|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Mga kumare't kumpare, nabalitaan na ba inyo ang Rehiyong Awtonomo ng Xinjiang? Kung mahilig po kayong kumain ng ubas, matamis na pakwan, melon, dates, at malinamnam na barbekyung kebab, ito napo ang lugar para sa inyo.
Sa ating episode ngayong linggo, at sa pamamagitan ng idolo natin na si Lakay Ramon, bibigyan po namin kayo ng guided tour sa Xinjiang.
Ang probinsyang Xinjiang ay matatagpuan sa Hilagang Kanluran ng Tsina at ang kabisera nito ay Urumqi. Ang rehiyong ito ay bulubundukin at maraming disyerto, at ito ang pinakamalaking rehiyong administratibo ng Tsina. Dito makikita ang Gobi Desert at Takla Makan Desert, pinakamalaking disyerto ng bansa.
Ang hitsura ng mga tao rito ay hindi mukhang tipikal na Tsino, sa halip mukha silang mga taga-Gitnang Silangan o taga-Europa, dahil ang karamihan sa kanila ay nangggaling sa lahing Turko.
Ang Xinjiang ay tahanan ng 47 ibat-ibang minoryang lahi ng Tsina. Pero, ang karamihan sa mga tao rito ay lahing Uygur. Ang mga Uygur ay may sariling kultura, pagkain, wika, pananamit, at sumasampalataya sa relihiyong Islam.
Ang kanilang barbekyung tupa ay kilalang-kilala sa buong bansa dahil sa taglay nitong linamnam. Ang kanilang ubas ay talaga namang napakatamis, gayundin ang kanilang pakwan, melon, dates, prunes, at ibat-iba pa. Dahil sa mabuhanging lupa at klima ng Xinjiang, nakakapagprodyus sila ng primera klaseng mga prutas.
Tulad din nating mga Pinoy, ang mga Uygur ay magaling sa pag-awit at pagsasayaw. Ang kanilang "Sainaimu" ay isa sa mga pinakakilalang sayaw, at ang '12 Mukamu' naman ay tanyag bilang 'kayamanan ng Silangang musika.'
Ang Xinjiang ay may kakaibang landscape: hinahati ng kabundukan ng Tianshan ang probinsya sa dalawang magkaibang bahagi. Ang hilagang bahagi ay mga bundok at damuhan, katulad ng Kanas Nature Reserve at Narat Grassland, samantalang ang Timog na bahagi ay disyerto, na gaya ng Gobi at Takla Makan Desert.
Ang ibig sabihin, ang Hilaga ay pasture-based na kultura, at naririto ang mga magaganda at matitikas na kabayo, at mga magagaling na mang-aawit. Sa gawing Timog naman ay agrikultural na lipunan at naririto ang mga magagaling na mananayaw.
Ang Urumqi ay matatagpuan sa Hilagang bahagi ng probinsya. Taglay nito ang mga naggagandahang tanawin na tulad ng Red Hill at Southern Pasture. Naririto rin ang mga relikyang kultural na gaya ng Tartar Mosque at Qinghai Mosque. Ang Urumqi ay isa ring importanteng lunsod na matatagpuan sa Silk Road, isang makasaysayang internasyonal na daang pangkalakalan Tsina at mga bansa sa Mediterranean.
Narito po ang aming programa, kasama si Lakay Ramon hinggil sa Rehiyong Awtonomo ng Xinjiang. Sana'y maibigan ninyo.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |