to Nationals officer Edwin Batallones, napauwi na nila ang mga manggagawa sa Rafic Hariri International Airport at dumating sa Ninoy Aquino International Airport kahapon.

Apat sa pito ay mga alaga ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Resource Center samantalang ang dalawa ay detenido sa General Security Center at isa naman ang nagmula sa Caritas Lebanon Migrant Center.

Karamihan sa mga manggagawa ang nakarating sa Syria kahit mayroong ban sa kanila. Umalis sila sa kanilang mga amo dahilan sa pagmamaltrato at hindi mabayarang sahod, sobrang gawain. Kabilang din sa reklamo ang puersahang extension ng kanilang mga kontrata.

Nagmula ang pamasahe ng anim na manggagawa mula sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas samantalang isa sa kanila ang nagkusang gumastos makauwi lamang ng bansa.

Bago sila sumakay ng eroplano, sinabihan sila ni Ambassador Ruiz na kilalanin ang deployment ban sa Lebanon.

OBISPO AT MGA PARI NG BASILAN, NANAWAGAN SA PAMAHALAAN

PIGILIN NIYNYO ANG MASASAMANG-LOOB.  Ito ang buod ng panawagan ni Bishop Martin S. Jumoad ng Prelatura ng Isabela sa Lalawigan ng Basilan.  Naglabas sila ng isang pastoral statement kagabi dahilan sa serye ng madudugong insidente sa nakalipas na ilang linggo

NANAWAGAN si Bishop Martin Jumoad at kanyang mga kasamang pari mula sa Prelatura ng Isabela sa pamahalaan na kumilos upang matapos na ang kaguluhan sa kanilang pook.

Sa isang pastoral statement na ipinadala sa CBCP Media Office, sinabi ng mga pari ng Basilan na nagpapasalamat sila at mayroong mga kawal at pulis na nangangalaga sa kanilang nasasakupan. Subalit mayroong serye ng nakababahalang insidente sa nakalipas na ilang araw na nangangailangan ng ibayong atensyon.

Binanggit nina Bishop Jumoad ang pagpapasabog sa Twin's Restaurant sa Isabela City noong Lunes, ang pagkamatay ni PO2 Arnel Galano sa Barangay Sta. Cruz, Isabela City noong Lunes din, ang pagpaslang sa isang teenager sa Barangay Cabunbata sa Isabela City noong nakalipas na araw ng Linggo.

Mayroon din umanong mga riding-in-tandem na may kinalaman sa pagpatay sa isang teenager sa Lamitan City noong ika-5 ng Agosto at ang pagsabog ng mga granada sa Isabela City noong Agosto 2, 2012 at sa tahanan ng mga Castillo nong ika-20 ng Hulyo.

Naunang kinondena ng mga alagad ng simbahan ang pananalakay sa mga manggagawa ng isang rubber plantation sa Tumahubong sa Sumisip noong ika-11 ng Hulyo, 2012.

Nanawagan ang mga pari sa pamahalaan na pag-ibayuhin ang kanilang pagbabantay upang maiwasan ang higit na kaguluhan at mapigil ang pagkamatay ng mga walang kamalay-malay na mga mamamayan.

 

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>