Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Payapang Registration Period inaasahan

(GMT+08:00) 2012-10-04 16:57:48       CRI

Payapang Registration Period inaasahan

MAY pagtutulungan ang pulisya at sandatahang lakas sa buong bansa upang matiyak na magiging payapa ang limang araw na registration period para sa lahat ng mga kakandidato sa darating na halalan sa Mayo 2013.

Ito ang sinabi ni Col. Arnulfo Marcelino Burgos, ang hepe ng Public Affairs Office ng Armed Forces of the Philippines sa panayam ng CBCP Online Radio ngayon. Sinabi ni Col. Burgos na isinaayos na nila ang mga palatuntunang pangseguridad bago pa man sumapit ang unang araw ng pagpapatala noong Lunes, unang araw ng Oktubre. Tatagal ang pagpapatala hanggang bukas ayon sa itinadhana ng Commission on Elections.

Mayroon umanong Joint Security Coordination Council ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines. Nagtutulungan ang dalawang malalaking organisasyon upang matiyak na payapa ang buong kapuluan.

Karaniwang may kaguluhang nagaganap sa paglapit ng araw ng halalan. Napaghandaan na ng magkabilang organisasyon ang limang araw na pagpapatala, dagdag pa ni Col. Burgos.

Ilang bahagi ng Cybercrime Law, niliwanag

IPINALIWANAG ni Senador Edgardo J. Angara, ang isa sa may akda ng Cybercrime Law na hindi maaaring kasuhan ang sinuman na sumang-ayon (nag-like) at nagbabahagi (nag-share) ng anumang maituturing na impormasyong labag sa batas. Mangyayari lamang ito kung ang isang taong sumangayon at nagbahagi ng masamang impormasyon ay hindi kasama o nakipagsabwatan sa may kagagawan ng maling pahayag.

Sa isang media briefing, sinabi ng mambabatas na kasama niya sa paggawa ng batas si Senate President Juan Ponce Enrile, Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada, Loren Legarda, Sonny Trillanes at Miriam Santiago.

Ang isang netizen ay maaari lamang papanagutin kung bukod sa pagsangayon at pagpapasa nito ay tumulong pa o nakasama ng may kagagawan ng libelous statement.

Niliwanag pa ng mambabatas na tanggap niya ang panukalang pag-aalis ng criminal liability sa kasong libelo, hindi lamang sa cybercrime law kungdi sa batas mismong para sa libelo.

Idinagdag pa ng mambabatas na mayroong separability clause sa batas na nangangahulugang kung sasabihin ng hukuman na masama ang isang bahagi nito, hindi nangangahulugan na ibabasura na lamang ang batas kungdi aalisin lamang ang partikular na bahagi nito.

Maglalakbay ang imahen ni San Pedro Calunsod

PINAGHAHANDAAN na ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas ang paglalakbay ng imahen ni San Pedro Calunsod mula sa Roma sa ika-25 ng Oktubre. Sakay ng Cathay Pacific Flight CX 919, inaasahang makararating sa Ninoy Aquino International Airport sa ganap na ika-lima ng hapon.

Ito ang nabatid sa pagpupulong na pinangasiwaan ni Paranaque Bishop Jesse Mercado at Ginang Henrietta De Villa, ang dating Ambassador ng Pilipinas sa Vatican kaninang umaga.

Pinaghahandaan ang mainit na pagsalubong at magkakaroon ng maiksing palatuntunan sa kapilya ng paliparang pandaigdig. Mula sa paliparan ay dadalhin ang imahen sa Pamantasan ng Santos Tomas para sa isang gabi ng pagdarasal. Kinabukasan, dadalhin ang imahen sa iba't ibang diyosesis ng Maynila, kabilang na ang Pasig, Cubao, Novaliches at Paranaque. Dadalhin din ang imahen ng ikalawang santo ng Pilipinas sa Military Ordinariate sa hapon ng Miyerkoles, ika-31 ng Oktubre at mananatili sa mga kampo ng militar at pulisya hanggang sa ikalawang araw ng Nobyembre.

Dadalhin din ang imahen sa Vigan, Ilocos Sur, sa Lingayen-Dagupan sa Pangasinan, sa San Fernando, Pampanga, sa Malolos, Bulacan at sa Kalookan. Kasama rin sa dadalawin ng imahen ang Imus, Cavite, Lipa sa Batangas, Lucena sa Quezon, Sta. Elena sa Daet, Caceres sa Naga City, Legazpi City sa Albay hanggang sa makarating na sa Catarman.

Magkakakaroon din ng pagdalaw sa Palo, Leyte hanggang sa makarating sa Panay at Negros Island, Mindanao at sa Lungsod ng Cebu na pagdarausan ng National Thanksgiving Day sa darating na ika-tatlumpu ng Nobyembre.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>