Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at MILF, makakabuti sa bansa

(GMT+08:00) 2012-10-08 18:54:23       CRI

SINABI ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na kapuri-puri ang joint framework agreement sa pagitan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front at maihahambing sa isang ginintuang pagkakataon na matamo ang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.

Ang joint agreement ang siyang magwawakas sa deka-dekadang sagupaan sa pagitan ng pamahalaan at mga kabilang sa MILF sa katimugang bahagi ng Pilipinas.

Idinagdag ni Pangalawang Pangulong Binay na sa pagkakaroon ng ganitong framework na ayon sa itinatadhana ng Saligang Batas ng Pilipinas, makaaasa ang marami na ang kaguluhang naka-apekto sa libu-libong mga Filipino, mga Kristiyano at mga Muslim, ay magwawakas na.

Idinagdag pa ni Ginoong Binay na ang kasunduan ang siyang kumikilala sa paghihimagsik ng mga Muslim upang matamo ang paggalang at pagkilala kaya't ipinarating ng pamahalaan ang pagkakataon upang makasama sa pagsasaayos ng bansa.

Umaasa rin ang pangalawang pangulo na sa pagkakaroon ng kasunduan, ang kapayapaan at kaunlaran sa larangan ng ekonomiya at makakarating na sa Mindanao. Matagal na hindi umunlad at guminhawa ang mga taga-Mindanao dahilan sa kawalan ng kapayapaan.

Sa pinaka-huling roadmap, marami na umanong mga probisyon ang inalis upang maiwasan ang kontrobersya.

Sa talumpati kahapon ni Pangulong Aquino sa pagbuo ng bagong political entity na kikilalaning Bangsamoro, makakasama ang anim na bayan ng Lanao del Norte, ilang barangau sa anim na bayan ng North Cotabato at Lungsod ng Isabela sa Basilan.

Ang kasunduan ay natamo matapos ang 32 pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at the MILF sa loob ng siyam na taon.

Ayon kay Pangalawang Pangulong Binay, ang gobernador ng Bangsamoro ay hindi na ihahalal ng taongbayan bagkos ay ihahalal ng isang kalipunan ng mga mamamayan.

Sa panig ng Estados Unidos, sinabi ni US Ambassador Harry K. Thomas, Jr. na kanilang ipinagpapasalamat ang pahayag ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front na natapos na nila ang framework peace agreement.

Samantalang marami pang nararapat gawin, sinabi ni Ambassador Thomas na higit na gaganda ang seguridad, higit na magiging matatag at tiyak na uunlad ang mga mamamayan sa Mindanao.

Sinusuportahan ng Estados Unidos ang kapayapaan at katatagan ng Mindanao at patuloy na maghahanap ng daan tungo sa kaunlaran.

Ipinagpasalamat ng Estados Unidos ang mga nakatakdang gawin ng magkabilang-panig. Kapuri-puri din ang tigil-putukang naideklara noon pa mang 2009.

Sa panig ng United Kingdom, ang framework agreement na ibinunyag ng pamahalaan kahapon ay naglalaman ng potensyal na maghahatid ng kapayapaan, katatagan at kaunlaran para sa mga Muslim sa Mindanao.

Ito ang pahayag ni United Kingdom Foreign Secretary William Hague. Sa kanyang pahayag na inilabas sa London, sinabi ni Ginoong Hague, na tanggap ng United Kingdom ang framework agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front. Ito ay isang pagpapatotoo sa pangako at pananaw ng magkabilang panig. May potensyal itong pumigil sa matagalang mga sagupaan.

Nakita nila bilang mga kasapi ng International Contact Group ang uri ng liderato ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at ng government panel at liderato ng Moro Islamic Liberation Front.

Pinuri din ng United Kingdom si Ginoong Tengku Dato Abdul Ghafar, ang facilitator. Inulit ng British Embassy sa Maynila ang kanilang kahandaan makatulong sa mga interesadong mamamayan.

Isang malaking hakbang tungo sa kapayapaan at kaunlaran ang pagkakaroon ng ganitong kasunduan.

PAG-UNLAD SA SILANGANG ASIA AT PACIFIC BABAGAL

ANG kaunlaran sa Silangang Asia at Pacific ay maaaring bumagal ng may isang porsiyento mula sa 8.2 % noong 2011 at mararating ang 7.2% ngayong taong ito bago makabawi sa 7.6% sa taong 2013.

Ito ang pagtataya ng World Bank sa kanilang East Asia and Pacific Economic Data Monitor na inilabas ngayon. Ang kaunlaran sa mga mauunlad na bansa ay mananatiling katamtaman. Ang pagbawi ng rehiyon ay magmumula sa malakas na domestic demand mula sa mga umuunlad na bansa.

Ayon sa pagsusuri, ang mahinang exports ng Tsina at mas mababang investment growth ang magbabawas sa Gross Domestic Product ng Tsina mula sa 9.3% noong 2011 at matatamo ang 7.7% ngayong taon. Subalit sa 2013, ang growth rate ng Tsina ay inaasahang makararating sa 8.1% sa pagkaka-epekto ng stimulus measures at paglagong muli ng pandaigdigang kalakalan.

Sinabi ni World Bank Group President Jim Yong Kim na ang bahagi ng Silangang Asia at Pacific ay natriple sa loob ng nakalipas na dalawang dekada, mula sa 6% at halos umabot sa 18% ngayon na nagpapakita ng kahalagahan ng patuloy na paglago ng ekonomiya ng rehiyon sa buong daigdig.

Kahit umano sa ilalim ng mahirap na mga pagkakataon, patuloy na bababa ang bilang ng mahihirap sa rehiyon at mararating ang bilang ng mga kumikita ng mas mababa sa $ 2 sa bawat araw mula sa 28.8% noong 2010 ay mararating ang 24.5% sa pagtatapos ng taong 2013, dagdag pa ni World Bank Vice President for East Asia and Pacific Pamela Cox.

MGA DALUBHASA SA INFORMATION TECHNOLOGY, NASA PILIPINAS, PINAG-AARALAN ANG NAGANAP SA DAIGDIG

MAY mga delegasyon mula sa 17 bansa ang natitipon sa Makati, Metro Manila para sa 4th International Outsourcing Summit. Nagmula ang mga delegado sa nangunguna ang sumisibol na outsourcing markets at investment destinations tulad ng Australia, Bangladesh, Tsina, Colombia, Denmark, Greece, India, Japan, Malaysia, Netherlands, Singapore, Taiwan United Kingdom, Estados Unidos, Pilipinas at Vietnam sa pulong sa pangangasiwa ng Business Processing Association of the Philippines.

Magsasalita sa closing ceremonies si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III bukas.

Ayon sa research and consultancy firm na Everest Group, ang global offshore services market ay lumalago at madodoble sa taong 2016 at aabot sa US $ 250 bilyong industriya. Ang Asia – Pacific market para sa business process outsourcing, hindi kasama ang Japan ay makararating sa US $ 9.5 bilyon.

Ang Tsina ay lumalawak din ang investments sa outsourcing. Ang China Service Outsourcing Development Report 2012 ay nagsasabing ang revenue nila ay umabot na sa US$ 32.4 bilyon noong nakalipas na taon, na kumakatawan sa paglago ng 63.6% kung ihahambing sa nakalipas na taon.

Ang Pilipinas ay umaangat din ayon kay Alfredo Ayala, BPAP chairman at pangulo at CEO ng Livelt Investments Inc. at layuning matamo ang nangungunang puesto hindi lamang sa call centers bagkos ay sa non-voice segments ng IT-BPO at magkaroon ng 4.5 milyong direct and indirect jobs at makaipon ng kitang aabot sa US $96 bilyon mula 2012 hanggang 2016.

ARSOBISPO PALMA, PAMUMUNUAN ANG DELEGASYON NG BANSA SA FABC

ARSOBISPO JOSE S. PALMA, PAMUMUNUAN ANG DELEGASYON NG PILIPINAS SA FABC SA VIETNAM. Tatlong arsobispo at apat na obispo mula sa buong bansa ang dadalo sa ika-40 plenaryo ng Federation of Asian Bishops Conferences sa Vietnam sa darating na Nobyembre 19-25,2012 sa Vietnam.

SI Arsobispo Jose S. Palma ng Cebu at pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mamumuno sa delegasyon ng kapulungan sa darating na pagpupulong ng mga obispo ng Asia sa Vietnam.

Anim na obispo ang makakasama ni Arsobispo Palma sa ika-sampung plenary ng Federation of Asian Bishops Conferences sa Xuan Luoc, Vietnam mula sa ika-19 hanggang ika-25 ng Nobyembre.

Ayon kay Msgr. Joselito Asis, Secretary General ng CBCP, tatlong arsobispo at apat na obispo mula sa buong kapuluan ang dadalo.

Ang mga kasama pulong ay sina Arsobispo Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan, Antonio Ledesma, SJ ng Cagayan de Oro at mga Obispo Mylo Hubert Vergara ng Pasig, Crispin Varquez ng Borongan, Samar, Leonardo Medroso ng Tagbilaran at Emmanuel Cabajar ng Pagadian.

Ang anim ng obispo ay nahalal noong nakalipas na pulong ng CBCP noong Hulyo ng taong ito.

Ang plenaryo ay idinadaos kada ika-apat na taon. Ang pinakahuli ay ginawa sa Maynila noong 2009. Ang pagpupulong sa Vietnam ay kasabay ng ika-40 Anibersaryo ng pagkakatatag ng FABC.

May 100 mga kalahok sa pulong, mga obispo, mga theologian at iba pang pinuno ng Simbahan ang dadalo sa pulong.

Ang FABC ay may 15 bishops' conference members mula sa Bangladesh, India, Indonesia, Japan, Kazakhstan, Korea, Laos-Cambodia, Malaysia-Singapore-Brunei, Myanmay, Pakistan, Plipinas, Sri Lanka, Taiwan, Thailand at Vietnam.

Kabilang din ang sampung associate members, ang Hong Kong, Macau, Mongolia, Nepal, Kyrgyzstan, Siberia (Russia)Tajikistan, Turkmenistan, Uzbekistan at East Timor.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>